3 partido sa blokeng Makabayan, ipinroklama ng Comelec
Ipinroklama kahapon, Mayo 26, ng Commission on Elections (Comelec) ang tatlong partido sa ilalim ng progresibong blokeng Makabayan na tumakbo sa sistemang party-list na nakakuha ng pwesto sa ika-19 na Kongreso. Nasungkit ng tatlong partido ang mga pwesto sa kabila ng lantaran at todong-atake ng rehimeng Duterte at armadong pwersa nito laban sa kanila sa nagdaang anim na taon. Kabilang sila sa 55 kinatawan ng mga party-list na hinirang ng Comelec.
Tig-iisang pwesto ang nakuha ng Kabataan Partylist, Gabriela Women’s Party (GWP) at ACT Teachers Party na kumakatawan sa mga sektor ng kabataan, kababaihan at guro.
Uupong kinatawan ng Kabataan si Rep. Raoul Manuel, dating presidente ng National Union of Students of the Philippines at rehente ng mag-aaral sa University of the Philippines. Muling mauupong mga kinatawan ng kani-kanilang partido si Rep. Arlene Brosas ng GWP, at Rep. France Castro ng ACT Teachers.
Ipinroklama ng Comelec ang Kabataan at Gabriela sa kabila ng kabi-kabilang kaso ng diskwalipikasyong isinampa laban sa kanila ng National Task Force-Elcac. Nagpapatuloy pa rin ang tangka ng rehimeng Duterte at mga kasapakat nito para pagkaitan ng pwesto ang mga progresibo.
Samantala, nabigong makakuha ng sapat na boto ang grupong Bayan Muna at Anakpawis para makakuha ng pwesto. Pinuntirya ng lansakang red-tagging, intimdasyon at pananakot ang mga kampanyador ng Makabayan sa nagdaang eleksyong Mayo 9 at maging noong nakaraang eleksyong 2019. Liban pa ito sa naka-programang pagdagdag-bawas sa boto ng mga partido.
“Ang mga bayarang troll army at laganap na red-tagging ang ginamit laban sa amin at sa iba pa…para sirain ang oposisyon,” ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Nilabag ng mga empleyado at upisyal ng gubyerno ang batas kaugnay ng pagbabawal na mangampanya laban sa mga progresibong kandidato, kabilang dito ang NTF-Elcac, aniya. “Ang ahensyang ito na mahilig manred-tag ay nagsagawa ng black propaganda laban sa oposisyon sa pagpapakalat ng mga alegasyon at konspirasiya nang walang katiting na ebidensya.”
Naniniwala rin ang Bayan Muna na ang pagkatalo nito ay dulot ng “malaking pagkaltas ng boto” gamit ang elektronikong pandaraya. Nabawasan nang aabot sa 80% ang kabuuang boto ng Bayan Muna kung ikukumpara sa botong nakalap nito noong 2019.
Mula 1.117 milyon noong 2019, bumagsak ito tungong 219,000 ngayong taon. Pinakamababang boto ito na nakuha ng Bayan Muna sa kasaysayan ng paglahok nito sa eleksyon simula 2001.
Para sa grupo, mistulang tinarget sila matapos ang tagumpay noong 2019 at mataas na boto na nakuha sa kabila ng panggigipit ng estado. Ginawa umano ito ng rehimeng Duterte para “patahimikin ang epektibo at progresibong boses ng aping mga sektor sa Kongreso.”
Inaasahan na ang Makabayan 3 na nakakuha ng pwesto ay magiging matikas na oposisyon laban sa supermayorya ng rehimeng Marcos II sa darating na mga taon at kaakibat nitong mga kontra-mamamayang batas at panukala.