Buhay at Pakikibaka: Tanglaw sa Kahabjun*
Ito ang kwento ni Tatay Amag. Siya ay isang lider ng organisasyong Lumad-Mamanwa at mahigit limang dekada nang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Ngunit nang nabisto at pinagbantaan siya ng mga sundalo, mas pinili niyang magtago at manirahan sa gubat.
“Pagsasaka ang aking kinalakihang trabaho,” sambit ni Tatay Amag. Mas panatag pa akong manirahan sa bundok kaysa kapatagan, sapagkat malinaw na hindi ako makapamuhay doon bagkus ay mas maiipit at mawawalan pa ako ng hanapbuhay. Buti pa rito sa bundok, halos lahat ng pangangailangan namin ay natutugunan.
Malaki talaga ang naitulong ng rebolusyunaryong kilusan sa amin. Una, sa edukasyon hinggil sa pagtutulungan. Pangalawa, hinggil sa gawaing produksyon. Sila ang gumagabay sa amin sa pagbubuo ng organisasyon sa aming komunidad upang pagkaisahin ang tribong Mamanwa at mga Bisaya. Naging matagumpay ang aming simula, sa pamamagitan ng hunglos (komunal) naging malawak at produktibo ang aming mga sakahan. Sobra-sobra ang aming kita, liban sa meron kaming nakokonsumo, may naibebenta pa kaming produkto sa bayan.
Ito ang dahilan kung bakit hindi ako sumurender sa mga sundalo, bagkus ay boluntaryo kong ginampanan ang iniatas sa akin ng mga kasama tulad ng pagsusubaybay sa kilos ng militar sa aming erya at paghahakot ng suplay at pagkain. Kasama na rin dito ang paghahawan ng ruta na malayo sa komun na daanan ng mga tao at sundalo. Ito ay para ligtas na dumaan ang mga kasama laluna kung may operasyon ng mga sundalo.
Anumang oras kinakailangan ng mga kasama ang aking tulong, hindi ako tumatanggi laluna kung wala naman akong iniindang karamdaman tulad na lamang noong nireskyu namin ang kasamang tinamaan na kabilang sa harassment team.
“Magandang umaga Tay, alam nyo po ba kung nasaan ang mga kasama? nandoon daw sila sa pinagkukunan mo ng tamo-ing? Kung ayos lang sa inyo ay magpapasama sana kami sa pagreskyu sa mga kasama.” Pakiusap ng tim lider ng susundo.
“Ayos lang, walang problema, mga isang araw ang lalakarin mula rito pero kung tatawid tayo sa malapit na daan posibleng tanghali ay makararating na tayo sa kanila,” tugon ko.
“Sige Tay, doon na lang tayo dumaan nang mabilis tayong makarating at malapatan ng paunang lunas ang sugatan,” tugon ng kasama.
Agad kaming lumisan at tanghali nga ay nakarating na kami. Hindi na kami nagtagal roon, agad din kaming naglakad patungo sa kinaroroonan ng pwersa. Ako na ang naghawan ng aming daan habang ang ibang kasama naman ang nagbuhat sa pasyente. Kinahapunan, nagpasya na akong umuwi upang kumuha ng suplay para may makain kami habang hindi pa kami nakadugtong sa pwersa. Matapos nito, tagumpay na nareskyu at naligtas ang sugatang kasama.
Sa mahabang panahon, napanday na ang aming sarili at may kaalaman na rin sa kung paano maiwasan na hindi makapinsala sa kasama at sa mga aktibong masa. Lagi kaming umiiwas laluna sa kasalukuyang kalagayan na ang iba naming mga kasamahan ay hawak na ngayon ng kaaway. Pinagsisikapan naming hindi matulad sa kanila. Kaya noong nabisto ako, dalawang beses akong nangahas na harapin ang mga sundalo na nagpatawag sa akin.
Sa dancing hall:
“NPA ka nga Tay kasi pinayagan mong sumampa ang iyong anak,” bintang ng sundalo.
“Buti pa kayo Sir, alam nyong sumampa ang aking anak. Kasi ang bilin nya sa akin ay magtatrabaho, wala rin kaming magagawa Sir kasi kung hindi kami kikilos magugutom kami. Ngunit kami bilang magulang, lingid talaga sa aming kaalaman na sumapi na pala sila.” sagot ko sa paratang ng sundalo.
Sa sumunod na pagkakataon, humarap ako sa aming Congressman, sabi nya:
“Huwag ka nang mag-alala Tay dahil hindi ka na nila gagambalain pa. Kung diskumpyado kayo ay pumunta na lang kayo sa kanilang detatsment”
Hindi na ako nagtagal pa at agad na tumungo sa detatsment.
“Ikaw si Amag?”
“Oo sir”
“Kumusta na ang iyong erya doon?”
“Ganon pa rin Sir, may banta pa rin sa aming seguridad.”
“Ganon ba? O sya, ayos na, pwede na kayong umuwi.” wika ng kadreman sa akin sabay nakipagkamay.
Akala ko talaga na doon na magtatapos ang kanilang panggugulo sa amin subalit lumipas lamang ang ilang araw may mga sundalong dumating at pinaligiran ang aming bahay.
“Tay sama ka sa kampo, may pag-uusapan lang tayo.”
“Sige Sir, pero saglit lang at magsi-cr lang muna ako,” pakiusap ko at agad bumaba sa aming bahay upang tumakas dahil napag-alaman kong may iuutos sila sa akin.
Pinagbantaan ng mga sundalo ang aking asawa na naiwan sa panahong iyon nang nalaman nilang tumakas na ako.
“Anumang oras ay pwedeng-pwede ka naming i-salvage kasama ang iyong pamilya dahil bistado na kayong mga supporter ng NPA” pagbabanta ng sundalo sa aking asawa.
Matapos ang pangyayaring iyon, nagpasya akong magtago na lamang sa gubat kasama ang aking asawa at mga anak. Sa siyam kong anak, walo na lang sila ngayon ang natira. Ang isa ay sumapi sa NPA at namartir sa engkwentro sa pagitan nila at ng mga sundalo. Mahirap man tanggapin ngunit kalauna’y naging inspirasyon ko siya sa aking pagpupunyagi.
Sa buong pamilya, ito ang lagi naming inaalala.
“Ang kamatayan ay isang karaniwang pangyayari. Sa makatwid, sumampa man o hindi, mamamatay pa rin. dapat nating pasalamatan ang ating mga anak at ipagbunyi sila sa lipunan bilang tunay na bayani at nag-alay ng buhay para sa ating karapatan at nagtanggol sa ating lupang ninuno. Kailanma’y hindi natin kalilimutan ang kanyang mga ginintuang ambag sa rebolusyon, bagkus ay dapat nating ipagpatuloy ang kanyang mga nasimulan.”
Sa ngayon, nagkahiwahiwalay na ang aking mga anak. Yaong mga hindi pa ginigipit ng mga sundalo ay doon nanirahan sa kapatagan habang ang mga maiinit na ay kasama ko ngayon sa aking pagtatago. Ang nasa kapatagan ang bumibili sa aming mga pangangailangan at nagbebenta sa aming mga produkto habang ang mga kasama ko naman ang naging katuwang ko sa bukid. Silang lahat ay hindi kailanman humiwalay sa rebolusyon.
Sa kasalukuyan, malaya kaming nakakapagsaka sa kagubatan. Saanman kami makayagoy (tumakbo) doon rin ang aming yoha’ (sikretong taguan na may sakahan). May mga banta pa rin sa gubat, tulad na lang kung may operasyon, kaya ang aming tirahan ay temporaryo lamang. Anumang oras ay lilisanin namin ito kung may makakaalam o makadikit na mga sundalo o aset ng militar. Kaya pa namang tumakas kasi lugak (malawak) naman ang kagubatan.
Kung sa aming baryo, ano pa ang gagawin ko roon gayong nasira at nawala nang parang bula ang lahat ng aming napundar mula nang dumating ang mga sundalo. Naging limitado na ang pagsasaka ng masa roon dahil ayon daw sa mga sundalo, “malawak ang sakahan kasi panustos sa NPA.” Ito ang dahilan kung bakit bumalik sa pagiging atrasado ang buhay ng masa.
Sa huli, nakapag-isip-isip ako na ang kasalukuyang gubyerno ay kontra sa kaunlaran ng mga magsasaka at pagkakaisa ng mamamayan. Ibig sabihin, walang kalalagyan ang mamamayang naglalayong lumaya sa labis na kahirapan.
Kaya sa gitna ng kasalatan at pangamba, ang lahat nang ito’y magaan naming tinanggap sapagkat naunawaan namin kung para kanino ito. Bilang tindig, patuloy akong nagpupugay sa rebolusyon dahil para sa akin, ito lamang ang tanging sagot sa kahirapan na nararanasan at mararanasan pa sa hinaharap kung titigil kami sa aming pagkilos.
Para sa masang aktibo, magpakatatag tayo at tumindig sa pagpupunyagi. Dapat ay hindi tayo matakot sa mga banta ng kaaway, kung marapatin ay sa gubat natin itatayo ang mga sakahan.
Sa mga kasama, huwag panghinaan ng loob, ibayong pag-aralan at timbangin ang gawain laluna sa pagkilos dahil ibang-iba na ang kalagayan noon na maluwag pa ang mga baryo, na ngayon ay ginigipit na. Kailangang disiplinado tayong kumilos at planado ang bawat gawain. Ating alalahanin na ang ating ginagawa ay hindi isang krimen sapagkat bitbit natin ang interes ng buong bayan na sadlak sa kahirapan na sanhi nitong bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema.
Asahan ninyong kasama ninyo ako. Sa tuwing kinakailangan ninyo ang aking tulong, sa walang pag-aalinlangan, ay lagi akong handa upang magsilbi sa inyo bilang inyong “Amag sa kahabjun” (Tanglaw sa dilim*).