Ang nakaw na yaman ng mga Marcos

,

Bakit iniiwasan ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga pampublikong debate, porum at interbyu? Isa sa mga dahilan ay ayaw niyang mabulatlat sa publiko ang tinatagong nakaw na yaman ng kanilang pamilya.

Gaano ba kalaki ang nakaw na yaman ng pamilyang Marcos? May konserbatibong tantya na umaabot ito sa $10 bilyon o ₱510 bilyon (sa palitang ₱51 sa $1 ngayon).

Binuo ng unang rehimeng Aquino ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) nang mapatalsik sa poder ang diktadurang Marcos noong 1986 upang imbestigahan at bawiin ang tagong yaman ng mga Marcos dito sa bansa at sa ibayong dagat. Matapos ang tatlong dekada, kakaunti lamang ang nabawi ng PCGG bunsod ng mga kumplikasyon sa ligal na mga proseso, ang hindi pakikipagtulungan ng mga dayuhang gubyerno, dagdag din sa panloob na kahinaan ng PCGG.

Umaabot lamang sa $3.6 bilyong halaga ng mga ari-arian ang narekober ng PCGG sa bansa at sa ibayong dagat simula noong rehimeng Aquino I hanggang sa kasalukuyang rehimen ni Rodrigo Duterte. Sa partikular, may nakuhang $680 milyong mga asset ni Marcos sa mga bangko sa Switzerland, sa US at sa iba pang bansa. Mula sa mga narekober na yamang ito kinuha ang mga ipinambayad bilang danyos-perwisyo sa mga biktima ng karapatang-tao noong 14-taong paghahari ng diktadurang US-Marcos.

Karamihan sa mga nakaw na yamang ito ay ginagamit ng mga Marcos upang mapanatili ang buhay- bilyunaryo, para mapanatili ang kanilang pampulitikang base sa Ilocos Norte at sa Leyte at para bawiin ang kapangyarihang pampulitika sa pambansang antas nang sa gayon ay magpapatuloy ang kanilang pandarambong at madugong paghahari.

Walang katotohanan ang pinalalaganap na mga kwentong ang yaman ng mga Marcos ay nanggaling sa pag-aabugado ni Ferdinand Marcos Sr. at sa pinatagong “Tallano Gold.”

Malaking bahagi ng kinulimbat niyang yaman mula sa mga proyektong pinondohan ng Japan ay dineposito sa Credit Suisse sa Switzerland. Nakalagay ito sa ilang akawnt sa ilalim ng mga pangalan ng gawa-gawang institusyon at korporasyong tulad ng sa kroni niyang si Herminio Disini. Sa inisyal na depositong $100 milyon, lumalaki ito patungong mahigit $800 milyon.

Nang maubos na ang binayad ng Japan sa mga pinsala ng gera sa bansa, ginamit naman ni Marcos ang dayuhang mga utang sa World Bank at Asian Development Bank para sa kanyang mga proyektong imprastruktura at pribadong pagtitipon ng burukratikong pagnanakaw. Ito ay sa pamamagitan ng sobrang paggastos at sobrang pagpepresyo ng mga imprastrukturang proyekto (tulad ng mga kalsada at tulay) para makakolekta ng malaking mga komisyon, brokers’ fees at iba pang porma ng panunuhol sa mga dayuhang kumpanya, sa mga dayuhang suplayer ng kagamitan pangkonstruksyon.

Dahil may absolutong poder siya sa paggamit ng militar at pulis sa panahon ng batas militar, sinupil ni Marcos ang anumang oposisyon at malayang nandambong sa kaban ng bayan at kayamanang publiko. Ginipit at kinumpiska niya ang mga pribadong pag-aaring yutilidad tulad ng Meralco, PLDT, Philippine Airlines at dalawang iba pa, mga korporasyong masmidya, kabilang ang pitong istasyon ng telebisyon, 16 na pambansang arawang pahayagan, 11 lingguhang magasin, 66 pahayagang pangkomunidad, at 292 istasyon ng radyo.

Ginamit ni Marcos ang “presidential decrees” at “letters of instructions” upang bigyan siya ng pabor at ang kanyang mga kroni. Mga halimbawa nito ay ang kanyang kalihim sa depensa na si Juan Ponce Enrile na siyang may kontrol sa industriya ng pagtotroso, Eduardo Cojuangco sa industriya ng niyog, Roberto Benedicto sa industriya ng asukal, Antonio Floirendo sa industriya ng saging, at maraming iba pa.

Sa kabila ng pagtangging walang ninakaw na yaman ang pamilya, nadulas pa rin si Imelda Marcos sa pagsabing “Amin lahat yan!”

Pinangangambahang kung mananalo si Marcos Jr. sa halalang presidensyal sa Mayo 2022, tuluyang hindi na mababawi ng sambayanan ang ninakaw nilang yaman.

Ang nakaw na yaman ng mga Marcos