Araw ng mga Walang Lupa, ginunita sa Bicol

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Mahigit 30 sasakyan at daan-daang magsasaka at kanilang mga tagasuporta ang naglunsad ng “Caravan of the Landless for Land, Food and Justice” noong Marso 25-30 sa 41 bayan at limang syudad sa Bicol. Pinangunahan ito ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB).

Bitbit ng mga nagkaraban ang mga panawagan para sa libreng pamamahagi ng lupa; pagkain, kabuhayan at karapatan para sa lahat; ayudang sapat, pagbuwag sa NTF- Elcac, at iba pa. Lumundo ang karaban sa paggunita sa Global Day of the Landless (Pandaigdigang Araw ng mga Walang Lupa) noong Marso 29.

Inilunsad din noong araw na iyon ang mga protesta sa Cavite at Pangasinan at sa Department of Agrarian Reform sa Quezon City.

Sinimulang gunitain ang Global Day of the Landless noong 1995 sa pangunguna ng Asian Peasant Coalition upang pagkaisahin ang iba’t ibang kilusan ng mga mamamayan ng kanayunan na walang lupa.  Ngayong taon, lumahok dito ang 110 alyansa, institusyon at organisasyong pang-magsasaka mula sa iba’t ibang kontinente, karamiha’y sa Asia at Africa.

Ayon sa Pesticide Action Network (PAN) Asia Pacific, ang nagdaang dekada ay kinakitaan ng tuluy-tuloy na pagtindi ng malawakang pangangamkam ng lupa sa pangunguna ng pinakamalalaking korporasyon at mga kapitalistang gubyerno. Sa Pilipinas, makikita ito sa ekspansyon ng mga kapitalistang plantasyon ng saging, pinya, mais at oil palm, gayundin ng mapangwasak na pagmimina. Buu-buong komunidad ng mga magsasaka at katutubo ang pinalalayas sa kanilang mga sakahan at lupaing ninuno dahil dito.

Mayroong bagong bugso ng pangangamkam ng lupa dulot ng pamumuhunan sa ngalan ng pagsawata sa climate change, ayon sa PAN. Kabilang sa mga ito ang pamumuhunan sa mga “sakahan” at “likas na kapital” (tulad ng kagubatan, dagat, mineral, lupa, biodiversity), pagkahumaling sa biofuel at pangangalaga sa kalikasan bilang pagbalanse umano sa carbon dioxide. Ang ganitong mga pakana ay nagresulta sa kawalang pananagutan, patuloy na pandarambong ng mga mapanakop, at lumalaking ganansya.

Araw ng mga Walang Lupa, ginunita sa Bicol