Monopolyo ng mga pamilya sa gubyerno
Mayorya ng mga kandidatong grupo na tumatakbo sa ilalim ng sistemang party list sa darating na halalan sa Mayo ay hindi kumakatawan sa mahihirap, taliwas sa nakasaad na layunin ng sistemang party list. Ito ang kongklusyon sa pananaliksik na isinagawa ng grupong Kontra Daya na inilabas noong Marso.
Maliban sa kuneksyon sa malalaking negosyo at sa militar, tampok na katangian ng mga tumatakbong party list ang pagiging behikulo para mailuklok ang mga pamilyang pulitiko. Sa kabuuang 177 na kandidato sa sistemang party list, isa sa bawat apat ay kumakatawan sa mga dinastiya.
Kabilang sa mga nangunguna rito ang Tingog Partylist na nagpoposturang tagapagtaguyod ng interes ng mamamayan ng Eastern Visayas, pero sa katunayan ay instrumento upang humigpit ang kontrol ng angkan ng mga Romualdez sa rehiyon. Ang kasalukuyang kinatawan at unang nominado ng nasabing partido ay asawa ni Rep. Martin Romualdez ng Unang Distrito ng Leyte, na pinsan ni Ferdinand Marcos Jr.
Sa pananaliksik ng Ibon Foundation, hindi bababa sa 23 kamag-anak ng angkang Marcos-Romualdez ang humawak ng poder, kundi man kasalukuyang nakapwesto sa reaksyunaryong gubyerno.
Isa sa mga ninuno ng angkang ito si Mariano Marcos, ang ama ng dating diktador na si Ferdinand Marcos. Ang nakatatandang Marcos ay nagsilbing upisyal sa propaganda ng pasistang organisasyong Kapisanan ng Paglilingkod sa Bagong Pilipinas at notoryus na Makabayang Katipunan ng mga Pilipino (Makapili) noong panahon ng pananakop ng Japan. Katulad ang mga ito ng maka-Kanang partido na Kilusang Bagong Lipunan ni Ferdinand Marcos Sr. at kanyang pamilya.
Sariling pamilya rin ang kinakatawan ng iba pang party list tulad ng PDP-Cares (Pimentel), Cibac (Villanueva), Agimat (Revilla), BHW (Co ng Ako Bicol), Kusug Tausug (Tan ng Sulu) at maraming iba pa.
Ang pangingibabaw ng mga dinastiya ay talamak na katangian ng pulitika ng bansa. Sinasabing nasa 70%-90% ng mga pusisyong inihahalal ay kontrolado ng mga maimpluwensyang pamilya. Sa isang pag-aaral sa halalan sa lokal na antas (konsehal hanggang gubernador), lumalabas na may 170 pulitikong myembro ng dinastiya ang nadaragdag sa bawat pagtatapos ng eleksyon mula 1988-2017. Mayroong 10 eleksyong nailunsad sa panahong iyon.
Noong 2001, umaabot sa 1,303 ang mga angkan na may dalawang nakapwestong myembro, 257 angkan na may tatlong myembro, at 157 pamilya na may apat o higit pang myembro sa gubyerno. Ngayon, lumobo ang mga bilang na ito tungong 1,548 na angkan na may dalawang nakapwesto, 339 na may tatlo, at 217 na may apat o higit pang kapamilya.
Matapos ang eleksyon noong 2019, 80% o apat sa limang gubernador ay may mga kapamilyang nasa pusisyon din. Umaabot naman sa 68% ng mga bise gubernador, at 67% ng mga kongresman, ang may kaanak din na nasa pwesto.
Pinakamarami ang mga dinastiya sa Maguindanao, kung saan mahigit kalahati ng mga halal na pusisyon ay okupado ng mga pampulitikang angkan na may dalawa o higit pang kapamilyang nasa pwesto. Sinusundan ito ng Pampanga (49%) at Bulacan (45%).
Ilan sa mga pampulitikang dinastiyang nakapanatili ng kapangyarihan matapos ang eleksyong 2019 ay ang pamilyang Dimaporo ng Lanao del Norte; Marcos ng Ilocos Norte; Kho ng Masbate, Mangudadatu ng Maguindanao; Ortega ng La Union at Tan ng Western Samar.
“Hindi masama ang mga pampulitikang dinastiya,” pagdedeklara ni Rodrigo Duterte noong Nobyembre 2021 nang bumisita siya sa balwarte ng pulitikong pamilyang Matugas sa Siargao Island, Surigao del Norte. Ganito nga ang inaasahang pahayag ng pamilyang nasa tuktok ng mga dinastiya at pinakanakikinabang sa monopolyo ng mga angkan. Tatlo sa mga anak ni Duterte ay nakapwesto sa lokal na pamahalaan ng Davao City at sa Kongreso.
Ang premyong kinatatakaman ng mga pamilyang ito—ang mga pork barrel, “SOP”, kikbak, kumisyon sa mga kontrata ng gubyerno at iba pang anyo ng korapsyon. Sila rin ang unang nakikinabang sa suhol ng mga kapitalista, sindikato sa droga, ismagling, iligal na sugal, at iba pa. Pinakikinabangan din ng mga pampulitikang pamilya ang serbisyo ng militar at pulis bilang kanilang pribadong hukbo, maliban pa sa armadong mga tauhan na direktang ineempleyo.