Pang-uudyok at pang-uupat ng gera ng US sa Ukraine
Nitong nagdaang mga linggo, ipinaarangkada ng imperyalistang US ang pang-uudyok at pang-uupat sa Ukraine sa hangarin nitong sindihan ang isang armadong tunggalian at gerang proxy sa Russia. Kasabwat ang malalaking midya ng Amerika at ang industriyang militar, pinaypayan nito ang diumano’y banta ng isang “nagbabadyang pananakop” ng Russia sa Ukraine para bigyang-matwid ang lumalaking gastos militar at palakasin ang bentahan ng mga armas pandigma.
Simula nakaraang taon, inuudyukan na ng US ang Russia sa pamamagitan ng pagtutulak nito na ipaloob ang Ukraine sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) at sa pagmamaniobra para kontrahin ang komersyal na operasyon ng Russian sa natural gas pipeline na Nord Stream 2. Binubuhusan ngayon ng armas ang papet na gubyerno sa Ukraine upang salakayin ang Donetsk People’s Republic at sa Luhansk People’s Republic sa rehiyong Donbass (espesyal na rehiyon sa kanlurang Ukraine na may populasyong Russian) upang upatan ang armadong panghihimasok ng Russia.
Direktang hamon sa Russia ang pagtutulak ng papet na rehimen ng US sa Ukraine na ipabilang ang bansa sa NATO, ang alyansang militar na pinamumunuan ng US. Pahihintulutan nito ang US at mga alyadong militar nito na magpusisyon ng tropa, tangke, misayl at iba pang kagamitang militar malapit sa mismong hangganan ng Russia. Ang pagsali ng Ukraine sa NATO ay daragdag sa lambat ng mga base militar ng US na kasalukuyang nakalatag sa Alaska (estado ng US), Poland, Romania at iba pang mga bansang pumapalibot sa Russia.
Sa harap ng mga panunulsol ng US, nagpusisyon ang Russia ng mga tangke at tinatayang 100,000 tropa sa kanlurang hangganan nito sa Ukraine, gayundin sa katimugang Belarus, bansa sa hilaga ng Ukraine, kung saan mayroon itong base militar. Bahagi ang mga ito ng pampulitika at diplomatikong taktika ng Russia para kontrahin ang panggigipit ng US. Itinutulak ng Russia ang panibagong negosasyon para muling pagtibayin ang nakaraang mga kasunduang sumasaklaw sa rehiyong Donbass, malinaw na pagbabawal sa pasilangang paglawak ng NATO sa Ukraine at iba pang mga bansa, at pagbabawal sa mga intermediate-range na misayl ng US at NATO sa mga bansang nasa saklaw ng distansyang kayang bumira sa Russia.
Ilang linggo nang nagtatambol ang US ng gera para bigyang-matwid ang pagbubuhos ng ayudang militar at palakasin ang benta ng armas sa Ukraine. Layon ng kongreso ng US na triplehin ang ayudang militar sa Ukraine ngayong taon tungong $1.2 bilyon kabilang ang higit $500 milyong halagang “foreign military financing” para maibenta ang labis na mga armas, $200 milyong halaga ng awtorisasyon sa presidente ng US na maglipat ng mga kagamitang militar mula sa imbakan ng US tungo sa pwersang militar ng ibang bansa, at iba pang mga hakbangin.
Dagdag pa rito, pinahintulutan na ng US ang mga alyado nito sa NATO na Estonia, Latvia at Lithuania na magpadala ng mga armas na gawang-US sa Ukraine.
Pinakamakikinabang sa pang-uupat ng gera ng US ang malaking industriyang militar at ang ahensya ng depensa ng US na pinaglaanan ng wala pang kapantay na $768 bilyong badyet para sa 2022. Matapos umatras mula sa Afghanistan, naghahanap ang imperyalistang US ng sisindihang matagalang armadong tunggalian kung saan maibubuhos nito ang labis na armas at maitutulak ang produksyon ng mas marami pang armas.
Pinapagdusa ang mamamayan ng Ukraine sa inter-imperyalistang tunggalian sa pagitan ng US at ng mga alyado nito sa NATO, at Russia. Ang mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa sa Ukraine at sa buong mundo ay dapat magmulat, mag-organisa at magpakilos sa mamamayan para igiit ang pagwawakas sa pang-uupat sa gera at panunulsol ng US sa Ukraine. Dapat magkaisa ang mamamayan sa buong daigdig at igiit sa mga imperyalistang kapangyarihan na magnegosasyon at mapayapang lutasin ang kanilang mga tunggalian.