Tripleng pagtataksil ni Duterte sa soberanya ng Pilipinas
Pinirmahan ni Rodrigo Duterte noong Marso 21 ang batas na nag-amyenda sa Public Service Act (PSA o Republic Act 11659) na magpapahintulot sa ibayong pagbubuyangyang ng ekonomya ng Pilipinas sa dayuhang pamumuhunan at kapitalista. Kadugtong ito ng magkakasunod na pag-apruba sa Foreign Investments Act (RA 11647) noong Pebrero at ng Retail Trade Liberalization Act (RA 11595) noong Disyembre 2021.
Pahihintulutan ng inamyendahang PSA ang mga dayuhang kapitalista na lubos na magmay-ari at magpatakbo ng mga empresa sa telekomunikasyon, lokal na byahe ng barko, tren at subway, mga airline, mga expressway at tollway at mga paliparan. Naghahawan ito sa daan para lubusan nilang kontrolin ang mga kritikal na imprastruktura ng bansa.
Hindi lamang banta sa soberanya, banta rin sa seguridad ng bansa ang pagmamay-ari ng dayuhan sa mga susing industriya. Batay sa karanasan, ang pribatisasyon at deregulasyon ng susing mga sektor at industriya ang nagtutulak sa papataas na mga presyo at singil sa serbisyo.
Ibinaba naman ng Foreign Investments Act ang minimum na kapital at ang rekisitong lakas paggawa para sa lubos na dayuhang pagmamay-ari ng isang lokal na negosyo. Ang kaugnay na binagong “negatibong listahan ng dayuhang pamumuhunan” ay magbubukas din ng karagdagang mga larangan para sa dayuhang mga kapitalista kabilang ang turismo at agrikultura na magbibigay-daan sa pagpapalawak ng mga plantasyon at proyektong ekoturismo na dati nang nagpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang lupa.
Ang Retail Trade Liberalization Act ay magpapahintulot sa dayuhang mga kapitalista na mamuhunan nang kahit ₱10 milyon na lamang (mula ₱127 milyon sa ilalim ng orihinal na batas) para makapagbukas ng tindahan sa Pilipinas. Kukumpetisyunin nila ang katamtamang-laki at maliliit na magtitinging Pilipino, at magtutulak ng ibayong pagbaha ng dayuhang produkto sa kapinsalaan ng mga gawang-Pilipino.
Lugod na lugod sa mga batas na ito ang mga dayuhang kapitalista, partikular ang mga kapitalistang Amerikano, at kanilang lokal na mga kasosyong mga burgesyang kumprador. Matagal na nilang ipinananawagan ang pagtatanggal sa mga limitasyon sa dayuhang pagnenegosyo.
Ibinalik ng tripleng hakbang na ito ang bansa sa panahon ng Parity Rights Amendment sa ilalim ng Bell Trade Act noong 1946 na nagbigay sa mga Amerikano ng pantay na karapatan na gamitin ang rekurso ng bansa. Tiyak na hahantong ito sa lalong pagkasaid sa natitirang yaman ng bansa at higit pang pagpiga sa mga magsasaka at manggagawang Pilipino.
Nilugmok ng dayuhang puhunan
Walang ebidensya na pauunlarin ng dayuhang pamumuhunan ang bansa kung titingnan ang kasaysayan nito sa Pilipinas. Katunayan, naging instrumento pa ito para panatilihing atrasado at di industriyal ang bansa.
Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, lumaki ang bahagi ng dayuhang pamumuhunan sa gross domestic product (GDP) ng bansa simula dekada 1970. Ang pumapasok na dayuhang pamumuhunan ay nasa taunang abereyds na $80 milyon noong dekada 1970 (1970-1979) at pumapalo ngayon sa abereyds $6.2 bilyon sa nagdaang dekada (2012-2021).
Ang bahagi ng dayuhang pamumuhunan katumbas sa GDP ay lumaki nang apat na beses mula 0.5% tungong 1.9% sa panahong ito. Lumobo rin ang pumapasok na stock ng dayuhang pamumuhunan at katumbas nito sa GDP ng bansa. Pero, sa kabila ng paglaki ng dayuhang pamumuhunan, sumadsad sa pinakamababang antas sa nagdaang 70 taon ang pagmamanupaktura at agrikultura.
Ang bulto ng dayuhang pamumuhunan ay napupunta sa pagmamanupaktura, ayon sa Ibon. Kalakhan nito ay sa mga export processing zone at walang kinalaman sa pagpapaunlad ng lokal na industriya. Bumagsak tungong 18.6% ng GDP noong 2020 ang sektor ng manupaktura, ang pinakamaliit na tantos nito mula 1950. Samantala, nagtala ang agrikultura ng pinakamaliit nitong bahagi sa GDP sa kasaysayan na 9.2% noong 2019.
Walang duda na palulubhain ng tatlong neoliberal na batas ang pagiging palaasa ng bansa sa dayuhang kapital at dayuhang pautang. Palalakasin din ng mga batas na ito ang oryentasyon sa pag-eeksport ng mababang dagdag-halagang mga mala-manupaktura na nakaugnay sa pandaigdigang assembly line na kontrolado ng mga korporasyong multinasyunal. Palulubhain ng mga ito ang kawalang-kakayahan ng bansa na makatindig sa sarili nitong mga paa.