Isyung kababaihan: Diborsyo at proteksyon laban sa karahasan

,

Matagal nang isinusulong ng mga grupong kababaihan sa Pilipinas ang karapatan sa diborsyo. Lalong lumalakas ang kanilang panawagan sa harap ng tumitinding pang-aabuso sa mga kababaihan sa loob ng tahanan, laluna mula nagpandemya. Sa Pilipinas, isa sa kada apat na kababaihang Pilipino na edad 15-49 ay nakaranas ng pisikal, emosyonal o sekswal na karahasan mula sa kanilang mga asawa o kapares.

Tanda nito ang paglaki mula 2020 ng bilang ng mga nag-“search” o naghanap ng impormasyon sa internet tungkol sa “domestic violence.” Isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na bilang (pangatlo), kung saan 1,048 kada 100,000 katao ang nag-search kaugnay nito.

Umiiral ang mga batas na kumikilala sa karapatan ng isang babae na makipaghiwalay sa kanyang asawa: ang ligal na paghihiwalay at pagpapawalambisa ng kasal. Gayunpaman, dahil sa masalimuot at napaka-emosyunal na prosesong ligal at kakapusan sa pera at rekurso (kadalasang umaabot sa isang milyon ang gastos), marami ang nagtitiis na lamang sa mapang-abusong relasyon o nakikipaghiwalay sa labas ng saklaw ng batas.

Mula 2016 tungong 2021, bumagsak nang 45% ang bilang ng mga kasong isinampa para sa ligal na pakikipaghiwalay, habang tumataas ang kaso ng pang-aabuso sa loob ng tahanan. Tanda ito na kapos na kapos ang proteksyong naibibigay ng batas sa ligal na paghihiwalay at pagpapawalambisa ng kasal.

Matagal nang may panukalang diborsyo sa kongreso ng Pilipinas. Isinampa ito noong 2005 ng Gabriela Women’s Party sa hangaring makaalpas ang maraming kababaihan sa mapang-abusong relasyong mag-asawa at mapangalagaan ang karapatan at kagalingan nila at ng kanilang mga anak. Higit ito sa batas sa annulment at ligal na paghihiwalay.

Ang annulment ay nagdedeklarang walambisa ang kasal sa simula pa lamang, subalit hindi nito sinasaklaw ang mga usaping naganap sa panahon ng pagsasama, katulad ng mga anak at mga pag-aari. Walang pagtitiyak sa pag-ako ng responsibilidad ng kapwa sa pangangailangan ng mga anak. Wala ring pagtitiyak na makatwirang napaghahatian ang mga ari-arian na kadalasan ay nasa pangalan ng lalaki. Taliwas dito, ang panukalang diborsyo ay titiyak na mapapangalagaan ang karapatan higit ng mga anak at ng naagrabyadong partido.

Sa ilalim naman ng batas sa ligal na paghihiwalay, kinikilala ang pagtatapos ng kasal subalit hindi na maaaring muling magpakasal sa iba ang naghiwalay. Sa ilalim ng diborsyo, nilulusaw ang ligal na kasal at pinapahintulutan ang naghiwalay na magpakasal sa iba.

Ang diborsyo ay itinuturing na opsyon na nakabatay sa karapatan. Ang lumalaking suporta ng mamayang Pilipino sa pagsusulong dito ay mahalaga bilang hakbang upang harapin pa ang mas malalim na sakit ng lipunan na patuloy na nagbabanta sa pagkawasak ng institusyon ng kasal.

Sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, malaon nang kinikilala ang karapatan sa diborsyo. Ipagkakaloob ito kapag may katibayan na ang asawang gustong diborsyohin ay naging traydor o sagadsaring kontra-rebolusyonaryo. Gayundin kung ang isa sa kanila ay napatunayang nagtaksil sa asawa, nagdadalawang-asawa, nagmamalupit o nagtangka sa buhay ng asawa. Ipinagkakaloob din ito sa iba pang mga pisikal at mental na dahilan sa loob ng nakatakdang panahon at kapag hiningi ng mag-asawa o ng isa sa kanila dulot ng personal na mga di pagkakasundo na nagbunga sa pagkasira ng relasyon.

Ipinoproseso ang mga hiling sa diborsyo ng mga komite sa seksyon o sa mas mataas na antas ng organisasyon ng Partido. Sa kaso ng may mga anak, tinitiyak ng Partido na mahusay silang mapapangalagaan.

Diborsyo at proteksyon laban sa karahasan