Hindi natitinag ang suporta ng masa sa digmang bayan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

“Mga kapatid at kasama, kain lang kayo kung anong makita ninyo diyan.” Ito ang nakapaskil sa dinatnan ng mga kasamang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa labas ng isang kubo sa isang larangan sa North Central Mindanao Region. Napaligiran ang naturang kubo ng maraming saging kaya tuwang-tuwa sila sa paanyaya. Nang mabusog, hinawan nila ang mga damo sa sakahan at dinagdagan ang pananim sa paligid ng kubo.

Malaking luwag sa mga kasama ang paanyaya lalupa’t ilang buwan nang hinaharap ng kanilang yunit ang pinaigting na operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines. Kinatangian ang operasyong ito ng pagsalakay ng daan-daang tropang pangkati mula sa di bababa sa dalawang batalyon na suportado ng mga helikopter at jet fighter. Nagdulot ang operasyong ito ng malawak na teror sa mamamayan, dislokasyon mula sa kanilang mga komunidad at kabuhayan, at pagkasira sa kagubatan. Kasabay nito, hinarap ng mga Pulang mandirigma ang matitinding hamon, kabilang ang kasalatan ng pagkain sa loob ng ilang buwan.

Tulad ng inaasahan, hindi kinaya ng kaaway na isustine ang malakihang tipo ng nakapokus na operasyon. Nang lumuwag ang kalagayan, agad na lumakad ang isang tim ng mga Pulang mandirigma para maghanap ng masang makatutuwang sa pagtaguyod ng yunit.

Tanda ng matinding dislokasyon ng masa ang inaabutan ng mga kasama na mga kubo at sakahang abandonado. Halata na dali-daling nilisan ang mga komunidad. Maraming gamit ang naiwan at may mga trabahong hindi natapos. Marami rin ang naiwan na mga alagang hayop.

Pagkalipas ng ilang araw, nasalubong ng mga kasama ang magsasakang may-ari ng kubo na may saging. Kwento niya, anim na taon na mula nang huling kumilos ang hukbo sa kanyang erya pero inihanda pa rin niya ang kanyang mga pananim sakaling may kasamang mapadpad doon.

Ang ganitong malalim na pag-aaruga sa kagalingan ng mga kasama ang klase ng suportang tinatamasa ng BHB, kahit sa mga eryang bugbog ng militarisasyon.

Labis ang pag-aalala ng mga organisadong masa sa panahon ng masisinsing operasyon. Minsan nang umiyak ang isang magsasaka habang isinasalaysay ang tindi ng lungkot dahil sa akalang totoo ang ipinagmayabang ng kaaway na “naubos” ang mga Pulang mandirigma sa isang serye ng pambobomba ng mga FA-50 jet fighter. Isang linggo matapos ang insidente ay naglakas-loob siyang puntahan ang bukid na pinuntirya ng mga bomba. Hindi siya mapakali sa pag-iisip na basta na lamang kainin ng mga baboy ramo ang mga labi ng mga kasama. Laking tuwa niyang makitang buhay na buhay ang pinakamamahal niyang mga mandirigma.

May isang pagkakataong napadpad ang mga kasama sa isang sakahang pagmamay-ari ng magkapatid na hindi pa kailanman nakakilala ng Pulang hukbo. Sa maiksing panahon, napaliwanagan at nakuha ng mga kasama ang kanilang suporta. Hindi naging mahirap sa magkapatid na sapulin ang ipinaglalaban ng mga mandirigma lalupa’t kausap nila ay kapwa nilang mga magsasaka na dumanas ng parehong hirap at mga problema. Dagdag sa kagyat na suporta, nagpasya ang nakababata sa magkapatid na sumapi sa hukbong bayan.

Ipinakikita ng mga karanasang ito ang hindi natitinag na kahandaan ng masa na sumuporta at direktang lumahok sa digmang bayan.

Sa gitna ng pakikipaggitgitan ng Pulang hukbo sa kaaway, tinitiyak nilang makaiiwas ang hukbong bayan sa sorpresang mga atake. Kusa silang tumitimbre kung may namataan silang mga bakas o anumang palatandaan ng mga sundalo. Sila mismo ang nagtitiyak sa pagpapatrulya sa kanilang paligid.

Tinitiyak nilang naalagaan ang kalusugan ng Pulang hukbo nang sa gayo’y manatiling mataas ang kakayahan nitong makipagsagupaan. Inilalaan nila ang kanilang mga pananim at iba pang pagkain bilang suporta. Tumutulong din sila sa pag-iimbak ng pagkain sa pagitan ng mga operasyon.

Sa gitna ng mga atake ng kaaway sa kanilang kabuhayan at mga komunidad, patuloy silang nagrerebolusyon. Hindi sila tumitigil sa pagpapalawak at pagpapalakas ng kanilang mga organisasyon. Iniiwasan nila ang sapilitan at walang-piling pagpapasuko ng kaaway. Kung napilitang “sumurender” ay tinataguan nila ang mga sundalo para hindi magamit sa mga operasyong kombat. Maingat nilang kinukubli ang mga gamit ng hukbo na iniwan sa kanila. Higit sa lahat, taus-puso nilang pinapayagan at sinusuportahan ang kanilang mga anak na sumapi at manatili sa hukbong bayan.


(Artikulo mula sa Ang Kalihukan, rebolusyonaryong pahayagang masa ng NDF-NCMR.)

Hindi natitinag ang suporta ng masa sa digmang bayan