Pagsadsad ng sahod sa panahon ng pandemya
Kasabay ng malawakang pagkawala ng mga trabaho ang sadyang pagbagsak sa sahod at pag-atake sa mga karapatan sa paggawa ng mga manggagawang Pilipino. Nailusot ang mga ito ng mga kapitalista, kakutsaba ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa tabing ng “pagsalba ng mga trabaho” sa pagragasa ng pandemyang Covid-19. Sinamantala ng mga ito ang krisis at desperasyon ng mga manggagawa na makapagtrabaho sa gitna ng mapangwasak na mga lockdown at kawalan ng ayuda mula sa estado.
Ginamit ng malalaking kumpanya ang mga kaayusang ibinunga ng mahihigpit at matatagal na lockdown para lalupang baratin ang dati nang mababang minimum na sahod. Marami ring manggagawa sa mga naluging maliliit na negosyo ang napilitang tumanggap ng lubos na mababang sahod para lamang hindi mawalan ng hanapbuhay.
Ang ganitong dinaranas na ibayong pagsasamantala ng mga manggagawa ay kinumpirma kahit ng Philippine Statistics Authority (PSA), ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Sa isinagawa nitong Occupational Wages Survey, lumalabas na bumagsak nang abereyds na 9% ang dati nang mababang sahod ng mga manggagawang Pilipino noong 2020. Ang ₱18,108 na abereyds na buwanang sahod noong 2018 ay ₱16,486 na lamang noong Agosto 2020. Pinakamalaki ang ibinagsak ng mga manggagawa sa pinansya at seguro, real estate at komersyong pakyawan at tingian.
Lalo itong lumayo sa nakabubuhay na sahod na nasa ₱1,051 kada araw o ₱31,530 kada buwan.
Ang tahasang paglabag ng mga kapitalista sa mga batas sa paggawa ay binigyan ng ligal na tabing ng DOLE sa inilabas nitong advisory noong Mayo 18, 2020. Pinayagan ng ahensya ang mga kapitalista na kaltasan ang mga sahod at kaakibat na mga benepisyo hanggang “sumasang-ayon” ang mga manggagawa.
Itinulak ng DOLE ang mga kaayusang work-from-home na nagbawas ng oras at araw ng paggawa. Ito ay habang inoobliga ang mga manggagawa na tumanggap ng mas mababang sahod habang bumabalikat ng mas mabibigat na tungkulin na nag-oobliga sa kanilang magtrabaho nang lampas sa 8-oras na araw ng paggawa. Pinayagan din ng DOLE ang arbitraryong pagsisante sa mga manggagawa. Binawi lamang ng DOLE ang advisory noong Setyembre 2020, matapos ang limang buwang tuluy-tuloy na pagbatikos dito ng mga manggagawa. Gayunpaman, walang ginawang pagsusuri ang ahensya kung ibinalik ng mga kapitalista sa dating sahod at trabaho ang mga manggagawang naapektuhan.
Sa panig ng mga manggagawa, matagal na nilang iginigiit ang makatarungang dagdag sa kanilang mga sahod na napakatagal nang nakapako. Sa National Capital Region, noon pang 2018 ang huling kakarampot na dagdag sa sahod. Huling naghapag ng petisyon para sa umento noong 2019, matapos ibinasura ng DOLE ang naunang petisyon. Tumanggi ang ahensya na dinggin ang petisyon na nakabatay sa walang puknat na pagsirit ng mga presyo ng batayang produkto at serbisyo. Samantala, nakatengga pa rin sa Kongreso ang panukala para sa pagtatakda ng pambansang minimum na sahod.
Samantala, milyun-milyong manggagawa na nawalan ng trabaho sa pandemya ang hindi na nakabalik sa dati nilang katayuan. Maraming regular na trabaho ang pinatay ng mga kapitalista at pinalitan ng mga temporaryo at kontraktwal na paggawa. Sa taya ng Ibon Foundation, halos lahat (95%) ng mga trabahong nalikha nang magsimula nang “buksan ang ekonomya” ay partaym o walang 40 oras kada linggo. Malaking bahagi sa kanila ay nasa impormal na sektor. Wala pang 1% ang buong panahon.
Ayon sa grupo, nasa 5.7 milyong Pilipino ang sa aktwal ay walang trabaho at hindi lamang 3.2 milyon tulad ng upisyal na datos ng gubyerno. Mababa ang upisyal na tantos ng disempleyo ng estado dahil hindi nito ibinibilang ang mga manggagawang nawalan na ng pag-asang makahanap ng trabaho.
Nangangahulugan ito ng mas mababang kita, kawalan ng mga benepisyo, kawalang katiyakan sa trabaho at paglaho ng iba pang karapatan sa paggawa tulad ng pag-uunyon. Ito ay sa panahong nagsitala na ng “makasaysayan” na mga paglago sa kita at rebenyu ang malalaking kumpanya. Bawing-bawi na ng mga ito ang pansamantalang pagliit ng kanilang kita nang unang humambalos ang pandemya. Noong 2021, nagtala ng 30.5% na pagtaas ang yaman ng 50 pinakamalalaking burgesya kumprador sa Pilipinas. Kabilang sa kanila ang pinaborang mga alyado ni Rodrigo Duterte na sina Manuel Villar, Enrique Razon at Dennis Uy.