Mga protesta

,

Protesta ng mga sinalanta ng bagyong Odette sa Bais City. Nagmartsa ang mga residente ng Bais, Negros Oriental na sinalanta ng bagyong Odette tungong lokal na upisina ng Department of Social Work and Development noong Marso 3 para singilin ang ayudang pinansyal na nakalaan sa kanila. Magtatatlong buwan na mula nang nanalasa ang bagyo pero wala pa silang natatanggap na ayudang pinansyal mula sa gubyerno sa kabila ng pagproseso at pagpirma nila sa mga kinakailangang dokumento.   Umabot sa 14 ang nasawi at 19 ang hindi pa natagpuan sa syudad.

Pang-aagaw ng lupa sa Tarlac, kinundena. Nagpiket ang mga magsasaka ng Barangay Tinang, Concepcion, Tarlac sa harap ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City noong Pebrero 25 para ipanawagan na ipamahagi na sa mga lehitimong benepisyaryo ang lupa sa Hacienda Tinang.   Ang 200-ektaryang lupa ay inangkin ng pekeng Cooperative Development Authority at hindi sila kailanman nakinabang dito. Kontrolado ng pamilya ni Congressman Noel Villanueva ng ikatlong distrito ng Tarlac, ang kooperatiba.

Mining Act of 1995, ipinababasura. Nagtipon ang mga grupong maka-kalikasan at mga katutubo sa harap ng Department of Environment and Natural Resources sa ika-27 taon ng pagkakapasa ng Mining Act of 1995 noong Marso 3. Anila, binigyang daan ng batas ang walang hanggang pandarambong sa yaman ng mga lupang ninuno. Binigyang diin din ng mga grupo ang epekto ng Mining Act sa pagpapatindi ng climate change. Dahil dito, dumaranas ang mamamayan ng mas matitinding kalamidad.

Pambansang protesta kontra taas-presyo, ikinasa. Pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Partylist ang protesta laban sa walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo noong Marso 4 sa Litex Public Market, Quezon City. Nagkaroon din ng katulad na protesta ang Kadamay at Gabriela. Nauna nang ipinanawagan ng grupong Bayan Muna na magkaroon ng espesyal na sesyon ang kongreso kaugnay ng patuloy na pagsirit ng presyo ng langis. Panawagan nila na tanggalin ang buwis sa langis at pagbabasura ng Oil Deregulation Law.

Mga protesta