3 pangakong proyektong riles, nauwi sa panloloko

,

Walang nangyari sa tatlong ipinangakong proyektong riles ni Rodrigo Duterte sa ilalim ng kanyang programang Build, Build, Build. Hanggang guni-guni lamang ang inabot ng paglalatag ng sistema ng tren mula Calamba tungong Bicol, Tagum-Davao-Digos at Clark tungong Subic. Ang mga proyektong ito ay kabilang sa mga pambobola at pinagkunan ng “SOP” (kikbak) ni Duterte sa porma ng “advance payment” ng ginawaran ng mga kontrata nito bago at habang nakaupo siya bilang presidente.

Inamin ni Department of Transportaion Undersecretary Cesar Chavez noong Hulyo 15 na walang pondo ang naturang mga proyekto. “Ang totoo niyan sa usapang diretso, nagback-out ang China,” aniya. Pero ang mas diretso, hindi kailanman inaprubahan ng China ang aplikasyon ng Pilipinas na umutang para sa mga ito. Wala ring inilaan ang pambansang gubyerno na badyet para sa mga ito.

Matagal nang “inaprubahan” ng National Economic and Development Authority ang tatlong proyekto. Nagsimula ang “negosasyon” sa mga pautang dito noong 2018 pero hanggang katapusan ng termino ni Duterte, walang naging tugon ang mga bangko.

Noong Enero, nagseremonya ang DoTr para magpirmahan kasama ang Philippine National Railways ang paglalatag ng riles mula Calamba tungong Daraga, Albay. Sa grandyosong proyektong ito, 230 tulay, 23 istasyon, 10 tunnel at isang 70-ektaryang depot ang itatayo sa halagang ₱142 bilyong utang. Ang kontrata para sa lahat ng ito ay ipinagkaloob sa tatlong kumpanyang Chinese (China Railway Group, China Railway No 3 Engineering Group, at China Railway Engineering Consulting Group).

Ang proyektong Tagum-Digos-Davao railway ay ipinagmayabang na unang phase sa mas ambisyosong Mindanao Railway Network na magdadala ng “pag-unlad” sa isla. Magsisimula ang proyekto sa Davao, kung saan nakaupo noon bilang mayor si Sara Duterte. Inilagay ang halaga nito sa ₱83 bilyon.

Samantala, ang kontrata para sa Subic-Clark Railway na nagkakahalaga ng ₱51 bilyon ay iginawad sa China Harbour Engineering Co.  noon pang Disyembre 2020.

Inatasan diumano si Chavez ni dating Finance Secretary Carlos Domingo na iaatras ang mga aplikasyon para mangutang kung hindi ito tutugunan ng China hanggang Hunyo 30.

Sa kalakhan, 12 lamang sa pinagmayabang na 119 proyekto sa ilalim ng programang Build, Build, Build ang natuloy sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ang malalaki, tulad ng New Clark City ay nasa “Phase I” pa lamang habang dalawa pa ay pawang mga proyektong “rehabilitasyon.”

AB: 3 pangakong proyektong riles, nauwi sa panloloko