Sigaw sa Edsa: Itakwil ang mga Marcos

,

Mahigit 4,000 katao ang nagmartsa tungong People Power Monument sa kahabaan ng Edsa, Quezon City noong Pebrero 25 upang gunitain ang ika-36 taon ng pag-aalsang EDSA. Sa pangunguna ng grupong Bayan, sigaw nila ang “Ang pinatalsik ng Edsa, huwag nang ibalik pa!”

“Teach-in” o isang malaking klase ang tipo ng protestang inilunsad ngayong taon. Binalik-aralan dito ang paglaban ng sambayanang Pilipino laban sa diktadura. Kasabay nito ang pagpapakita ng pagkontra sa panunumbalik ng kurakot at tiranikong pamumuno ng mga Marcos sa poder.

Liban sa mga aktibidad sa Edsa, inilunsad ang iba’t ibang pagtitipon at programa sa Baguio City, Naga City, Iloilo City, Cebu City, Bacolod City, Davao City at mga syudad sa Cagayan Valley. Nagkaroon din ng mga protesta sa Pangasinan at Tarlac. Kalahok sa mga pagkilos ang demokratikong mga organisasyon, mga beterano ng batas militar, kabataang-estudyante, taong simbahan at midya.

Bago nito, nagbabala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa tinawag nitong “radikal na mga pambabaluktot sa kasaysayan ng batas militar.”

Katulad ng iba pang grupo, naalarma ang simbahan sa “pambabaluktot sa katotohanan at pagtatangkang burahin o wasakin ang ating kolektibong pag-alala sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga kasinungalingan at maling naratibo.” Peligroso ito, ayon sa simbahan, dahil “lalasunin nito ang ating kolektibong kamulatan at wawasakin ang pundasyong moral ng ating mga institusyon.”

Sigaw sa Edsa: Itakwil ang mga Marcos