Isang bilyong mamamayan para baguhin ang sistema sa likod ng climate change
Sa darating na Abril 22, target na abutin ng mga organisador ng ika-52 Earth Day (Araw ng Mundo) ang di bababa sa isang bilyong mamamayan sa buong mundo para igiit ang kagyat na pagbibigay-halaga sa kalusugan ng planeta. Bahagi nito ang mga grupong maka-kalikasan sa Pilipinas na malaon nang nagtatanggol sa kalikasan, natural na mga rekurso at lupang ninuno laban sa lokal at dayuhang pandarambong.
Nitong buwan, binigyan-pansin ng mga aktibistang Pilipino ang inilabas na ika-6 na ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) noong Abril 4. Tungkulin ng IPCC na tasahin ang isinagawang mga hakbang para bawasan ang carbon emission sa mundo. Ang IPCC ay isang grupo sa ilalim ng United Nations.
Ayon sa grupo, hindi sapat ang ginagawa ng mga gubyerno para panghawakan ang komitment na hindi palalampasin sa higit 2 degrees celsius, mula sa kasalukuyang 1.2 degree celsius, ang temperatura ng planeta sa susunod na 20 taon. Anito, posibleng lumampas pa sa 2.7 degrees celsius ang temperatura dahil sa pagmamatigas ng mga gubyerno, kasabwat ng pinakamalalaking bangko at kumpanya ng langis, na bawasan ang produksyon at paggamit ng panggatong na langis, karbon at natural gas na pangunahing nagbubuga ng carbon dioxide sa atmospera. Nangangahulugan ito ng mas matitinding init, sunog, pagbaha at tagtuyot.
Kabaligtaran sa kasunduang nakasaad sa Paris Agreement, walang awat ang pagbuhos ng kapital sa eksplorasyon at pagmimina ng langis, karbon at natural gas. Mula 2015 hanggang 2021, umabot sa $4.6 trilyon ang ipinuhunan dito ng 60 imperyalistang bangko. Pinakamalaki sa mga mamumuhunan ang JP Morgan Chase ($382.40 bilyon), kasunod ang tatlo pang malalaking bangkong Amerikano. Ang JP Morgan Chase ang isa sa pinakamalaking pampinansyang ispekulador sa merkado ng langis at pinakatumatabo ng supertubo sa kasalukuyang pagsirit ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Ang pagmimina ng karbon, sa kabilang banda, ay pinopondohan pangunahin ng mga bangkong Chinese.
Ayon pa rin sa IPCC, hindi dapat iasa sa pinauunlad na teknolohiya para sa carbon removal (pagtatanggal ng carbon dioxide sa atmospera) ang pagpigil ng pagtaas ng temperatura. Ang mga teknolohiyang ito ay “ispekulatibo” at maaari pang magkaroon ng “negatibong epekto” sa mga ekosistema at komunidad. Hindi rin sasapat ang mga “natural na lunas” tulad ng maramihang pagtatanim ng mga puno ang pagpapababa ng temperatura. May hiwalay na mga syentipikong pag-aaral na nagsasabing hindi epektibo at nakasasama pa ang mga programa para buhayin ang mga gubat sa pamamagitan ng paglalatag ng mga plantasyon ng kahoy. Sa maksimum, ang mga ito ay dapat ituring na sekundaryong mga hakbang.
Sa Pilipinas, nanawagan ang mga grupong maka-kalikasan na huwag ding iasa sa indibidwal na pagsisikap ang pagpigil sa climate change.
Sa matagal na panahon, anila, ang naging diin ay para sa mga indibidwal na mabuhay na “sustenable” para mabawasan ang “carbon footprint” ng mamamayan. Kabilang sa mga pamamaraan ang pagbibisikleta, paggawa ng kompost, pagbura ng di kinakailangang e-mail, paggamit ng metal na straw o pagpatay ng mga ilaw sa bahay kapag di ginagamit. Anila, sa gitna ng pandaigdigang lockdown noong 2020, bumaba lamang nang 17% ang carbon emission. Pinakikita nito na hindi sapat ang mga indibidwal na aksyon tulad ng pag-iwas bumyahe, kahit pa gawin ito sa pandaigdigang saklaw, para pigilin ang climate change.
“Dapat nating alalahanin na 71% ng mga global emission ay idinudulot ng 100 malalaking kumpanya lamang,” anila. Ang salarin ng krisis sa klima ay kapitalismo at ang kahayukan nito sa kita. Naninindigan sila na ang pagbabago sa sistema at hindi indibidwal lamang na mga pagsisikap ang pipigil sa climate change.
“Para makamit ang isang lipunang net-zero, makamit ang hustisya sa klima at sa lipunan, kailangang buwagin ang pandaigdigang monopolyong kapitalismo.”
Noong Abril 15, nakiisa ang mga aktibistang Pilipino sa pandaigdigang kampanyang #LetTheEarthBreathe (Hayaang huminga ang planeta). Kasabay nito ang protesta ng mahigit 1,000 syentistang dalubhasa climate change laban sa mga bangkong nagpopondo sa pagmimina ng langis. Sa US, nagrali ang mga syentista sa harap ng gusali ng JP Morgan Chase.