Pahayag para sa anibersaryo ng PKP Bigwas | Ipagbunyi ang mga tagumpay ng pakikibaka para sa buhay lupa at kabuhayan! Ipagdiwang ang 53 taon na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa rebolusyong Pilipino!

,

Ang kagustuhan ng masang inaapi na mabuhay at magkaron ng sapat na kabuhayan ay laging nangangahulugan ng pakikilaban. Ang paggigiit sa mga ito ay lagi nang pakikipaghilahang lubid sa mga naghaharing uri na ang nais naman ay angkinin ang lahat ng yaman at kabuhayan. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay limampu’t tatlong taon ng namumuno sa pakikibakang ito ng masang Pilipino. Limampu’t tatlong taong di matalo-talo ng mga papet na rehimen. Susi dito ang gabay ng Marxismo Leninismo Maoismo, pag-ugat sa masa at pagtamasa ng kanilang suporta, paghalaw ng aral sa mga karanasan sa deka-dekadang pakikibaka, at ang panahon, lakas, talino at mismong buhay na inalay ng mga rebolusyunaryong martir.

Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad sa mga martir ng rebolusyon. Sina Fernan “Ka Islaw” Poblacio JR., Rommel “Ka David” Tucay, Ronnel “Ka Rakim” Madrigal, at Nephtali “Ka Allen” Santos (kilala rin bilang Kumander Kalbo). Sila ay mga kadre ng Partido at mga pulang mandirigma na buong tapang na gumampan sa kanilang dakilang misyon, buhay man nila ay inialay. Gayun din sa mga masa at aktibista na nag – ambag ng kanilang buhay para sa rebolusyunaryong adhikain. Ang kanilang kamatayan ay kabayanihan! Ang kabayanihan nila ay walang kamatayan!

Sadyang mahirap, lipos ng sakripisyo, at pinagbubuwisan ng buhay ang pagrerebolusyon, pero ang mga ito mismo ang sangkap para magtagumpay ang uring inaapi.

Pagbabalik tanaw sa mga tagumpay ng PKP kasama ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at masa sa Kanluran Gitnang Luzon.

Saan man naroon ang BHB, mahigpit na niyayakap ng masa ang tunay nilang hukbo at ang Demokratikong Rebolusyong Bayan na subok nang nagtataguyod sa kanilang interes. Kaya naman sa nauna pang mga taon, binigo ng masa at rebolusyunaryong kilusan ang pagratsada ng mga mapangamkam na proyekto ng rehimeng US-Duterte gaya ng NGP, konstruksyon ng dam, mga kalsada, at iba pang proyektong pang ekoturismo sa Zambales Mountain Range.

Sa mga eryang nasaklaw ng BHB, nabuklod ang mga masa na tumindig at lumaban. Pinanindigan ng mga pambansang minoryang Ayta ang lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya. Matatag na nanindigan ang masang magsasaka sa kanilang karapatan sa paninirahan, pangangalap ng kabuhayan sa kabundukan at pagbubungkal ng lupa. Sa pamamagitan ng organisadong pagkilos, nagtagumpay sila na tamasain ang bunga ng kanilang pinagpaguran. Sa pagpapatibay ng kanilang mga rebolusyonaryong samahan, ang yaman ng lupa ay napakinabangan ng mga pamilyang magsasaka, sa halip na magsilbi sa pagkamal ng tubo ng mga amo ni Duterte na dayuhang imperyalista.

Maliwanag na ngayon sa masang magsasaka na ang hiwa-hiwalay na pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa kanilang baryo, ay isang malaki at grandyosong maka imperyalistang proyekto ng papet na gobyerno. Naiturol kung sino-sino ang pinakamakitid na kaaway na silang may sala sa pagpapahirap sa kanilang kabuhayan: ang rehimeng US-Duterte, mga burukrata, mga panginoong may lupa at malalaking burgesya kumprador. Mula dito, namulat ang masang magsasaka na ang tumitinding kahirapan ay laban ng uring api, at napakalawak pala ng kanilang kakampi.

Tagumpay na muling nabalikan ng BHB ang mga baryong matagal ng hindi nakilusan. Tagumpay na muling napalalim ang pagsisiyasat sa kalagayan ng masa. Naireaktibisa ang mga dati nang kasapi ng partido sa lokalidad at nagbahagi ng mga lagom na aral, mga naging kalakasan at kahinaan sa naging pagharap sa mga nauna pang papet na rehimen. Naglunsad ng pagpupuna at pagpupuna sa sarili sa pagitan ng hukbo at masa. Muling nabuo ang mga organisasyong masa, Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM) , Samahan ng Kabataang Makabayan (SKM), Malayang Kilusan ng Makabagong Kababaihan (Makibaka).

Nakapagplano at nakapagbuo ng mga programa sa kabuhayan, literasiya at medikal. Sa panahon ng pandemyang COVID19 at sa gitna ng kriminal na kapabayaan ng estado sa mamamayan, ang programa sa medikal ng PKP at BHB ang tanging nagpaliwanag sa masa kung ano ang sakit na ito at paano makakaiwas dito. Sa panahon ng pandemya, lalong sumahol ang kalagayang pangkalusaugan ng mga masa, mga dati nang may sakit, matatanda, bata at buntis. Dati na silang hindi nagpapagamot sa ospital ng gobyerno dahil sa napakamahal na gamot at iba pang bayarin. Sa panahon ng pandemya, lalong ayaw na nilang magpagamot sa ospital ng gobyerno dahil sa kulang kulang na pasilidad, mabagal na serbisyo at bulok na pangangasiwa nito na siya pang magpapalala ng kanilang sakit at maging sanhi ng kanilang kamatayan. Ang mga masa na nawawalan na ng pag-asang lumakas ay kinalinga at napagaling sa mga Klinikang Bayan ng BHB. Nabigyan sila ng serbisyong dental, minor na operasyon, tuli, sesyon ng akupangtura at mayron ding pagupit ng buhok. Nagbigay din ng treyning at pag-aaral sa mga masa tungkol sa gawaing pangkalusugan, mga karaniwang sakit, pag gawa ng herbal na gamot, pag-aakupangtura, at paglalapat ng paunang lunas.

Sa kabuhayan, nakapaglunsad ng mga minimum na agraryong rebolusyon, gaya ng pagpapababa sa resiko at pagpapababa ng interes sa pautang. Nanindigan ang masa na huwag nang tangkilikin ang mga patrabaho ng DENR. Binunot ang mga muhon at pang eksport na patanim nito. Ang lupang inaangkin ng gobyerno bilang plantasyon ay binawi ng masa at muling ginawang kaingin na pinagkukunan ng kanilang makakain.

Nabuo ang mga milisyang bayan. Sa pagtutulungan ng hukbo at masa, nakapaglunsad ng mga aksyong militar na pumarusa sa mga kaaway. Tagumpay na nakapagpalawak at nabalikan ang mga baryong dating nakikilusan. Nakonsolida ang organisasyong masa at nagresulta ng mga pagsanib at pagsampa sa BHB.
Lumalakas ang armadong paglaban ng mamamayan sa Kanlurang Gitnang Luzon kaya takot na takot ang kaaway. Kaya naman sa taong 2021, huling taon ng pagkapresidente ni Duterte, desperado nitong sinubukang pigilan ang pagsulong ng rebolusyon.

 

Pananalanta ng kaaway, naging pagharap at mga tagumpay ng masa at rebolusyunaryong kilusan sa taong 2021

Atake sa kabuhayan ng masa

Layon ni Duterte na mairatsada ang pandarambong sa yaman ng bayan. Para magawa ito kinakailangan niyang durugin ang BHB, wasakin ang PKP para mabawi ang mga tagumpay ng masa at maalis ang kanilang sandigan sa paglaban. Sa desperasyong magawa ito, samut saring marahas at mapanlokong pamamaraan ang kanilang ginawa.

Magkakatulong ang AFP, PNP, DENR, NCIP at iba pang ahensya ng gobyerno para tuloy-tuloy na palayasin ang masa sa lupa, pagbawalan silang magkaingin at maghanap ng kabuhayan sa gubat. Magkakasabwat rin ang mga ahensyang ito para linlangin ang masa sa matatamis na pangako at paasahin sa limos ng gobyerno.

Pasurpresang hinuhuli ng DENR na may eskort pang pulis o sundalo ang masang naghahanap lang ng kabuhayan sa bundok. Pinagbabayad sila ng malaking halaga bago palayain. Sa Mangatarem, Pangasinan, hindi pa nakuntento sa ginawang pambobomba sa mga kaingin ng masa noong nakaraang taon, ngayon naman, maramihan at iligal nilang inaresto ang mga magkakaingin, kabilang ang mga menor de edad. Lumalang hirap at gutom ang nadama ng masang magsasaka sa taong ito, na pinasahol pa higit ng lockdown at militaristang pagharap sa pandemyang COVID19.

Pinatinding pasismo

Sa taong ito, pinaigting ng reaksyunaryong gobyerno ang todo-gera sa kanayunan sa buong bansa. Sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP), nagtayo sila ng mga himpilan ng AFP at CAFGU sa mga baryo. Maliban sa gwardyahan ang kanilang mga proyekto, layunin nitong bantay-sarado ang galaw ng sibilyan at ipailalim sila sa malulubhang anyo ng panunupil. Inalisan ng gobyerno ng pondo ang mga barangay at inilipat ito sa pangangasiwa ng National Task Force to End local communist armed conflict (NTF-Elcac) para gipitin ang mga barangay para pumailalim sa kanilang mga kagustuhan.

Sa udyok ng NTF-Elcac sa kanilang programang Baranggay Development Program (BDP) na nangangako ng P20 milyon sa bawat “malinis” na baranggay, nahuhuramentado ang mga yunit pangkombat ng AFP sa kampanyang pasurender. Paulit ulit na pinatatawag ang mga masa para ipailalim sa interogasyon at intimidasyon. Pinipilit na umaming NPA, sumurender, at magturo pa ng mga kababaryo. Binabantaan nila ang mga masa at sinusuhulan. Umabot pa nga na piliting maging civil intelligence C.I. o asset ang sibilyan para hindi sila saktan at ikulong. Desperado ang kaaway na magpasurender. Pinapupunta nila ang mga masa para umano makatanggap ng rasyong bigas at pagkain, pero programang pasurender at anti-komunistang rali pala ang dadatnan. Dito sapilitan na pinapirma at piniktyuran ang mga dumalo at inilathala n gmga sumurender bilang patunay diumabo sa kanilang tagumpay at paghina ng rebolusyunaryong kilusan.

Ginagambala ng mga sundalo ang kabuhayan ng masa. Inoobliga silang dumaan sa himpilan bago mangalap ng kabuhayan sa bundok. Gumagawa ang mga ito ng intriga at, pinalalabas na may mga sumurender na sa baryo para sirain ang pagkakaisa ng masa. Bitbit din ng mga sundalo at pinalalaganap sa baryo ang bulok nilang kultura na gabi gabing pag-inom ng alak at pagbibisyo, paghahamon ng away paglalasing, pambababae at panliligaw sa mga kababaihan maging sa mga menor de edad at may asawa na. Nagpapapasok rin sila ng masasamang elemento at mga impormer.

Higit na malalaking operasyon din ang nanghalihaw sa mga kabundukan sa taong ito na tumatagal ng ilang linggo. Sapilitan nilang pinag-gagayd ang mga sibilyan, o di kaya ay inaakit sa mga ipinapangakong suhol. Habang nasa operasyon naman, ninanakaw nila ang mga nahuling hayop sa silo, maging ang mga kagamitan ng masa, at sinisira pa ang mga nadadatnang kubo.

 

Naging pagharap at mga naging tagumpay ng masa at rebolusyunaryong kilusan sa taong 2021

Sa gitna ng pinatinding pagpapahirap at pandarahas ng kaaway, matatag na namuno ang PKP. Matapang na sinuong ng BHB ang hirap, sakripisyo maging kamatayan. Pusta-buhay na nagpatuloy ang masa sa paglaban. Kaya naman sa taong ito, bigo pa rin ang ang rehimeng US-Duterte habang tagumpay ang masa at rebolusyunaryong pwersa na maiabante ang rebolusyon.

Ngayong taon, lumawak pa ang eryang nasasaklaw ng BHB. “Matagal na namin kayong hinihintay, ka! Mabuti at nandito na ulit kayo!”, bukambibig ng mga masang muling nakadaop. Susundan ng pangungumusta, pagkukwento sa mga nangyari sa kanila sa nagdaang mga taon at pagsusumbong ng mga kahirapan nila sa kabuhayan ngayon. Di nagmamaliw ang giliw at suporta ng masa sa BHB na tunay nilang tagapagtanggol.

Sa mga baryo namang pinwestuhan ng kaaway, patuloy pa ring naka-iral ang BHB at patuloy na napamunuan ang masa. Kagyat na nasasagot ang mga mapanlokong propaganda ng kaaway at nailalantad ang tunay na katangian ng bulok na estado. Bulag at bingi ang kaaway sa mga itinutuloy na plano at hakbangin ng masa at rebolusyunaryong kilusan. Pinadami at pinasinsin man ang pakat ng kaaway, bigo itong pinsalain ang BHB. Pinatutunayang ang tunay na lakas sa kabuhayan at militar ay nasa kamay ng mamamayan at sa hukbong sinusuportahan nito.

Ginipit, sinindak at niloko man ng kaaway, nananatili ang katapatan at suporta ng pinakamalawak na masa sa rebolusyon. Ang deka-dekadang buhay-kamatayan na pagsasamahan ng masa at BHB para sa pagtatanggol sa kabuhayan ng masa ay hindi matutumbasan ng anumang bagay na isusuhol at ipapangako ng kaaway. Pinaninindigan at patuloy na lumalahok ang masa sa makauring digma na pinamumunuan ng PKP at BHB dahil alam nilang ito lang ang tanging paraan para makamit nila ang lupa, na siyang tunay at pangmatagalan nilang interes. Ang mas nagpapahirap na patakaran sa kabuhayan at mas marahas na sitwasyong militar ngayong taon ay lalo pang nagpahigpit sa samahan ng masa at rebolusyunaryong kilusan. Napaghusay ang kolektibong paggampan. Naging mas masinop, mapangahas, mapamaraan at matalino sa pagpapatupad ng mga misyon.

Habang kinokonsolida ang mga kakampi, maagap ring natutukoy at naihihiwalay ang mga kaaway, malalabo, intelidyens, at mga asset. Ang mga sibilyan na naeengganyo sa sweldo at nagagamit ng kaaway, at mga opisyal ng baranggay na nagiging kasangkapan sa mga pagpapatawag ng kaaway ay inabot rin ng propaganda. Nilinaw sa kanila ang kontra-mamamayan na gawain ng kaaway at ang kanilang nagiging papel dito. Binababalaan silang tumigil na sa ganitong gawain, at hinihikayat na pumanig sa mamamayan. Sa ganito, nakikita nila mismo ang pagiging makatarungan ng rebolusyunaryong kilusan kabaliktaran ng pagiging madumi at pasista ng kaaway na kanilang sinasamahan.

Sa pagtatapos ng taon, muli pang nagsubok ang kaaway na durugin ang BHB. Naglunsad ito ng isang malaking operasyon. Dinagdagan ang mga sundalong nakaistasyon sa mga baryo, habang may malaking pwersang nag-aabang sa mga kabundukan. Gumamit pa sila ng mga sasakyang panghimpapawid, ngunit umuwi silang bigo. Hindi napinsalaan ni hindi naikahon ang BHB. Sa suporta ng malawak na masa, naipreserba ng BHB ang sarili at napanghawakan ang inisyatiba.

Tanging sa pukpukang labanan napapanday ang mahuhusay na mandirigma. Ang ganitong pinahigpit na sitwasyon ay lalong nagpapataas sa kalidad ng BHB. Higit na napaghuhusay ng hukbo ang gawain sa larangang militar, kultura, propaganda at produksyon. Sa kabila ng todo gerang pakana, napapanday ang hukbong mayroong mas matibay na disiplinang bakal, mas matalino sa pakikidigmang gerilya, at may mas malalim na makauring kamulatan. Higit na napapanday ang Bagong Hukbong Bayan na higit na tinatangi at minamahal ng masang api habang higit nama na kinasusuklaman at kinatatakutan ng naghaharing uri at mga bayaran nitong sundalo. Lumalakas at lalong dumadami ang BHB sa pagsampa ng maraming masa na biktima ng pandarahas ng estado. Tagumpay na lalong dumidingas ang apoy ng armadong paglaban.

Kasabay ng pagdiriwang sa ika-53 taon ng PKP, ating ipinagdiriwang ang nakamit nating mga tagumpay sa taong ito. Ang hirap, sakripisyo at magigiting na buhay na inialay ay nag-ambag sa pagpapasigla ng armadong paglaban sa Gitnang Luzon. Ito ang angklahan ng matatagumpay na pakikibaka para sa lupa at kabuhayan.

Mga hamon para sa higit pang pagsulong

Asahang sa nalalabing limang buwan ng kaniyang pagkapresidente, gagamitin ni Duterte ang pinakamadudumi at mararahas na paraan para makapanatili sa paghahari. Mangyari man ang eleksyon, nananatiling papet ng imperyalista ang gobyerno ng Pilipinas. Walang aasahang pagbabago para sa interes ng mamamayan. Naipangako na ng gobyerno sa mga dayuhan ang mga lupain at kabundukan ng masa sa kanayunan. Asahang aarangkada pa ng mas matindi ang mga pangangamkam at pagpapalayas. Asahan ang mas mabagsik na pandarahas.

Unang kwarto pa lang ng 2021, inanunsyo at nagsimula na ang pagpihit ng Focused Military Operations ng 703rd Brigade ng Philippine Army sa Kanluran Gitnang Luzon. Tiyak na gagamitin ng kaaway ang lahat ng kanyang rekurso para maagaw ang mga napagtagumpayan ng masa at rebolusyunaryong kilusan. Pero ang uring inaapi ay walang dapat na katakutan. Dahil habang pinadidilim at pinalalagim ng kaaway ang buhay ng masa, lalo namang nagniningning ang bandila ng PKP at BHB. Lalong dadami ang tatahak sa landas ng pagrerebolusyon.

Buong tapang na ipagpatuloy ang paggigiit ng karapatan sa buhay, lupa at kabuhayan! Buklurin ang lahat ng uring inaapi! Tanging sa sama-sama nating pagkilos mahihila ang lubid at makalalamang sa mga kaaway. Dapat panghawakan ang mga aral ng mga tagumpay at maging ng mga taktikal na kabiguan sa mga nagdaang taon para tuloy-tuloy na paunlarin ang paglaban. Dapat patibaying higit ang pagkakaisa ng masa at BHB sa pamumuno ng PKP. Magpukaw, mag-organisa at magpakilos ng pinakamaraming masa para mag-ambag sa digma. Walang ibang solusyon sa papatinding pandarahas ng kaaway kundi ang rebolusyonaryong dahas. Dapat sumampa ang pinaka maraming masa sa BHB. Gawing inspirasyon ang mga dakilang martir para pagtibayin ang paninindigan at buong tapang na harapin ang mga hirap, sakripisyo maging kamatayan na kinakailangang suungin para maiabante at maipagtagumpay ang rebolusyon.

Buo ang loob na salubungin natin ang mga hamon ng darating na taon at iabante ang rebolusyon sa mas mataas na antas!

Mabuhay ang ika 53 taon ng PKP! Mabuhay ang BHB! Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

Bigwas | Ipagbunyi ang mga tagumpay ng pakikibaka para sa buhay lupa at kabuhayan! Ipagdiwang ang 53 taon na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa rebolusyong Pilipino!