Wakasan ang imperyalistang panggegera sa Ukraine
Ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong Pebrero 24 ay pagsiklab ng inter-imperyalistang armadong tunggalian bunga ng walang-awat na panunulsol ng US at alyado nito sa North Atlantic Treaty Organization (NATO). Lampas tatlong dekada na ang pang-uudyok ng US-NATO sa anyo ng pagyurak sa kasunduang Minsk ng 1991 na hindi ipapaloob sa saklaw ng US-NATO ang mga bansang dating kabilang sa Warsaw Pact (mga bansang kaalyadong militar ng noo’y Soviet Union).
Sa halip na tanggapin ang alok na negosasyon ng Russia noong Disyembre 2021 para muling bumuo ng kasunduang panseguridad, walang-awat na nanulsol ng gera ang US sa pamamagitan ng pagbuhos ng armas sa Ukraine, pagpupumilit na ipaloob ang bansa sa NATO, at paglunsad ng armadong pag-atake sa Donbass (Basahin ang kaugnay na artikulo sa nakaraang isyu ng AB).
Huling baraha ng Russia ang pagsalakay sa Ukraine para kontrahin ang estratehikong plano ng US at NATO na palibutan ito ng mga intermediate-range missile na kayang tumarget sa Russia. Mula 1991, at taliwas sa kasunduang Minsk, isa-isang nilusob, winasak o ipinailalim ng US-NATO sa poder nito ang mga bansa sa silangan at sentrong bahagi ng Europe, simula sa paglusob at paghati sa Yugoslavia, pambobomba sa Serbia at pag-ipit sa mga bansang Poland, Lithuania, Slovakia, Latvia at iba pang bansa. Mula noon, 14 na bansa ang ipinaloob sa NATO.
Mula sa kanlurang Europe, ang Ukraine ang pinakahuling bansa bago tumawid sa hangganan ng Russia, na hindi pa naipapaloob sa NATO. Mula 2014, matapos nitong suportahan ang kudeta at iupo ang papet na gubyerno, ang US ay nagbuhos ng aabot sa $5 bilyon (ayon sa mga pagdinig sa kongreso nito) para ayudahan ang bagong papet na rehimen at gamitin ito para mang-upat ng gera kontra sa Russia.
Huling hakbang ng Russia ang pagsalakay sa Ukraine para ipagtanggol ang kanyang interes laban sa mga imperyalistang karibal. Sa loob ng unang mga araw, sinaklaw at ipinagtanggol ng Russia ang rehiyong Donbass katuwang ng mga independyenteng estado doon, winasak ang mahigit 900 pasilidad militar, sinakop ang baseng nabal sa Azov Sea, kinontrol ang mga plantang nukleyar, sinalakay ang mayor na mga syudad sa katimugang Ukraine na may populasyong Russian, at kasalukuyang nakaambang lusubin ang sentrong syudad ng Kyiv.
Kahit mas maliit at mas mahina, iniuulat na dumedepensa ang Ukraine gamit ang mga misayl at armas kontra-misayl, mga tangke at iba pang armas na sinusuplay ng US. Samantala, higit 1.5 milyong Ukrainian na ang napwersang lumikas patungo sa katabing mga bansa upang umiwas sa gera pagsapit ng Marso 6.
Nasa interes ng Russia na mabilisang tapusin ang gera at siguruhin sa negosasyon at bagong kasunduan ang hindi pagpapaloob ng Ukraine sa NATO at pag-atras ng suporta ng US. Nasa interes naman ng US at NATO na patagalin ang gera upang bigyang-daan ang tuluy-tuloy na bentahan ng armas sa Ukraine hanggang maubusan ng lakas ang Russia. Aabot na sa $800 milyon ang ayudang militar ng US sa Ukraine sa mga nagdaang araw. Sinulsulan din ng US ang Germany na magpadala ng mga tangke, taliwas sa patakaran nito. Masayang-masaya ang malalaking kapitalista sa industriyang militar tulad ng Raytheon, Lockheed, Northrop Grumman, Huntington Ingalls Industries dahil sa sumisirit na halaga ng kanilang mga sapi.
Kaisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa panawagan na kagyat na tapusin ang gera. Sinusuportahan nito ang pagkakaroon ng dayalogo para mabuo ang bagong kasunduang panseguridad na titiyak ng kapayapaan sa Europe.
Panawagan ng PKP sa mga manggagawa at mamamayan ng Ukraine, ng Russia, at maging sa US at Europe, na ilantad, iwaksi at labanan ang paggegerahan ng mga imperyalista. Dapat kumilos ang mga rebolusyonaryong proletaryo para buuin ang sariling lakas ng uring manggagawa, labanan ang mga kapitalistang nakikinabang sa gera at makibaka para sa sosyalismo. Dapat hikayatin nila ang mga sundalong ginagamit na pambala sa kanyon na talikdan ang mga utos at makiisa sa panawagang tapusin ang gera.