Mga sibilyang komunidad sa Lanao, Mindoro at Masbate, binomba ng AFP
Tatlong kaso ng pambobomba mula sa ere at panganganyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga sibilyang komunidad ang naitala sa nagdaang dalawang linggo. Libu-libong pamilya ang napilitang magbakwit dahil sa mga ito.
Naghulog ng di bababa sa 12 bomba ang AFP sa kampo ng Moro Islamic Liberation Front sa Maguing, Lanao del Sur sa pagitan ng alas-2 at alas-3 ng madaling araw noong Marso 1. Napatay dito ang di bababa sa pitong sibilyan at marami pa ang nasugatan. Sinabayan ang mga pambobomba ng laking-brigadang operasyong kombat na sumaklaw sa anim na barangay. Libu-libo ang nakulong sa operasyon at hindi agad pinayagang umalis sa lugar. Mahigit 1,300 pamilya ang direktang apektado ng pambobomba at pang-aatake at nagbakwit tungo sa sentrong bayan. (Basahin ang kaugnay na artikulo sa pahina 6.)
Sa Occidental Mindoro, ala-1 ng madaling araw nang magsimulang maghulog ang AFP ng mga bomba gamit ang mga eroplanong FA-50 sa mga komunidad sa hangganan ng Bongabong, Oriental Mindoro at San Jose noong Pebrero 26. Sinundan ito ng pitong beses na panganganyon bandang alas-5 ng madaling araw. Pagkatapos nito, mula alas-7:30 hanggang alas-9 ng umaga ay dalawang Blackhawk helikopter ang nagpabalik-balik at nang-istraping sa kabundukan bago naglapag ng mga pasistang tropa sa lugar.
Sa Masbate, ilan daang residente ang naapektuhan ng pambobomba sa Barangay Igang, Masbate City noong Pebrero 21. Ito ay matapos maghulog ng anim na bomba ang isang attack aircraft bandang alas-4 ng madaling araw.
Pamamaslang. Pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 20th IB ang magpipinsang bata na nagkokopras sa Barangay Roxas, Catubig, Northern Samar noong Pebrero 8. Namatay sa walang habas na pamamaril na ito sina Andrei Esponilla, 12-taong gulang, at Leandro Alivio, 13-taong gulang, habang ang isa ay lubhang nasugatan. Para pagtakpan ang krimen, pinalalabas ng AFP na napatay ang mga bata nang “maipit sa engkwentro” nang inambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga sundalo.
Batay sa upisyal na ulat ng kinauukulang yunit ng BHB, hindi totoong naipit sa engkwentro sa pagitan ng BHB at AFP ang nasabing mga kabataan. Magkahiwalay na insidente ang istraping na ginawa ng 20th IB sa mga kabataang nagkokopras at ang naunang kontra-reyd ng BHB laban sa mga nag-ooperasyong tropa ng 20th IB, na kapwa nangyari sa parehong araw.
Iligal na pag-aresto. Labag sa kanyang mga karapatan sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), inaresto ng mga sundalo ng AFP Joint Task Force Storm si Ka Esteban Manuel Jr., 73, isang konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines, kasama ang isa pang sibilyan, noong Pebrero 16 sa bayan ng Villareal, Samar. Ayon sa kanyang pamilya, hindi pa rin natutunton ang lokasyon ni Manuel Jr. hanggang sa kasalukuyan.
Inaresto rin noong gabi ng Pebrero 28, si Agnes Mesina, koordineytor ng Koalisyong Makabayan sa Cagayan Valley sa Aparri, Cagayan. Kasama si Mesina sa isang fact finding mission papunta sa Barangay Sta. Clara sa bayan ng Gonzaga. Pinalaya si Mesina pagkalipas ng apat na oras at maigiit na paso o dismissed na ang ginamit na mandamyento de aresto laban sa kanya.
Inaresto ng apat na lalaki si Diosdado Grefaldo Barbacena Jr. noong Marso 6 sa Barangay Rizal, West District, Sorsogon City. Siya ay kasapi ng Samahan ng mga Magsasakang sa Sorsogon at asawa ng tagapagsalita ng Anakpawis Partylist sa prubinsya.