Mga manggugulay, lugi dahil sa pagbaha ng imported na karots

,

Umaabot sa ₱2.5 milyon ang araw-araw na pagkalugi ng mga manggugulay ng karots dulot ng pagbaha ng iniismagel na karots sa bansa sa nakaraang mga buwan. Anila, mula noong nakaraang taon, bumagsak na ang kanilang benta nang 20%. Ngayong taon, umaabot na ito nang 40% dahil dumoble ang bolyum ng bumahang imported na karots sa bansa.

Sa pagdoble ng imported na karots, dumoble rin ang bagsak ng bolyum na inoorder na lokal na karots sa mga pamilihan, ayon kay Agot Balanoy ng League of Associations sa La Trinidad Vegetable Areas sa pagdinig sa Senado noong Marso 28. “Katumbas ito sa P2.5 milyong nawawala na kita sa amin,” aniya.

Noong pang Disyembre ibinunyag ng mga manggugulay ang pagbaha ng mga imported na karots sa pamilihan. Maraming konsyumer umano ang bumibili dito dahil maaari itong iimbak nang hanggang tatlong buwan. Ang mga karots mula sa Benguet ay maaari lamang iimbak nang hanggang tatlong araw.

Nagbabala ang mga senador sa klase ng mga imported na mga karot na maaaring punong-puno ng mga kemikal.

Sa parehong pagdinig, kinumpirma ng isang upisyal sa Department of Agriculture ang pagkakasangkot ng ilang lokal at pambansang upisyal ng gubyerno sa laganap na ismagling ng mga produktong agrikultural. Ayon sa isang upisyal nito sa Benguet, tinatawagan siya ng ilang “big-time personalities” para palusutin ang mga nasasabat na mga container na naglalaman ng mga inismagel na gulay.

AB: Mga manggugulay, lugi dahil sa pagbaha ng imported na karots