Abril 26 | Pinatahimik sina Badoy at Parlade sa pangrered-tag, pero hindi ang mga kumand ng AFP
Balita kahapon ang pagbabawal ng National Security Council sa dalawang tagapagsalita ng NTF-ELCAC na magkomento matapos umani ng kaliwa’t kanang batikos ang kanilang pangrere-redtag sa organisador ng community pantry na si Anna Patricia Non sa Maginhawa St. sa Quezon City. Pinatahimik ni Hermogenes Esperon, hepe ng NSC, sina Gen. Antonio Parlade at Usec. Lorraine Badoy para matigil hindi ang kanilang paninira sa mga nagkakawanggawa kundi para isalba ang NTF-ELCAC laban sa banta ng mga senador na tanggalan ito ng pondo.
Pansamantalang pinatahimik sina Parlade at Badoy pero tuloy lamang ang arbitraryo at iligal na pambabansag ng militar sa mga organisasyong masa, laluna sa mga organisasyong magsasaka na nakabase sa mga baryo at malayo sa mata ng midya. Kabilang sa walang pakundagang nagreredtag ang mga dibisyon na nasa ilalim ng East Mindanao Command, ang 10th at 4th ID na sumasaklaw sa mga prubinsya ng Davao, Agusan, Surigao, Bukidnon at Misamis Oriental. Dito, walang kaabog-abog na tinatawag ng militar ang mag organisasyong magsasaka bilang mga “CTG” o communist-terrorist group.
Isang halimbawa ang pagbansag ng 4th ID sa Nagkahiusang Mag-uuma sa Agusan del Sur (Namasur) at Esperanza United Farmers Federation Association (EUFFA) bilang mga “CTG.” Noon pang 2018 “binuwag” ng militar at “pinasurender” ang mga myembro ng mga organisasyong ito.
Gayundin, walang nag-utos sa AFP na iatras ang mga “bidyo dokyumentaryo” na naglipana sa mga Facebook account ng mga area command na malisyosong nag-uugnay kay Non at mga tagapag-organisa ng iba pang mga community pantry sa CPP. Hitik ang mga account na ito ng mga larawan, kwento at bidyo ng paninira at pangrered-tag ng mga lehitimong organisasyon tulad ng Rural Missionaries of the Philippines, Bayan Muna at iba pang organisasyong masa.