7 sundalo, namatay sa sariling pambobomba ng AFP, libong lumad, nagbakwit
Hindi bababa sa pitong sundalo, kabilang ang isang upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang napatay nang mahulugan ng sariling bomba ng AFP sa Napnapon River, sa Barangay Napnapon, Palimbang, Sultan Kudarat noong Disyembre 9, bandang 5:15 ng umaga.
Hindi bababa sa anim na malalaking bomba ang inihulog sa lugar ng dalawang FA50 jet fighter. Ayon sa ulat ng lokal na kumand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), walang yunit sa naturang lugar na binomba.
Sa sumunod na araw, hindi bababa sa 130 ulit na kinanyon ang mga karatig na pook. Mahigit 400 sundalo ang inihatid ng susun-sunon at sunud-sunod na paglipad ng mga helikopter na gumambala sa katiwasayan sa lugar.
Bunga ng labis na takot sa pambobomba at militarisasyon sa lugar, tinatayang 260 pamilyang Lumad mula sa mga barangay ng Napnapon, Damulol, Mina, Badiangon at Tibuhol ang dali-daling nagbakwit na sa kani-kanilang komunidad na walang dalang kahit ano.
Upang ipagtanggol ang masa sa lugar, naglunsad ng dalawang magkasunod na operasyong pagharas ang BHB noong Disyembre 15 sa Barangay Napnapon, at sa Barangay Mina noong Disyembre 16. Isang pwersa ng kaaway ang napatay, at dalawa ang nasugatan.