10 boluntir ng kampanyang #Makabayan4LeniKiko, iligal na inaresto sa Cavite
Iligal na inaresto ng mga operatiba ng pulis ang 10 boluntir sa kampanyang #Makabayan4LeniKono kaninang umaga sa Sityo Silangan at Talaba 7, Bacoor, Cavite. Sinalakay ng mga pulis ang mga bahay ng mga biktima sa ang tabing ng “gera kontra droga.” Ayon sa inisyal na ulat, ang mga inarestong residente ay pawang mga kasapi ng Anakpawis Partylist-Cavite at mga boluntir ng kampanyang Makabayan For Leni-Kiko.
Tatlo ang nasugatan sa pananalakay—sina Charlie Aquino, Richard Felipe at Johmelda Lucernas.
Samantala, sinuntok si Joel Salabanya, bise presidente ng Anakpawis Partylist-Cavite. Sapilitang pinasok ang kanyang bahay at pinaputukan ng baril ang kanyang asawa. Pagbabanta ng pulis, “Hindi ba kayo nadadala? May pinatay na kami dito.”
Samantala sa Silang, Cavite, iligal na idinetine ng PNP-Silang si Jonathan Mercado, kabataang magsasaka at tagapagsalita ng Teatro Kabataan Mula sa Nayon at dalawa pa niyang kasama. Kasalukuyang nakadetine si Mercado. Hindi siya pinakakausap sa kanyang kaanak o abogado.
Kinundena ng Anakpawis Partylist ang mga pag-aresto at pananakit sa mga myembro nito. Ibinunyag ng grupo na matagal nang target ng mga Remulla ang Sityo Silangan at Talaba 7 dahil gusto nilang ipailalim ang lugar sa reklamasyon at mga negosyong casino ng pamilya. Pinaniniwalaan din nilang may kaugnayan ito sa eleksyon dahil ang pamilyang Remulla ay sumusuporta sa tambalang Marcos-Duterte sa Mayo 2022.
Ang serye ng pandarahas sa Cavite ay kasunod ng arbitraryong pagredtag ni Cong. Crispin “Boying” Remulla, kinatawan ng 7th district ng Cavite, sa mga dumalo sa malaking rali ni Leni Robredo at Kiko Pangilinan sa prubinsya noong Marso 4. Sa interbyu sa radyo, siniraan ni Remulla ang mga dumalo sa pagsabing bayaran ang mga ito ng tig-₱500. Ipinagkalat din niyang may mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa batayang may nakita siyang grupo ng kabataang “mukhang aktibista” at na ang mga ito ay “sinasanay ng National Democratic Front”.
Pinasinungalingan ng Robredo People’s Council-Cavite ang mga paratang na ito. Anila, “ang akusasyong ito (ni Remulla), ay malisyoso, mapanira ng reputasyon, iresponsable at walang batayan”.
Nag-trending sa Twitter ang #BoyingSinungaling sa araw na ginawa niya ang mga alegasyon.
Babala ni Marco Valbuena, chief information officer ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang ganitong pangreredtag ay maaaring bahagi ng tangkang idiskaril ang malawak na nagkakaisang prente laban kay Duterte na sa ngayon ay tuluy-tuloy na lumalawak sa buong bansa.
Dagdag pa ni Valbuena, “ang pangreredtag sa malawak na hanay ng demokratikong pwersa sa likod ng kampanyang Robredo-Pangilinan ay malamang na bahagi na ng paghahanda ni Duterte na lumikha ng senaryo na mayroong pampulitikang kaguluhan at ituon ang sisi sa mga”komunista” upang bigyang-matwid ang paggamit ng Anti-Terror Law at pwersa ng estado sa pagpapatupad ng malawakang crackdown at pang-aaresto.