94 pamilya sa Masbate, pinalayas ng 2nd IB sa kanilang lupa
Tuluy-tuloy ang pagpapalayas ng 2nd IB sa mga magsasaka sa lupang dating pag-aari ng gubernador ng Masbate na si Antonio Kho. Noong Hulyo 26, iniulat ng Defend Bicol Stop the Attacks Network na higit 94 pamilya na ang pwersahang pinalayas ng mga sundalo sa lupang deka-dekada na nilang binubungkal.
Ang mga sakahan ng mga magsasaka ay bahagi ng 1,807-ektaryang “pastuhan” na ipinaubaya na ng pamilyang Kho sa kanila. Matatagpuan sa 450-ektaryang lupang ito ang mga barangay ng Cabungahan, Calapayan at Villaluna sa Cawayan. Ang mga lupang ito ay pang-agrikultura, at ipinadeklara lamang na pastuhan para makaiwas sa repormang agraryo.
Sa aktwal, ilang henerasyon na ng mga magsasakang Masbatenyo ang nagbungkal sa mga lupang ito. “Sila ang tunay na nagmamay-ari sa lupa,” ayon sa Defend Bicol. Gayunpaman, hanggang ngayon ay walang pormal na pagkilala sa karapatan nila sa lupa.
Kasama ng 20 sundalo ng 2nd IB na nagpalayas sa mga magsasaka noong Hulyo 25 ang kapitan ng barangay ng Dalipe na si Aldrin Boyet Besana, isang nagngangalang Teteng Tapayan at pitong “rebel returnee.”
Sa ngayon, pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak ang pinalayas na mga magsasaka, ayon sa grupo.