Terorismo mula sa himpapawid: Mga brutal na kaso ng pambobomba ng AFP
Ang paghuhulog ng bomba mula sa mga eroplanong pandigma ng AFP, katuwang ang mga drone at kaalinsabay ng pag-iistraping mula sa helikopter, ang isa sa pinakabrutal na taktika ng digmang mapanupil ng estado. Ano pa nga ba ito kundi pasistang terorismo mula sa himpapawid na ang hatid ay karahasan, takot, pagkawasak saan man ito ihasik ng AFP.
Sa ilalim ng tiranikong rehimeng US-Duterte, ang paghahasik ng terorismo mula sa himpapawid ay palala nang palala mula 2017 matapos ideklara ng haring pasista na “patagin ang kabundukan” at ipakita sa buong Pilipinas ang kanyang hindi nahahangganang brutalidad sa pamamagitan ng pagpulbos sa Marawi City. Mula noon, daan-daang mga bomba, rocket at mga bala ng kanyon na ang ginamit ng AFP sa gera nito ng pagsupil sa sambayanan at sa kanilang makatwirang armadong pakikipaglaban.
Sumusunod ang panimulang talaan ng mga kaso ng pambobomba, pangraratrat at panganganyon na tinipon ng Ang Bayan mula sa mga ulat at pahayag. Inaanyayahan ang mga mambabasa na mataman itong basahin upang makita ang sagadsaring kalupitan ng teroristang rehimeng Duterte ang kawalan nito ng pakundangan sa mga internasyunal na makataong batas at mga karapatang-tao.
Ang talaang ito ay hindi pa tapos. Hinihingi ng Ang Bayan sa lahat na iulat ang lahat ng iba pang kaso na hindi pa naisama dito upang mabuo ang larawan ng kalupitan ng pang-ereng pambobomba at istraping at panganganyon. Pinakalayunin nito na maipakita ang mga dahilan kung bakit dapat ipagbawal ang paggamit ng mga sandatang ito–mga sandata ng teroristang karahasan–sa digmang kontra-gerilya at pagsupil sa sambayanan.
Mga kaso ng terorismo ng pang-ereng pambobomba, pag-iistraping at panganganyon
- Noong Pebrero 1, 2017 at Pebrero 14, 2017 binomba ng AFP ang Barangay Manay at Barangay Lupon, sa Davao Oriental.
- Naghulog ng anim na bomba ang AFP noong Pebrero 11, 2017 sa Barangay Datal Anggas sa Alabel, Saranggani. Mahigit 100 pamilyang Lumad (B’laan at Kaolo) ang napwersang magbakwit.
- Noon ding Pebrero 11, 2017, kinanyon ng AFP ang Barangay Macopa, Kibagyo at Bullucan sa Laak, Compostela Valley, na nagresulta sa pwersahang pagbakwit ng 1,000 pamilya.
- Noong Mayo 25, 2017 binomba, kinanyon at inistraping ng 39th IB ang Barangay Salat at Tuael, sa President Roxas, North Cotabato. Noong araw ding iyon, binomba ang Barangay Tangkulan at Anggaan, sa Damulog, Bukidnon.
- Binomba ng AFP noong Setyembre 20, 2017 ang mga komunidad ng Lumad at magsasaka sa Magpet, North Cotabato na tumarget sa paaralang Lumad na Fr. Pops Tentorio Memorial School.
- Binomba ng AFP ang mga komunidad sa paligid ng Mt. Banoy, sa labas lamang ng sentro ng Batangas City noong Setyembre 25, 2017. Daan-daang pamilya sa ilang baryo ang napilitang lumikas sa takot.
- Noong Enero 2018, naghulog ng mga bomba ang 20th sa Barangay Bay-ang, San Jorge, Samar.
- Noong Abril 26, 2018 naghulog ng 38 bomba ang 1st ID sa mga bayan ng Sinacaban at Jimenez sa Misamis Occidental mula 9:00 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga sa sumunod na araw.
- Walang habas na nagpaulan ng bomba ang 28th IB sa mga mataong barangay ng San Isidro at Mati, Davao Oriental noong Abril 26, 2018 mula ala-5 hanggang ala-7 ng gabi, at muli alas-9 ng gabi hanggang hatinggabi. Hindi bababa sa 50 pamilya ang napilitang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa labis na takot.
- Bandang ala-una ng umaga ng Abril 27, 2018, naghulog ng mga bomba ang AFP sa bayan ng Dapiwak at mga baryo sa Dumingag, Zamboanga del Sur, isang araw matapos maka-engkwentro doon ang isang yunit ng BHB. Hindi bababa sa 45 pamilya ang pwersahang napalikas.
- Noong Hulyo 6, 2018, naghulog ng 16 na bomba ang AFP sa mga kabundukan at sakahan sa mga barangay ng New Salem, Villa Undayon at Mount Carmel sa Bayugan City, Agusan del Sur. Ito ay matapos na tambangan ng isang yunit ng BHB ang tropa ng 401st Brigade.
- Noong Hulyo 7, 2018, walang bomba ang inihulog ng mga helikopter at siyam na ulit na kinanyon ng AFP ang mga Sityo Humaos, Bahay at Dakulang sa Barangay La Purisima, Prosperidad, Agusan del Sur.
- Noong Agosto 16, 2018, naghulog ng mga bomba at nag-istraping ang AFP gamit ang dalawang helikopter sa Barangay Sindon Bayabo, Ilagan City. Ito ay bilang pagganti sa tinamong kaswalti sa ambus ng BHB laban sa 95th IB. Nagresulta ang pambobomba sa lubhang pagkatakot ng mga tao at pagkawasak ng kanilang kabuhayan. Dalawang kalabaw ang napatay.
- Noong Agosto 27, 2018, naghulog ng mga bomba ang AFP sa Barangay Dagohoy, Talaingod, Davao del Norte, malapit lamang sa paaralan ng Salugpungan Ta Tanu Igkanugon Learning Center, kung saan ay kasalukuyan noong nagkaklase ang mga bata.
- Noong Setyembre 4, 2018 naghulog ang AFP ng mga bomba sa Shariff Aguak, Maguindanao, katuwang ang US Army Special Forces. Isang sibilyan ang namatay at tatlo ang nasugatan. Ilang libong pamilya at napilitang magbakwit.
- Noong Setyembre 5, 2018 binomba at kinanyon ng AFP ang Barangay Bialong, Shariff Aguak, Maguindanao. Nasawi sa pambobomba ang residenteng si Ustadz Abdulladzis Abdulrahim, 58 taong gulang at ikinasugat ng tatlo.
- Noong Setyembre 16, 2018, naghulog ng bomba at nanganyon ang AFP sa Barangay Sangay, Kalamansig, Sultan Kudarat, matapos tambangan ng BHB ang mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team-2.
- Noong Setyembre 28, 2018, bandang alas-3 ng hapon, nagpaulan ng bomba ang mga helikopter at kinanyon ng AFP ang Sityo Indawhong at Sityo Kalachuchi sa Barangay Salaysay, Baguio District, Davao City. Ito ay isang oras matapos tambangan ng yunit ng BHB ang isang platoon ng 3rd IB sa lugar. Nagpatuloy nang isang araw ang panganganyon sa lugar na naging dahilan para magbakwit ang 42 pamilyo o 200 indibidwal mula sa dalawang komunidad.
- Noong Nobyembre 2, 2018, pinagbantaan ng 39th IB ang mga residente ng Barangay Luayon, Makilala, North Cotabato na bobombahin ang kanilang komunidad, isang araw matapos silang lumikas dahil sa lindol.
- Mula Disyembre 12, 2018 hanggang Disyembre 16, 2018, naghulog ang AFP ng 11 rocket sa Sitio Lakbangan, Barangay Minalwang, Claveria, Misamis Oriental gamit ang mga pang-atakeng helikopter sa ilang araw na pakikipagsagupa sa BHB. Hindi rin bababa sa 13 ulit ang pag-iistraping at 11 ulit ang panganganyon.
- Noong Disyembre 31, 2018, bandang alas-2 ng hapon, anim na bomba ang inihulog ng AFP sa Sityo Panukmoan at Sityo Decoy, sa Barangay Diatagon, Liangan, 150 metro lamang ang layo sa sentro ng kanilang komunidad. Dahil dito, nagbakwit ang 26 na pamilyang Lumad (o 172 indibidwal).
- Noong Enero 28, 2019, apat na oras na binomba ng 19th IB ang mga komunidad sa Barangay Amabel, sa Magpet, North Cotabato.
- Noong Pebrero 5, 2019, naghulog ng bomba ang AFP sa Barangay Datu Wasay, Kalamansig, Sultan Kudarat matapos ang armadong pakikipagsagupa sa BHB. Hindi bababa sa 20 elemento ng Marine Battalion Landing Team-2 ang nasawi sa sarili nilang bomba.
- Noong Pebrero 25, 2019, bandang 1:30 ng umaga, naghulog ng mga rocket at nag-istraping ang dalawang AW109 na helikopter sa bulubunduking lugar ng Sitio Sil-angon, Barangay Cawayan, San Fernando, Bukidnon.
- Noong Marso 31, 2019, binomba at inistraping ng 401st IBde ang Barangay Diatagon, Lianga, isang araw matapos ang engkwentro sa pagitan ng AFP at BHB. Dahil sa takot, nagbakwit ang 28 pamilya mula sa Sitio Decoy at Panukmoan.
- Noong Abril 7, 2019, naghulog ng mga bomba ang AFP sa Barangay Kipilas, Kitaotao, Bukidnon. Nasawi sa pambobomba si Datu Kaylo Bontulan, kilalang lider Manobo at upisyal ng Pasaka at Salugpungan, na noo’y bumibisita sa lugar.
- Noong Abril 16, 2019, matapos mapa-engkwentro sa isang yunit ng BHB, naghulog ng mga bomba, nanganyon, nag-istraping mula sa himpapawid ang 19th IB sa Sitio Anoling, Barangay Badiangon, Arakan, North Cotabato. Ilandaang sibilyang residente sa magkakanugnog na barangay ang lumikas sa kanilang mga tahanan.
- Noong Abril 23, 2019, 14 ulit na kinanyon ng AFP at nag-istraping mula sa helikopter sa gitna ng mga bukid at komunidad, matapos ang armadong labanan sa Barangay Badiangon, Arakan, North Cotabato.
- Noong Abril 24, 2019, naghulog ng mga bomba at kinanyon ng AFP ang Barangay Cabuyuan, Mabini, Compostela Valley, matapos makasagupa ng BHB sa lugar.
- Simula Abril 29, 2019, apat na araw na binomba at inistraping ng AFP ang mga komunidad ng katutubong Mangyan (Buhid) sa sityo ng Anoling, Masay, Mantay at Sangay sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro at mga sityo ng Buswak at Balya sa Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro. Mahigit 1,000 ang nagbakwit sa kanilang mga komunidad.
- Noong Abril 30, 2019, inilunsad ng 203 IBde ang walang patumanggang pambobomba at istraping sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro. Sa labis na takot, hindi bababa sa 1,000 Mangyan sa lugar ang napilitang lumikas.
- Noong Hulyo 12, 2019, bandang 1:30 ng hapon, naghulog ng mga rocket at nag-istraping ang dalawang MD520 helikopter sa Barangay Guinabsan, Buenavista, Agusan del Norte sa natukoy na kampo ng BHB. Walang tinamaan sa mga Pulang mandirigma at nakaatras ang lahat.
- Noong Hulyo 26, 2019, ala-5:41 ng umaga, naghulog ng 13 rocket at apat na beses na nanganyon ang AFP sa Barangay Bantayao, Lumba-Bayabao, Lanao del Sur sa natukoy na pinagkampuhan ng BHB. Ilang oras nang nakaalis ang mga Pulang mandirigma sa kampo nang simulan ng AFP ang pambobomba at paglusob ng ground forces.
- Hindi bababa sa 15 bomba ang inihulog sa mga liblib na baryo ng Puting Bato at Cabadbaran City, Agusan del Norte noong Agosto 12, 2019. Kaugnay ito pinaplanong mga operasyong pagmimina sa Mt. Hilong-hilong.
- Noong Agosto 13, 2019 naghulog ang AFP ng anim na bomba at inistraping ang lugar malapit sa komunidad ng Barangay Lidong, Caramoan kahit wala namang yunit ng BHB na malapit sa lugar. Napwersang lumikas ang humigit-kumulang 230 pamilya sa magkakalapit na barangay.
- Noong Setyembre 26, 2019, naghulog ng mga bomba at nag-istraping ang 50th IB sa kabundukan at lupaing ansestral ng tribong Pidlisan.
- Noong Oktubre 14, 2019 hanggang Oktubre 21, 2019, naghulog ang AFP ng 5 bomba, nanganyon ng 102 ulit at tatlong ulit na nag-istraping sa Barangay San Luis, Matibog, Bukidnon, kasabay ng malawakang operasyong militar.
- Noong Oktubre 25, 2019 at Oktubre 26, 2019, naghulog ng mga rocket sa mga bukid at magubat na lugar malapit sa mga komunidad sa pagitan ng Sagada, Besao at Bauko sa Mountain Province.
- Bandang madaling araw ng Oktubre 26, 2019, naghulog ang AFP ng tatlong 500-libras na bomba malapit sa komunidad ng Barangay Capotoan, Las Navas, Northern Samar. Tinamaan ang mga bukid ng 13 pamilya, at sumira sa mga bahay, inaning palay at mga ai-arian. Sinundan ito ng pangraratrat ng mga sundalong lulan ang helikopter.
- Noong Oktubre 29, 2019, ala-6 ng umaga, naghulog ng rocket ang AFP sa kabundukang bahagi ng Barangay Canangaan, Cabanglasan, Bukidnon. Sa sumunod na araw, Oktubre 30, 2019, mula ala-6 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon, nagpalit-palit ang paghuhulog ng rocket, istraping at panganganyon. Sa kabuuan, aabot sa 70 rocket at artillery ang ginamit ng AFP.
- Noong Pebrero 18, 2020, bandang alas-4 ng umaga, apat na bomba mula sa FA50 ang inihulog ng AFP at apat na beses nag-istraping mula sa eroplano sa Sityo Gabunan, Barangay Dumalaguing, Impasug-ong, Bukidnon. Sampung beses ding kinanyon ang lugar. Target ng pambobomba ang kampo ng NPA na may ilang araw nang nilisan ng mga Pulang mandirigma. Sa labis na takot sa pambobomba, di bababa sa 25 pamilya ang lumikas matapos na bombahin ng AFP ang kanilang lugar.
- Noong Marso 18, 2020, hindi bababa sa 10 eroplano ang ginamit ng AFP para maghulog ng hindi bababa sa 20 bomba sa mga komunidad sa matataas na lugar sa Barangay Cabuyuan, Mabini, Davao de Oro. Nagsimula ang pambobomba bandang alas-4 ng umaga at natapos bago magdilim. Nasa 50 pamilya ang napwersang lumikas tungo sa mas ligtas na lugar. Pinalalabas ng AFP na nagkaroon ng armadong engkwentro sa lugar, kahit walang ganoong pangyayari.
- Noong Marso 24, 2020, naghulog ng isang bomba at apat na rocket ang 10th ID gamit ang isang FA50, bandang ala-7 ng umaga sa Barangay Mandahikan, Cabanglasan, Bukidnon, matapos mabigo ang opensiba ng mga tauhan ng 56th IB laban sa BHB. Kasabay nito ang hindi bababa sa apat na ulit na kinanyon ang lugar. Bandang ala-1 ng hapon, matapos ang isa pang armadong sagupaan, walang-habas na nanganyon ang AFP na tumama sa 330-400 metro mula sa komunidad.
- Naghulog ng bomba at kinanyon ng AFP ang Sityo Tapyanon, Kapalong, Davao del Norte noong Marso 24, 2020.
- Noong Marso 27, 2020, gamit ang isang FA-50 fighter jet, naghulog ang 4th ID ng limang bombang 500-libras malapit sa mga komunidad ng Lumad sa Barangay Mandahikan, Cabanglasan, Bukidnon. Tatlong bomba ang inihulog bandang ala-9 ng umaga, at dalawa pa ang inihulog bandang ala-2 ng hapon, na nagresulta sa labis na pagkatakot ng mga residente.
- Bandang tanghali ng Marso 29, 2020, nagpalipad ang AFP ng ng 10 rocket sa Barangay Mandahikan, Cabanglasan, Bukidnon, na sumira sa mga puno at iba pang rekursong panggubat.
- Noong Marso 31, 2020 hindi bababa sa 10 rocket ang muling pinalipad sa Barangay Mandahikan, Cabanglasan, Bukidnon. Binomba rin sila mula sa mga kanyon na nakapwesto sa katabing barangay sa Loreto, Davao del Norte. Habang nambobomba, lumilipad sa lugar ang isang eroplanong Cessna.
- Noong Abril 19, 2020, bandang ala-5 ng umaga, naghulog ng hindi bababa sa apat na bomba sa malapit sa bahayan ng Sitio Kapanal, Barangay Gasi, Kiamba, Saranggani. May ilan nang magsasakang Lumad (mula sa tribong T’boli) na nasa kanila nang bukid sa mga oras na iyon na labis na nangamba sa pambobomba.
- Noong Mayo 10, 2020, naghulog ang AFP ng mga bomba gamit ang mga eroplanong FA-50 mula alas-3 hanggang alas-9 ng umaga. Tinamaan ang isang kampo ng NPA na ikinasawi ng 10 Pulang mandirigma, kabilang ang ilang mga sanay na mga medik na nagpaplano noon na maglunsad ng misyong medikal sa lugar.
- Noong Mayo 11, 2020, nagpalipad ang AFP ng 10 misayl gamit ang isang FA-50 jet na tumama malapit sa komunidad ng mga Lumad sa Sitio Tapyanon, Barangay Mandahikan, Cabanglasan, Bukidnon. Sinundan ito ng 10 pang misayl at walang habas na istraping ng kalibre .60 masinggan mula sa dalawang heliopter na Huey. Ang pagsalakay mula sa ere ay ganti sa pag-isnayp ng isang yunit ng NPA sa mga sundalo sa lugar.
- Naghulog ng apat na bomba ang AFP gamit ang FA-50 noong Mayo 12, 2020, alas-3 ng umaga, malapit sa Km. 16 at Sitio Han-ayan sa Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur. Limang beses ding kinanyon ang lugar. Sa sumunod na apat na araw, walang patid ang paglipad ng mga drone at helikopter sa lugar.
- Noong Mayo 14, 2020 at Mayo 18, 2020 naghulog ang AFP ng walong 230-kilong bomba mula sa mga FA50, at 24 rocket gamit ang mga helikopter sa mga bukid at bundok sa Sityo Hayon, Barangay Libas Sud at Barangay Siagao sa San Miguel, Surigao del Sur. Limang Pulang mandirigma ang nasawi sa naturang pambobomba.
- Humigit-kumulang 150 pamilya o 700 residente mula sa Sityo Sta. Rita at Sityo San Roque, Barangay Sinanglanan, Malaybalay City ang lumikas noong Mayo 14, 2020 sa pangambang bobombahin ng AFP ang kanilang mga komunidad, tulad ng ginawa sa mga katabing komunidad.
- Noong Mayo 31, 2020 at Hunyo 1, 2020 naghulog ang AFP gamit ang FA-50 ng mga bomba sa komunidad at mga sakahan ng mga katutubong Mangyan sa Socorro, Oriental Mindoro.
- Noong Hunyo 24, 2020, naghulog ang AFP ng 15 bomba, kinanyon ng 11 ulit, at inistraping ang 15 komunidad sa Cabanglasan, Bukidnon. Pwersahang pinalikas ng AFP ang aabot sa 2,000 Lumad at magsasaka sa lugar at idineklara ang mga komunidad na ““no man’s land”” upang isagawa ang walang habas na pambobomba na sumira sa mga taniman ng mais.
- Noong Hunyo 25, 2020, ilang ulit na kinanyon ang Sitio Maro, Barangay Senuda, Kitaotao, Bukidnon, malapit sa pusisyon ng tropa ng 3rd IB. Hindi bababa sa dalawang sundalo ang napatay sa pambobomba. Sinundan ito ng paghuhulog ng rocket at pag-istraping sa lugar, habang kumakaripas ng takbo ang sarili nilang tropa.
- Noong Hulyo 7, 2020 binomba ng AFP ang pansamantalang kampo ng BHB sa Sitio Panukmuan, Barangay Diatagon, Lianga, alas-2:30 ng umaga, gamit ang FA50, Augusta Westland helikopter, mga drone at kanyon. Dalawang Pulang mandirigma ang nasawi.
- Noong Hulyo 14, 2020 binomba ng AFP ang Barangay Anahaw Daan, Tago, Surigao del Sur.
- Noong Hulyo 14, 2020, hindi bababa sa 64 na ulit na kinanyon ng 105mm howitzer ang maburol na bahagi ng Sitio Salvacion, Barangay San Nicolas, San Jose de Buan, Western Samar. Walang yunit ng BHB sa lugar.
- Noong Hulyo 15, 2020, hindi bababa sa dalawang bomba ang inihulog malapit sa dalawang komunidad ng mga Lumad sa Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur.
- Noong Hulyo 28, 2020 gamit ang mga fighter jet, naghulog ng hindi bababa sa 20 bomba ang Sitio Magawa, Hagpa, Impasug-ong, Bukidnon, kasabay ng panganganyon sa lugar.
- Noong Hulyo 31, 2020, kinanyon nang 15 ulit ang mga bukid sa Sitio Mindao, Miaray at Kalakapan, sa Barangay _, Cabanglasan, Bukidnon.
- Bandang ala-2 ng hapon ng Agosto 13, 2020 sinimulan ang isa’t kalahating oras ng pambobomba at pag-istraping ng 9th ID sa mga komunidad sa Barangay Lidong, Dagang, Caramoan, na nagresulta sa paglikas ng humigit-kumulang 200 pamilya mula sa kanilang lugar. Pinalalabas ng AFP na nagkaroon ng armadong sagupaan bagaman wala namang yunit ng NPA sa lugar.
- Naghulog ng apat na rocket ang AFP sa Sitio Talabaw, Barangay Binicalan, Agusan del Sur, noong Agosto 19, 2020 matapos dumanas ng pagkatalo sa labanan sa BHB sa naturang lugar.
- Noong Agosto 19, 2020, kinanyon ng AFP ang Sitio Dasuran, Barangay Golden Valley matapos ang misencounter sa pagitan ng 66th IB at 71st IB.
- Noong Agosto 21, 2020, binomba ng AFP ang Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales gamit ang apat na helikopter, na sumira sa taniman at pinangangasuhan ng mga katutubong Aeta. Hindi bababa sa 190 pamilya (kabilang ang 660 bata) ang napwersang magbakwit sa katabing Barangay Aglao.
- Noong Setyembre 18, 2020 mula alas-3 paitaas, apat na ulit na kinanyon ang mga bukid sa direksyon ng Barangay Siljagon, at dalawang ulit malapit sa ilog ng Oras.
- Noong Setyembre 30, 2020 mula alas-11 ng gabi hanggang alas-2 ng umaga ng sumunod na araw, 16 ulit na kinanyon ang mga bukid sa bandang Sitio Canonghan, Barangay Osmeña, Palapag, Northern Samar.
- Noong Setyembre 30, 2020 iniulat ng mga residente ang walang patumanggang pag-iistraping sa direksyon ng mga bukid sa Barangay Bagacay, Palapag.
- Binomba ng AFP ang Barangay Slaysayon, Quezon, Bukidnon noong Oktubre 9, 2020 matapos makaranas ng kaswalidad sa opensiba ng BHB sa lugar.
- Kahit walang target, naghulog ang AFP ng tatlong bomba, at paulit-ulit na inistraping ang mga bukid sa Barangay Lawak Langka, Mangatarem, Pangasinan noong Nobyembre 24, 2020 bandang ala-6 ng umaga. Pinalabas ng North Luzon Command na nagkaroon ng armadong engkwentro sa lugar, kahit pa wala naman doong yunit ng NPA sa pagkakataong iyon.
- Noong Nobyembre 25, 2020, naghulog ng pitong bomba at niratrat ng 29th IB ang mga komunidad sa Santiago, Agusan del Norte.
- Naglunsad ng serye ng pambobomba mula Disyembre 22, 2020 hanggang Disyembre 27 sa Palimbang, Sultan Kudarat, laban sa isang yunit ng BHB. Hindi bababa sa 21 sundalo ng AFP ang namatay sa mga bombang inihulog ng sarili nilang pwersa.
- Noong Disyembre 22, 2020 at Disyembre 27, 2020, naglunsad ng serye ng paghuhulog ng bomba ang AFP sa Far South Mindanao na tumama sa kanilang sariling pwersa na ikinasawi ng hindi bababa sa 21 tauhan.
- Sa loob ng tatlong araw (Enero 5, 2021 hanggang Enero 7), 14 na bomba ang inihulog ng mga eroplano ng AFP sa mga gubat at taniman sa Barangay Pacgued at Barangay Mataragan sa Malibcong, Abra, at sa Sitio Sap-al, Barangay Buneg, Lacub.
- Noong Enero 16, 2021, walang habas na kinanyon at binomba ng AFP ang mga barangay ng Sandayao, Trinidad, Binobohan, Imelda at Tacpao, gamit ang mga helikopter.
- Noong Enero 24, 2021 hanggang Enero 25, labing-apat (14) na bomba ang inihulog ng mga eroplano ng ng AFP sa lugar ng pangangaso at kagubatan sa hangganan ng Tubo at Besao, Abra.
- Noong Enero 31, 2021, nambomba at nag-istraping ang AFP sa Sitio Saluringan, Barangay Canangaan, Cabanglasan, Bukidnon, bandang ala-2 ng hapon, matapos na tinamaan ang kanilang mga tropa ng isnayping ng BHB.
- Noong Pebrero 5, 2021, matapos and armadong engkwentro, ilang ulit na binomba ng AFP ang mga lugar malapit sa Barangay Masaya, Buenavista, Quezon na nagdulot ng matinding takot sa mga kanugnog na barangay.
- Noong Pebrero 5, 2021 hanggang Pebrero 11, hindi bababa sa 22 barangay sa apat na bayan sa prubinsya ng Quezon ang walang patumanggang binomba at inistraping ng AFP. Naapektuhan ng mga pambobomba ang mga barangay ng Esperanza, Masaya, Villa Aurora, Villa Veronica, dela Paz, San Pedro, Mabini sa bayan ng Buenavista; mga barangay ng Anyao, Agro, Anusan, Camandiison, Tagbacan Silangan, Milagrosa sa Catanauan; mga barangay ng Anonang, Bagupaye, Bolo, Buenavista, Burgos, Mabini, Magsaysay sa Mulanay; at mga barangay ng Bani at San Isidro, sa San Narciso.
- Noong Pebrero 8, 2021, walong bomba ang inihulog ng AFP sa Barangay Canlobo, Pinabacdao, Western Samar. Sa loob ng 45 minuto, nag-istraping din mula sa helikopter na tumama sa mga sakahan sa lugar. Ang gayong pambobomba ay paghiganti sa pagkabigo ng inilunsad nilang opensiba laban sa BHB.
- Noong Pebrero 11, 2021, naghulog ang isang eroplano ng AFP ng dalawang bomba habang apat na ronda ng pag-iistraping ang isinagawa ng mga helikopter sa magubat na lugar at lugar ng pangangaso ng tribong Agawa sa Barangay Tamboan, Besao, Mountain Province.
- Noong Pebrero 18, 2020, bandang alas-2 ng umaga, naghulog ng apat na bomba ang mga FA50 ng AFP sa Barangay Lilingayon, Valencia City, Bukidnon. Apat na ulit na inistraping mula sa ere at 10 ulit na kinanyon ang lugar. Tinamaan ang isang kampo ng BHB kung saan may isang Pulang mandirigma ang nasawi at pito ang nasugatan.
- Noong Marso 6, 2021, binomba ng AFP ang Barangay Guimad, Ozamiz City na tumama at sumira sa mga bukid, at nagresulta sa labis na pangamba sa masa. Ito ay matapos tambangan ng BHB ang mga tauhan ng 10th IB sa lugar.
- Walang habas na binomba ng 203rd Brigade ang mga pamayanan at sakahan ng mga katutubo mula hapon ng Marso 25, 2021 hanggang maghapon ng Marso 26. Umabot sa 11 bala ng kanyong howitzer ang pinasabog ng 203rd Brigade sa mga sakahan at komunidad ng katutubo at magsasaka sa hangganan ng Mansalay at Roxas. Dahil dito, lumikas ang libu-libong residente sa hindi bababa 15 sityo ng dalawang bayan, laluna ang mga nakatira sa Brgy. Panaytayan at San Vicente. Apektado ang tinatayang higit 15,000 populasyon ng dalawang barangay.
- Sa pagitan ng 4:30 at 5:30 ng umaga ng Abril 6, 2021, naghulog ng tig-tatlong bomba ang dalawang FA-50 fighter jet na sinundan ng pag-ulan ng bala mula sa kalibre .50 masinggan sa magubat na lugar ng Brgy. Kasapa II, La Paz, Agusan del Norete, malapit lamang sa bukid at bahayan ng mga Lumad at magsasaka. Isang eroplanong Cessna at dalawang drone ang lumilipad nang naghulog ng bomba ang mga jet fighter. Ilang oras paglipas, dumating ang isa pang eroplano at naghulog ng mga bomba at nag-istraping hanggang tangghali. Bagaman walang seryosong nasugatan, may ilang residenteng nagalusan dahil nagkandarapa sa pagtakbo. Ayon sa mga residente, pakiramdam nila’y naghihintay lang silang tamaan ng bomba. Walang noong yunit ng NPA sa lugar.
- Noong Abril 2021, pitong Pulang mandirigma ang nasawi nang tinamaan ng inihulog na bomba ang dalawang kampong gerilya ng BHB sa Surigao del Sur.
- Hunyo 9, 2021, kinanyon ng mga pwersa ng 3rd ID mga liblib na lugar sa Himamaylan City and Binalbagan mula ala-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon. Sa labis na takot, ang mga residente ay pansamantalang lumikas at iniwan ang kanilang kabuhayan.
- Noong Hunyo 9, 2021, kinanyon ng AFP ang kabundukan ng Cambantog na walang malinaw na inaasinta.
- Noong Agosto 16, 2021, 13 oras na naghulog ng hindi bababa sa 50 bomba at walang patumanggang nag-istraping ang AFP sa Dolores, Eastern Samar simula alas-4 ng umaga. Gumamit ang AFP ng 2 FA-50, 2 Super Tucano, 2 Augusta Westland helicopter, 2 Huey, 1 helikopter na MD520, mga Hermes 900 na drone at hindi bababa sa 7 iba pang drone. Dalawampung Pulang mandirigma, na noo’y natutulog o kababangon pa lamang, ang walang kalaban-labang nasawi sa pambobomba.
- Noong Setyembre 15, 2021, kinanyon ng anim na ulit ang Sitio Palisan, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Setyembre 16, 2021, kinanyon nang dalawang ulit ang Sitio Nalubas, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Setyembre 16, 2021, kinanyon nang dalawang ulit ang Sitio Bugang, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Setyembre 21, 2021, simula alas-4 ng umaga, naghulog ang AFP gamit ang FA50 at Super Tucano ng dalawang malaki at dalawang maliit na bomba, na sinundan ng istraping sa Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan. Target nito ang isang iskwad ng BHB. Limang Pulang mandirigma ang nasawi.
- Noong Setyembre 25, 2021, kinanyon nang limang ulit ang Sityo Sasu, Talaingod, Davao Del Norte
- Noong Oktubre 2, 2021, kinanyon ng pitong ulit ang Sityo Nalubas, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Oktubre 2, 2021, naghulog ang AFP ng 6 na rocket and inistraping ang Sitio Nalubas, Talaingod, Davao del Norte, mula 10:30 am hanggang 11:50 am. Sa araw ding iyon, naghulog ulit ng 5 rocket at inistraping ang sityo mula 1:35 ng hapon hanggang 2:55 ng hapon.
- Noong Oktubre 3, 2021, kinanyon ng limang ulit ang Sitio Lasakan at Sambulongan, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Oktubre 3, 2021, kinanyon ng anim na ulit ang Sitio Nalubas, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Oktubre 4, 2021, kinanyon ng apat na ulit ang Sitio Lasakan, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Oktubre 12, 2021, kinanyon ng pitong ulit ang Sitio Nalubas at Nabalabag, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Oktubre 12, 2021, kinanyon ng apat na ulit ang Sitio Lasakan, Talaingod, Davao del Norte.
- Noong Oktubre 15, 2021, naghulog ang AFP ng pitong rocket at nag-istraping sa Sityo Nalubas mula 2:49 ng umaga hanggang 3:50 ng umaga.
- Noong Oktubre 12, 2021, kinanyon ng apat na ulit ang Sitio Nalubas, Talaingod, Davao del Norte.
Unang Bersyon: Oktubre 21, 2021