7 armadong aksyon, inilunsad ng BHB

,

Pitong armadong aksyon, karamihan mga operasyong isnayp, ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Bicol, Negros, Davao de Oro at Bulacan noong nagdaang mga linggo.

Dalawang elemento ng 94th IB ang nasugatan sa operasyong isnayp ng BHB-South Central Negros (Mount Cansermon Command) noong Pebrero 22 sa Sityo Amaga-Cantupa, Barangay Buenavista, Himamaylan City sa Negros Occidental. Napwersa nito ang mga sundalo na lisanin ang komunidad.

Sinundan ito ng isa pang operasyong isnayp sa Sityo Cunalom, Purok 3–Gamot, Barangay Carabalan noong Pebrero 28 kung saan tatlo ang naiulat na nasugatan sa 94th IB.

Sa Kabankalan City, pinaralisa ng Pulang hukbo ang kagamitan ng isang kumpanyang nagkukwari sa Ilog ng Hilabangan noong Marso 2. Nagdulot ng malawak na pagkasira sa kalikasan at paghihirap sa mamamayan ang naturang kumpanya. Bahagi ang naturang proyekto ng pagtatayo ng Ilog-Hilabangan River Basin na magpapalayas ng aabot sa 200 pamilya.

Sa Camarines Sur, inilunsad ng isang yunit ng BHB-East Camarines Sur (Tomas Pilapil Command) ang operasyong haras laban sa detatsment ng mga CAFGU at sundalo ng 83rd IB sa Barangay Pili-Tabiguian, Caramoan noong Pebrero 16.

Samantala, inisnayp ng isang yunit ng BHB-Sorsogon noong Pebrero 28 ang hedkwarters ng 504th Maneuver Company ng PNP Regional Mobile Force Battalion (RMFB) sa Barangay Esperanza, Pilar, Sorsogon. Napatay sa operasyon si P/Cpl. Ryan M. Atos at sugatan ang isa pang elemento ng RMFB.

Sa Davao de Oro, inambus ng isang yunit ng BHB ang nag-ooperasyong mga sundalo ng AFP sa Barangay Tandawan, New Bataan noong Pebrero 9.

Naglunsad ng operasyong haras ang BHB-Rizal noong Pebrero 12 sa karatig nitong Sityo Anginan, Barangay San Mateo, Norzagaray Bulacan laban sa mga pwersa ng 80th IB.

7 armadong aksyon, inilunsad ng BHB