Habang nakasandig sa mamamayan, di magagapi ang BHB
Bigo ang rehimeng Duterte, sampu ng mga heneral nito, na gapiin ang armadong paglaban ng bayan matapos ang halos anim na taong matitinding operasyong militar. Noong Marso 29, ipinagdiwang sa buong bansa ang mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa nagdaang taon, kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Sa ulat ng BHB-Negros, 13 opensiba na ang nailunsad ng BHB sa rehiyon laban sa humahalihaw na tropa ng AFP at PNP mula Enero hanggang Pebrero pa lamang. Mula Marso 2021 hanggang Marso ngayong taon, nakapaglunsad ang BHB-Central Negros ng 35 aksyong militar kung saan 60 ang tinamong kaswalti ng kaaway. Sa kanilang pahayag, ibinahagi nila na patuloy na nakapagpapalaki ng kasapian ang hukbong bayan, mayorya nito ay mga kabataan na determinadong maglunsad ng armadong pakikibaka para sa sambayanan. Ang laking batalyong milisyang bayan ay nakapanatili ng lakas at siyang nagpapatupad ng mga alituntunin ng demokratikong gubyernong bayan sa kanayunan.
Sa Southern Tagalog, daan-daang mamamayan ang dumalo sa mga pagdiriwang na inilunsad sa Quezon, Rizal, Batangas, Mindoro at Palawan. Ayon sa komite ng Partido sa rehiyon, “naging pandayan pa ng paninindigan at kakayahan” ang nagdaang mga taon kung saan sumuong ang mga Pulang mandirigma sa mahirap na pakikibaka.
Sa North Central Mindanao, inilahad ng Komite ng Partido ang apat na dahilan kung bakit tiyak na aabante ang digmang bayan sa rehiyon. Ang mga ito ang pagkakaroon ng bag-as ng matitibay na Pulang kumander at mandirigma, ang nanatiling mainit na suporta ng masa, ang malinaw na kabiguan ng estratehiyang “whole-of-nation” ng rehimeng Duterte, at ang tumitinding kawalan ng lupa sa kanayunan.