Bantay-sarado ng estado
Pirma na lamang ni Rodrigo Duterte ang hinihintay bago maging ganap na batas ang SIM Card Registration Act. Itinatakda ng naturang panukalang batas na lahat ng gumagamit ng cellphone at anumang tipo ng telekomunikasyon ay kailangang magrehistro ng kanilang tunay na pangalan at magpakita ng ID para makabili ng SIM card. Saklaw rin ng batas ang mga kasalukuyan at bagong gagamit ng social media.
Ang batas na ito ay bahagi ng pagpapalakas ng makinarya ng estado para sa pagsasarbeylans o pagmamanman sa mamamayan. Niratsada ng gubyernong Duterte nitong Enero ang pagsasabatas nito matapos ilang taon na nabimbin sa kongreso mula pa 2016. Pinalalabas na lulutasin nito ang mga krimen sa seguridad sa internet at terorismo.
Kung matutuloy, tahasang lalabagin nito ang karapatan sa privacy ng tinatayang mahigit 82 milyong Pilipino na gumagamit ng selpon, kabilang ang may 73 milyong gumagamit ng social media tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa. Dagdag dito ang balak ng estado na hawakan ang mga personal na impormasyon ng lahat ng gumagamit ng selpon sa loob ng 10 taon. Sadya ring pinalabo sa batas kung sinu-sino at anu-anong ahensya ng gubyerno ang may akses sa mga datos na ito at kung paano ito gagamitin.
Sa ilalim ng batas na ito, ang bawat text sa selpon o kaya’y bawat post sa Facebook o Twitter ay direkta nang maiuugnay sa partikular na indibidwal. Mawawalan ang sinumang nakikipagkomunikasyon gamit ang selpon ng pribasiya at anonimidad (tawag sa hindi paggamit ng pangalan o paggamit ng hindi totoong pangalan sa paghahayag)
Dagdag ang pagrehistro sa mga SIM card sa iba pang mapanupil na instrumento tulad ng National ID, pagmonitor sa mga tawag at text, ang namumutiktik na mga kamerang CCTV sa mga kalsada at gusali, pati na ang sistema ng “S-Pass” o pagpaparehistro kapag bumibiyahe sa iba’t ibang bayan. Unti-unting napapawi ang karapatan ng mamamayan sa kanyang pribadong buhay, na susing sangkap sa isang demokrasya.
Tinitiyak ng batayang karapatang ito na naitatakda at napagpapasyahan ng indibidwal ang mga hangganan sa iba’t ibang aspeto ng kanyang buhay. Kabilang dito ang kanyang mga pakikipagtalastasan, lokasyon, maging mga paninindigan sa pulitika, relihiyon, sekswalidad at iba pa. Kahit sa reaksyunaryong konstitusyong 1987, nakasaad ang pagiging sagrado ng koreo at komunikasyon sa pagitan nga mga indibidwal, impormasyon sa pagitan ng isang abugado at kanyang kliyente, ang impormasyong medikal sa pagitan ng duktor at kanyang pasyente, mga transaksyong komersyal at maging mamamahayag at ng kanyang ininterbyu. Ang lahat ng ito ay mga ‘pribilehiyong impormasyon” na dapat ang mga sangkot na indibidwal lamang ang nakakaalam at hindi maaaring pakialaman o alamin ng estado. Anumang pagtatangka na uriratin ang mga ito nang walang ligal na batayan ay pag-abuso sa kapangyarihan.
Lalupa sa kasalukuyang panahong labis ang kahirapan, sinumang tutuligsa ay lagi nang maglalantad ng kanyang tunay na identidad. Palaging mangingibabaw ang takot na malayang magpahayag ng opinyon at hayagang makipagtagisan ng pananaw. At lalupa sa ilalim ng tiranikong estado, labis na kapangyarihan ang hahawakan nito upang magmanman sa ordinaryong mamamayan at mga mamamahayag, lampas sa lehitimong interes ng naghaharing gubyerno.
Sa partikular, magreresulta ang batas sa limitadong pag-uulat ng korapsyon sa gubyerno, karahasan ng pulis at militar, paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, abuso ng malalaking korporasyon, pagwasak sa kapaligiran at iba pang katiwalian at krimen ng mga nasa kapangyarihan. Dahil wala nang anonimidad, mananaig ang pangamba ng mamamayan at mga nasa midya na sila’y tugisin ng paghihiganti ng abusadong mga upisyal ng militar at pulis, malalaking burukrata at upisyal ng gubyerno, malalaking korporasyon at makapangyarihang lider-relihyoso.
Para sa League of Filipino Students, hindi mawawala at bagkus ay patitindihin ng mga nasa kapangyarihan ang pagred-tag, pagbabanta sa buhay, pag-troll at iba pang porma ng atake laban sa mga progresibong pwersa. Pinupuntirya ng naturang batas ang mamamayan, dahil sa panig ng mga nasa kapangyarihan, napakadali nitong ikutan ang batas upang makagamit ng di-rehistradong SIM at mga account sa social media. Sinabi naman ng College Editors Guild of the Philippines na gagawin lamang ligal ang panghihimasok at pagmanman sa kaligtasan at seguridad ng mga kabataan at mamamahayag.
Pagkawala ng anonimidad din ang pangunahing sinasalungat ng Bahaghari. Para sa grupo, gagawing kriminal ng batas ang mga nasa hanay ng LGBT+ (lesbyana, bakla, bisekswal, transgender at iba pa) na pinipiling gumamit ng ibang pangalan bilang bahagi ng paghahayag ng sekswalidad. Lalo rin nitong palulubhain ang diskriminasyon laban sa kanila.
Maging ang mga grupong nagtataguyod sa seguridad sa internet ay nagsabing mas malaki ang disbentahe kapag naisabatas ang pagrehistro ng SIM card. Tinuligsa rin nila ang pagbibigay kapangyarihan sa estado na ipatawag sa husgado ang mga kumpanya sa telekomunikasyon para magbigay ng impormasyon sa mga subscriber o gumagamit ng serbisyo nito. Bago pa man ang batas na ito ay dati nang kinukulekta ng gubyerno at mga kumpanyang telekomunikasyon ang personal na impormasyon ng mamamayan tulad ng pangalan at lokasyon at petsa ng kapanganakan, Nag-iipon rin ang mga ito ng impormasyon mula sa mga valid ID at litrato (selfie) na rekisito para makagamit ng kanilang serbisyong pinansyal.
Sa marami ring dako ng mundo, matagal nang napatunayang inutil ang pagrehistro sa mga SIM card upang lutasin ang kaugnay na mga krimen. Taliwas sa sinasabing lulutasin nito ang krimen, ang gayong batas ay nagresulta sa paglala at paglaganap ng iba’t ibang anyo ng krimen tulad ng pagnanakaw ng identidad pati na ang iligal na bentahan ng SIM. Ang naiiwang dahilan na lamang para ipagpilitan ang batas na ito ay panatilihing bantay-sarado ng pasistang estado ang kanyang mamamayan.
(NOTA: Ang artikulong ito ay ang mahabang bersyon, kaiba sa inilathala sa edisyong printed ng Ang Bayan Pebrero 21, 2022.)