1st Scout Rangers Battalion at 88th IB, naunahan ng BHB-Bukidnon
Pitong sundalo ang napatay sa kontra-opensiba ng BHB-Bukidnon laban sa nag-ooperasyong mga tropa ng 1st Scout Rangers Battalion at 8th IB sa Sityo Kiito, Barangay Can-ayan, Malaybalay City tanghali noong Marso 3.
Bilang ganti, binweltahan ng mga sundalo ang mga sibilyan sa lugar. Inaresto nila ang isang datu at apat na magsasakang Lumad sa parehong araw, pinahirapan at pinalabas na mga Pulang mandirigma. Nakapiit ngayon sa Malaybalay City Jail sina Datu Elyurin Goaynon, isang IP chieftain at 37 taong gulang, Reboy Goaynon, 16, Giovani Licayan, 30, Michael Peraga, 20, at Andro Mahul, 33. Pinalalabas na mayroong mga nakumpiskang armas mula sa kanila.
Ayon sa mga ulat, ang limang inaresto ay nadatnan lamang nilang kumukuha ng mga punong kahoy para sa kanilang bahay sa Sityo Kilap-agan sa Barangay Can-ayan. Tinortyur ang lima. Inilinaw ng kanilang mga pamilya na pawang mga sibilyan ang lima at umaasang magkakaroon ng masusing imbestigasyon para kagyat silang mapalaya.
Naghabi pa ng kwento ang mga sundalo na nadampot ang mga sibilyan sa isang engkwentro kung saan nakasamsam umano ng mga armas, laptop at kagamitang militar.
Ilang araw matapos nito, muling nakauna ang BHB kontra sa reyd ng 88th IB noong Marso 9 sa Sityo Bendum, Barangay Busdi. Isang sundalo ang iniulat na napatay.
Para itago ang kanilang magkasunod na pagkatalo, nagpakana ang 8th IB ng bugso ng umano’y pagsuko ng mga Pulang mandirigma noong Marso 15. Sinundan pa ito ng “pagkadiskubre” ng isang “bangkay” ng isang alyas Prodo sa Sityo Kilap-agan na di umano’y napaslang sa labanan noong Marso 3. (Ang Kalihukan)