2 sibilyan, pinatay ng nag-amok na mga sundalo sa Negros
Dalawang sibilyan ang pinatay ng mga sundalong naghuramentado matapos silang mabigwasan ng isang yunit ng hukbong bayan sa Himamaylan City, Negros Occidental. Dinukot at pinatay ng mga ito ang magkapatid na magsasakang sina Jayson at Arnulfo Sabanal, mga residente ng Sityo Maliko-liko, Barangay Carabalan, noong Marso 25. Pinalabas silang mga Pulang mandirigmang napatay sa labanan.
Kinordon ng mga sundalo ang 77 residente ng sityo at binantaan na bobombahin kung magkaroon muli ng engkwentro sa lugar. Noong Marso 27, sinunog ng tropa ng 94th IB ang bahay ni Raffy Dayupan sa Sityo Camuag sa parehong barangay. Tinamaan ng mortar ang tahanan ni Kiko Paculanang sa Sityo Maliko-liko. Sinunog din ng mga sundalo ang isang handtractor at thresher ng mga magsasaka sa lugar. Noong Marso 29 naman nag-ulat ang mga residente ng Barangay Quintin Remo at mga kalapit na barangay nito ng pangre-redtag ng mga elemento ng 62nd IB. Noong Abril 1, pinatay ng militar ang mga Pulang mandirigma na sina Elbert Quillano (Ka Carding) at Jessa Quillano (Ka Clea) habang nasa kustodiya nila sa Sityo Kulihaw, Barangay Buenavista.
Sa Negros Oriental, iligal na inaresto ng mga elemento ng mga sundalo at pulis ang magsasakang si Nemfa de Lima sa Sityo Uwayan, Barangay Budlasan, Canlaon City noong Abril 1. Tinangka ring arestuhin si Noel Montefalcon. Niransak at pinaulanan ng bala ang kanyang bahay sa Sityo Natoling at tinaniman ng mga baril habang wala siya roon.
Sa Iloilo, inaresto noong Marso 29, si Elmer Forro sa Barangay Lutac, Cabatuan ng PNP-Iloilo. Si Forro ay pangkalahatang kalihim ng Bayan-Panay. Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso at iniuugnay sa ambus ng BHB noong Abril 7, 2020 sa Lambunao.
Sa Surigao del Sur, apat na opereytor ng chainsaw ang pinaputukan ng 75th IB sa Kabalawan, Km. 23, Anahaw Daan, Tago noong Marso 24. Sugatan dito si Jomar Loyola na naiwan sa lugar. Noong Marso 31, walang mandamyentong inaresto si Chariz Tawide Jacinto, residente ng parehong barangay. Sa Tandag City, wala ring mandamyento nang inaresto si Jason Mansinatao, magsasaka mula sa Naw Sauhon, Barangay Maitum noong Marso 30.
Sa Bulacan, pekeng engkwento ang isinangkalan ng 70th IB para itago ang walang patumanggang pamamaril laban sa mga sibilyan sa Sityo Osboy, Barangay San Mateo, Norzagaray noong Marso 30.
Sa Butuan City, binaril ng isang sundalo ng 65th IB sa hita ang isang magsasaka sa P16, Barangay Los Angeles noong Marso 27.