₱1.4 trilyon pondong pang-imprastruktura, pinangangambahang “mawaldas” dahil sa kainutilan
Muling kinastigo ng Commission on Audit (COA) ang iba’t ibang mga ahensya ng rehimeng Duterte dahil sa kabiguan ng mga ito na mahusay na gamitin ang pondong nakalaan para sa mga proyektong pampubliko. Sa isang pahayag noong Disyembre 23, pinangambahan ng COA na mawaldas lamang ang ₱1.4 bilyong pondo dahil sa kawalang-aksyon ng 17 ahensya ng estado. Ang mga pondo ay nakalaan para sa mga proyektong pang-imprastruktura na “naantala, iniwan o pinabayaan.”
Ang mga proyektong ito ay “hindi naipatupad ayon sa plano, at may kapansin-pansing mga pagkukulang, di natapos sa oras o hindi tuluyang nakumpleto, at maaaring magresulta sa pagkawaldas ng pondo o pagkaantala ng mga benepisyo na makukuha mula sa mga proyekto,” ayon sa ulat ng COA.
Kabilang dito ang mga proyekto sa ilalim ng Department of Transportation-Office of the Secretary. Labinlima sa mga ito na nagkakahalaga ng $1.3 trilyon ay nakakontrata sa dayuhang mga kumpanya. Ayon sa COA, nagdagdag pa ng gastos ang pito sa mga naantalang proyekto dahil kinailangan nang magbayad ng ₱158.224 milyon na “commitment fee” ang gubyerno sa kasosyo nitong mga dayuhang kumpanya. Isa rito ang Malolos-Clark railway project na tinutustusan ng utang, at kumukuha ng kagamitan at tauhan ng Japan.
Liban sa ₱1.4 trilyon, mayroon ding ₱1.1 bilyon na pondong hindi maayos na nagamit para sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo. Ito ay sa kabila ng napakalaking pangangailangan para sa retrofitting o pagsasaayos ng mga klasrum para muling makapagharapang klase ang mga estudyante.
Tumampok ang balita matapos dalawang ulit na ipinahayag ni Rodrigo Duterte na “walang pera” ang kanyang gubyerno at dahil dito, wala itong mailalabas na pondo para sa mga biktima ng bagyong Odette.