Aerial bombing sa Cagayan at Northern Samar, kinundena ng mga residente
Mariing kinundena ng Taripnong Cagayan Valley, asosasyon na nagtataguyod sa kagalingan ng mga taga-Cagayan Valley, ang paghuhulog ng Philippie Airforce ng mga bomba sa Barangay Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan noong Setyembre 21. Ayon sa grupo, perwisyo at pagwawaldas ng pera ang pambobomba.
Pinangangambahan din ng mga residente rito ang maaaaring idudulot na pinsala ng mga bomba sa kanilang mga sakahan at kabuhayan. Ayon sa mga residente, madaling araw nang magising sila sa malakas na ugong ng mga eroplanong pandigma at mga pagsabog.
Ang paghuhulog ng bomba ay isinagawa ng mga elemento ng 501st IB na noo’y nanghahalihaw sa lugar. Bahagi umano ito sa “clearing operations” matapos nilang maka-engkwentro ang isang yunit ng BHB.
Samantala, binulabog din ng aerial bombing at istraping ang mga residente ng San Francisco, Las Navas, Northern Samar noong Setyembre 16. Nirindi rin sila ng mga pagsabog ng kanyon. Dahil sa takot na tamaan, pansamantalang nagbakwit ang mga residente sa kalapit na baryo.
Sa ulat ng lokal na yunit ng BHB, anim na bomba ang inihulog ng FA-50 fighter jet kasabay ng istraping mula alas-3 ng madaling araw hanggang alas-10 ng umaga.Hindi bababa sa walong helicopter ang naghatid sa mag-ooperasyong mga tropa sa lugar. Inaalam pa ng mga Pulang mandirigma ang halaga ng nasira ng mga bomba na mga sakahan sa lugar. Walang napinsalaang yunit ng BHB.
Nagkaroon din ng kasabay na operasyong kombat sa Jipapad, Eastern Samar. Isang linggo bago ang operasyon, gabi-gabing nagpapalipad ang AFP ng mga surveillance drone sa erya at sa kasunod na mga barangay.
Sa pahayag ng National Democratic Front-Eastern Visayas, sinabi nitong walang kakayahan ang makabagong kagamitan at mga “smart” bomb ng AFP sa pagtukoy kung sino ang sa armado at hindi armado. Anito, Ang mga operasyong ito ay desperadong tangka ng PTF-ELCAC na maitulak ang kanilang proyekto sa Barangay San Francisco. Noong Setyembre 1, nagbanta ang mga elemento ng PTF-ELCAC na “gagawin nilang Marawi ang Las Navas”.