9 na kaswalti ng AFP sa Negros, pinagtatakpan ng 3rd ID

,

Pinalalabas ng 3rd ID na dalawang sundalo lamang at hindi siyam ang napaslang sa nag-ooperasyong pinagsanib na pwersa ng 62nd IB at 79th IB sa pinakahuling ambus ng BHB sa Negros Occidental. Apat lamang din umano ang nasugatan. Naganap ang ambus sa Barangay Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental noong Nobyembre 3.

Sa ulat ng yunit ng BHB, siyam ang kumpirmadong sundalong nasawi sa labanan. Maraming iba pa ang nasugatan nang tambangan ang mga tropa ng AF₱ sa hangganan ng Sityo Nakuruhan at Maluy-a. Nasamsam din ng mga Pulang mandirigma ang dalawang armas.

Gawi na ng AFP na itanggi o itago ang tunay na bilang ng kanilang kaswalti sa mga labanan nito sa BHB. Marami nang mga sagupaan, kapwa depensibo at opensibo, kung saan nakapipinsala ang mga yunit ng BHB ng maraming bilang ng mga sundalo. Hindi inaamin ng AFP ang totoong pangyayari para palabasing palagian silang superyor sa mga labanan.

Sa kaso ng Negros, nagpakita pa ang 3rd ID ng mga kagamitang “nasamsam” umano mula sa BHB sa naging engkwentro.

Ayon kay Ka JB Regalado, ang mga tropa ng sundalo ay higit isang buwan nang nag-ooperasyon sa mabundok na bahagi ng Binalbagan, Isabela, Moises Padilla, Guihulngan, at La Libertad na lubhang nakaaapekto sa kabuhayan at buhay ng masa. Nakaranas ang mga komunidad ng red-tagging, panghaharas, at paninindak mula sa mga sundalo.

“Dahil dito, naghahangad ang masa ng hustisya para sa mga krimen ng mga sundalo. Ang huling ambus ay isa sa marami pang tugon sa hangad na ito ng masa,” sabi ni Regalado.

“Ang lumulubhang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema…ay nagiging matabang lupa para sa marami na sumapi sa BHB,” pagtatapos ni Regalado.

AB: 9 na kaswalti ng AFP sa Negros, pinagtatakpan ng 3rd ID