Kaso laban kay Doc Naty, ibinasura dahil di dumaan sa nararapat na proseso
Ibinasura noong Marso 30 ng Bayugan City Regional Trial Court ang gawa-gawang kaso ng kidnapping at illegal detention laban kay Dra. Natividad Castro, kilala bilang Doc Naty. Ayon sa korte, nilabag ng mga pulis ang karapatan ni Doc Naty sa nararapat na proseso at walang hurisdiksyon ang mga pulis sa kanya. Bunsod nito, pinalaya siya sa Agusan del Sur Provincial Jail kung saan ikinulong siya nang 40 araw.
Dagdag pa ng korte, ipinagkait kay Doc Naty ang due process dahil hindi naihapag sa kanya ang isang subpoena bago siya hinainan ng warrant of arrest. Hindi rin siya nabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa isang preliminary investigation na “paglabag sa sustantibong mga karapatan.” Ni hindi kay Doc Naty nakapangalan ang mandamyento de aresto na inihapag sa kanya.