Mga protesta
Unyon ng mga elektrisyan. Bumoto noong Abril 3 ang mga manggagawa ng Hypervolt Contractor Corporation sa isinagawang certification election pabor sa Hypervolt Workers Union bilang lehitimong unyon na kakatawan sa kanila sa pakikipagnegosasyon sa maneydsment. Ang Hypervolt ay isang kumpanya na naglalatag ng mga electrical wiring at mga imprastruktura kaugnay nito.
Ayuno ng Himamaylan 3. Naglunsad ng ayunong protesta sina Ramon Patriarca, NDFP peace consultant, at mga aktibistang sina CJ Matarlo at John Michael Tecson (Himamaylan 3) noong Marso 30. Ito ay bilang paggunita sa madugong operasyon ng mga pulis at sundalo o Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) sa tatlong bayan sa Negros Oriental na pumaslang sa 14 magsasaka sa loob ng 24 oras.
Martsa para sa katotohanan. Dalawang libong tagasuporta ni Leni Robredo at mga aktibista ang nagtipon sa Paciano Rizal Park sa Los Baños, Laguna sa programa upang kundenahin ang pamamayagpag ng disimpormasyon at karahasan na nagpapatuloy mula diktadurang Marcos hanggang sa kasalukuyan. Dumalo rito ang kapatid ni Sen. Leila de Lima na binatikos ang patuloy na atake ng rehimen sa kanyang mga kritiko.
Laban kontra pribatisasyon sa Guimba Water District. Tinutulan ng mga residente ng Guimba, Nueva Ecija ang bantang pribatisasyon ng Guimba Water District (GWD) noong Marso 28 sa harap ng tanggapan nito. Ang sistema ng tubig ay isasailalim sa isang joint-venture agreement (JVA) sa pagitan ng PAMANA Water Corporation at maneydsment ng GWD. Reklamo ng mga residente, palusot lamang ang JVA at tutungo rin ito sa kumpletong pagpribatisa sa serbisyo makalipas ang 25 taon.