16 kaso, isinampa laban sa tagapagsalita ng NTF-Elcac
Umaabot na sa 16 na kaso ng pang-aabuso sa kapangyarihan, electioneering at iba pang kasong administratibo ang isinampa kay Dr. Lorraine Badoy-Partosa, tagapagsalita ng NTF-Elcac, kilalang isa sa pangunahing red-tagger ng rehimeng Duterte. Ang mga kaso ay isinampa sa iba’t ibang ahensya at upisina ng estado.
Hinihingi ng mga kasong isinampa ng mga grupo na suspendihin si Badoy sa kanyang pusisyon sa gubyerno at iutos na itigil na ang paninira at panrered-tag sa mga organisasyon. Nais din ng ilang nagsampa na tanggalan siya ng lisensya bilang duktor.
Pinakahuli sa mga nagsampa si Roberto de Castro ng Bagong Alyansang Makabayan ngayong araw, Abril 20.
Kahapon, isinampa ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang “motion for contempt” laban kay Badoy sa Court of Appeals matapos ang pakikipagpanayam nito kay Maj. Gen. Jovito Palparan na nakakulong sa National Penitentiary. Hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong si Palparan sa kanyang papel sa pagdukot at pagdesaparasido sa dalawang mag-aaral ng University of the Philippines noon 2006.
Noong araw ding iyon, nagsampa ng kaso ang mamamahayag na si Maria Ressa ng Rappler sa upisina ng Ombudsman matapos siyang paulit-ulit na bastusin at malisyosong iugnay sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Hinikayat ni Ressa ang Ombudsman na patawan ng parusa si Badoy bilang pampublikong upisyal ng gubyerno.
Sa Ombudsman rin nagsampa ng kaso noong Abril 13 si Zena Bernardo, ina ng tagapagtatag ng Community Pantry PH na si Ana Patricia “Patreng” Non. Nired-tag ni Badoy, ng mga pulis at militar, si Patreng at ang kauna-unahang pantry na nagdiwang ng isang taong anibersaryo noong Abril 15.
Noong Abril 11, naghain ng reklamo ang Alliance of Health Workers (AHW) sa Ombusdman at sa Professional Regulation Commission (PRC) kasabay ng panawagang isuspinde at kalaunan ay tanggalan ng lisensya si Badoy bilang duktor. Niredtag din ni Badoy ang mga manggagawang pangkalusugan dahil sa kanilang paggigiit ng makatarungang kumpensasyon sa gitna ng pandemya.
Naghain din ng reklamo ang mga grupo sa paggawa, mga mangingisda, magbubukid at maralita noong Marso 30.
Nagsampa rin ng kaso ang kampo ni Leni Robredo, kandidato sa pagkapresidente, matapos akusahan ni Badoy na may “sabwatan” ang kanyang kampo sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Ang ilan pang nagsampa ng kaso ay mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers at grupo ng mga lider-kabataan mula sa iba’t ibang pamantasan.
Samantala, nagsampa rin ng kaso ang blokeng Makabayan sa Commission on Elections laban kay Badoy sa paglabag sa Omnibus Election Code sa paninira sa mga progresibong partido at pagdawit sa kanila sa armadong rebolusyonaryong kilusan.
Sunud-sunod ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Badoy matapos paigtingin niya, ng NTF-Elcac at mga ahensya ng gubyerno ang redtagging sa mga grupong maka-Kaliwa na aktibo sa kampanya ng tambalang Leni-Kiko. Nang magsimulang lumawak ang suporta sa tambalan, si Leni Robredo na mismo ang niredtag ng mga ito. Bahagi ito ng sistematikong pag-atake sa kampo ng mayor na oposisyon sa tambalang Marcos-Duterte sa eleksyong 2022.
Pinakaunang nagsampa ng kaso ang Ibon Foundation noong Pebrero 2020 laban kay Badoy, dating NTF-Elcac spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade, at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. Sinundan ito ng apat na iba pa noong Disyembre 2020.
Talaan ng mga personaheng nagsampa ng kaso kay Lorraine Badoy:
1. Ibon Foundation sa Ombudsman, Pebrero 2020
2. Karapatan sa Ombudsman, Disyembre 4, 2020
3. Kabataan PL sa Ombudsman, Disyembre 7, 2020
4. NUPL sa Ombudsman, Disyembre 9, 2020
5. Altermidya sa Ombudsman, Disyembre 18, 2020
6, 7, 8. Kabuuang 26 na indibidwal, kabilang sina Raymond Palatino, kapatid ni Dr. Natividad Castro na si Delfin Castro, mga lider-estudyante, guro, aktibista, myembro ng relihiyosong grupo, at iba pa ang nagsampa ng tatlong magkakahiwalay na reklamo laban kay Badoy sa Ombudsman, Marso 23, 2022
9. Makabayan Bloc sa COMELEC, Marso 25, 2022
10. Makabayan, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Amihan National Federation of Peasant Women, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas sa Ombudsman, Marso 30, 2022
11. Alliance of Health Workers sa Ombudsman, Abril 11, 2022
12. Manggagawang pangkalusugan sa PRC, Abril 11, 2022
13. Zena Bernardo, Community Pantry PH sa Ombudsman, Abril 13, 2022
14. NUPL sa Court of Appeals, Abril 19, 2022
15. Maria Resssa ng Rappler sa Ombudsman, Abril 19, 2022
16. Roberto de Castro ng Bayan sa Ombudsman, Abril 20, 2022