1.3 milyong manggagawa, nawalan ng trabaho noong Abril
Bumaba nang 1.3 milyon ang bilang ng mga manggagawang may trabaho noong Abril, kasabay ang pagkabawas ng 1.5 milyon sa bilang ng nasa labor force, kung ibabatay sa huling estadistika ng Phiippine Statistics Authority. Hindi mapagtakpan ang katotohanan na malayo pa ang Pilipinas sa ipinangangalandakan ng mga upisyal ng rehimeng Duterte na “full recovery,” ayon sa Ibon Foundation.
“Hindi maasahang palatandaan ng pagbangon ng ekonomya ang paglago na 8.3% sa unang kwarto ng 2022,” ayon sa grupo. Ito ay dahil hindi nito napigilan ang pagbagsak ng bilang ng mga may trabaho at nasa pwersa ng paggawa sa unang hati ng taon. Wala itong pagkakaiba sa “jobless growth” o pag-unlad na walang nalilikhang baging trabaho na katangian ng lokal na ekonomya kahit pa bago magpandemya.
Muling tinukoy ng Ibon ang pagkawala laluna ng mga pultaym na trabaho o yaong nag-eempleyo nang buong walong oras kada araw. Sa datos mismo ng estado, halos 2 milyon ang nalagas sa mga trabahong pultaym mula Marso hanggang Abril. Karamihan dito ay sa sektor ng serbisyo kung saan pansamantala at walang katiyakan ang trabaho.
Sa taya ng Ibon, umaabot sa 19 milyon o 42% ng mga trabaho noong Abril ay nasa di pormal na sektor na binubuo ng mga self-employed, mga nagtatrabaho sa mga sakahan o negosyo ng pamilya, kasambahay, at di-bayad na mga manggagawang kapamilya (unpaid family worker).
Kung hihimayin ang nawalang mga trabaho, ang mga ito ay sa sektor ng agrikultura at pangisda (1.1 milyon), public administration (275,000), kalakalan (242,000), administratibo at support services (160,000) at sa pinansya at seguro (143,000).