Balikatan 2022: Pagpapaigting ng giriang US-China at gera kontra-insurhensya
Ipinagmamayabang kapwa ng US at Pilipinas na “pinakamalaki” sa nagdaang pitong taon ang Balikatan 2022, ang taunang pinagsanib na pagsasanay sa pagitan ng mga armadong hukbo nito. May mga aspeto itong nakatuon sa paghahanda ng US sa pakikipaggera nito sa China. Mayroon din itong mga aspetong lalupang magpapaigting sa brutal na gera kontra-insurhensya laban sa mamamayang Pilipino.
Umaabot sa 5,100 sundalong Amerikano at 3,800 sundalong Pilipino ang upisyal na kalahok sa Balikatan 2022 na pormal na tatakbo mula Marso 28 hanggang April 8. Sa unang pagkakataon, lalahok dito ang 3rd Marine Littoral Regiment (MLR), isang pangkat ng humigit-kumulang 90 tauhan na ang misyon ay ang maghanda para umatake sa China.
Binuo ang 3rd MLR nito lamang Marso 3 sa US Marine Corps Base sa Hawaii, USA. Ayon kay Marine Corps Assistant Commandant Gen. Eric Smith, gagamitin ito para maglunsad ng expeditionary advance base operations (EABO) na “espesyalisado para harapin ang lumalaking banta ng China.”
Sa lenggwaheng militar ng US, ang EABO ay operasyon ng isang relatibong maliit, lihim at makilos na yunit para sakupin ang isang teritoryo sa dagat man o sa lupa na abot ng armas ng kaaway, partikular ang mga misayl. Magsisilbi ang mga ito bilang mga abanteng pwersa para birahin ang paniktik at mga sandata ng kaaway at suportahan ang mas malaking operasyon.
Pangunahin itong naaarmasan ng mga sistemang radar at misayl. Kabilang sa mga misyon ng EABO ang pagkontrol sa karagatan at baybayin at pagkaitan ang kaaway na makapag-opereyt sa mga iyon. Bahagi rin ng kanilang misyon ang pagtayo ng abanteng mga pusisyon para sa pagkakarga ng gasolina at pag-aarmas, at pagsagawa ng rekonaysans, paniktik at pagtukoy sa mga target.
Kaya naman sa unang mga araw ng Balikatan 2022 sa Cagayan noong Marso 31, naging pangunahin ang papel ng 3rd MLR sa pagsasanay sa nabanggit na mga misyon, kabilang ang kunwang pagsakop sa baybayin ng Claveria sa naturang prubinsya. Sa karatig na bayan ng Aparri noong Marso 28, nauna na ring sinubukan ng mga sundalong Amerikano ang pagdaong ng MIM-104 Patriot. Unang pagkakataon itong nagdala ang US ng nasabing sistemang misayl na surface-to-air (mula sa lupa ay bumibira sa mga target na nasa himpapawid). Ipinakita rin ng US Marines ang pagpapaputok ng kanilang High Mobility Artillery Rocket Systems sa kasabay na pagsasanay sa Capas, Tarlac.
Habang nagaganap ang Balikatan, nag-oobserba naman ang Marine Corps War Fighting Laboratory upang magdisenyo ng mga teknika, taktika at pamamaraan para sa 3rd MLR. Target itong kumpletuhin tungong 2,000-katao, na hahatiin sa mas maliliit na yunit na may tig-75-100 tauhan. Sasanayin din umano sila sa mga susunod na ehersisyong Kamandag at Balikatan, bago magsimulang mag-operasyon sa 2023.
Interoperability: Pagmando ng US sa AFP
Habang pinatitindi ng Balikatan ang paghahanda sa panggegera sa China at pinapaypayan ang posibilidad ng gera sa East Asia, kaladkad naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para ipagtanggol ang interes ng US. Nanatili ang ganitong kaayusan dahil sa pagtutol ni Duterte na ibasura ang di-pantay na mga kasunduang militar sa US.
Sa tabing ng “interoperability,” humihigpit ang kumand at kontrol ng militar ng US sa AFP. Tampok umano sa Balikatan ngayon ang command post operation upang sanayin ang kakayahan sa pagpaplano, pagkumand at komunikasyon ng dalawang pwersang militar. Katulad ito sa command post operation noong Enero 2015 sa Mamasapano, Maguindanao kung saan maging heneral ng AFP ay minamanduhan ng mga sundalo ng US.
Pinaglalaway din ng US ang AFP sa mga armas at kagamitang militar na gagamitin sa kontra-insurhensyang gera at sa binabalak na mga gera ng US. Ginagamit na pagkakataon ang Balikatan upang ipakitang-gilas ang mga sarplas na mga kagamitang pandigma ng US (kabilang ang magastos na F-16) na nais nitong ibenta sa AFP sa ilalim ng Foreign Military Financing sa kapakinabangan ng mga kumpanyang Amerikano sa depensa. Ang gerang kontra-insurhensya ng AFP ay matagal nang idinidirehe ng US para sa partikular na layunin ng paggamit ng mga sandata ng US, laluna ang helikopter, jet fighter at mga bomba na ginagamit sa kontra-rebolusyonaryong gera laban sa mamamayan.