Abril 12 |Ano ang napala sa 2-linggong pinahigpit na lockdown sa NCR+?
“Ibinaba” na kahapon ng rehimeng Duterte ang antas ng lockdown sa “modified enhanced community quarantine” matapos ang 2-linggong mas mahigpit na lockdown sa Metro Manila at apat na karatig prubinsya ng Laguna, Rizal, Cavite at Bulacan. Ito ay kahit hindi naman bumababa ang arawang bilang ng mga nahahawa, at tumataas pa nga ang arawang bilang ng mga namamatay. Liban sa lubhang nahuhuling pag-eempleyo ng dagdag na contract tracer, pagtatayo ng kakarampot na dagdag na pasilidad at paghugot ng mga medical personnel mula sa Visayas at Mindanao, wala pa ring nailatag na sapat at komprehensibong planong medikal ang rehimen para agapan ang patuloy pang pananalasa ng pandemya.
Walang ulat kung ano ang ginawa para itaas ang kapasidad ng sitemang pangkalusugan, laluna ang puno nang mga pasilidad para sa mga krikital na pasyente, mechanical ventilator at iba pang suplay na medikal na pinangangambahan nang masaid. Walang dagdag na mga hakbang para protektahan ang mga manggagawa sa kalusugan na nagsimula na namang mahawaan. Halos wala na sa eksena ang malawakang pagbabakuna dahil sa kakulangan sa suplay. Tulad sa nakaraan, tumatanggi pa rin ang rehimen na isagawa ang pinakabatayang hakbang tulad ng mas maraming testing at contact tracing. Hindi tumaas ang kapasidad sa testing. Wala rin itong mga hakbang para tiyakin ang kaligtasan sa mga upisina, pabrika at lugar ng trabaho kung saan bultu-bulto ang nahawa ng bayrus.
Sa kadulu-duluhan, walang idinulot ang ipinataw na ECQ kundi dagdag na hirap sa mamamayan. Sa taya ng mga negosyante, aabot sa 252,000 ang mawawalan ng trabaho at 102,000 ang babagsak ang kabuhayan sa loob ng 2-linggong lockdown.
Sa buong dalawang linggo, kakarampot na ₱1,000/tao (o ₱4,000 maksimum kada pamilya) lamang ang ayudang ipinamahagi ng rehimeng Duterte. Pahirapan ang pagkuha at siksikan ang mga benyu ng distribusyon. Nagbibingi-bingian ito sa mga hinaing ng mamamayan.
Sa loob ng mga linggong ito, malinaw ang panawagan ng mga sektor ng mga hakbang para ibsan ang kanilang paghihirap. Ilan lamang dito ang sumusunod:
1) Kagyat na pamamahagi ng Special Risk Allowance (SRA) ng mga manggagawa sa kalusugan at pagtitiyak sa kanilang pagkain, transportasyon at akomodasyon na nararapat sa kanila sa ilalim sa Bayanihan 2 at pag-release sa sobra nang naantala na mga benepisyo sa ilalim ng Performance Based Bonus ng 2018, 2019 at 2020.
2) ₱10,000 ayuda para sa pinakamahihirap na pamilya
3) ₱100 emergency dagdag na sahod para sa mga manggagawa pang-agapay sa pagsirit ng presyo ng pagkain at transportasyon
4) Pagpapatupad ng bagong antas ng swelduhan ng mga guro – mula sa ₱16,000 para sa Teacher 1 pataas at pagpaprayoritisa sa kanila sa mga nakahanay na mabakunahan
5) Pagbabalik ng moratoryum sa demolisyon ng mga maralitang komunidad sa panahon ng pandemya at espasyo para sa urban farming
6) Ayuda sa mga mga drayber ng dyip, iba pang transport workers (kabilang ang mga nasa food delivery) at balik-pasada ng mga dyip.
7) Pansamantalang pagtigil ng mga klase sa mga kolehiyo at paghahanda para sa ligtas na balik eskwela at harapang klase.