Aktibista, kinulong at tinortyur ng NTF-ELCAC, katuwang ang ahenteng ina
#LetAliciaSpeak
“Tumakas ako kasi di ko na kaya, ilang beses na akong tumatakas kasi di ko na kaya. Di nila ako tinatratong tao na may sariling boses at pag-iisip,” pahayag ni Alicia Lucena na lumabas sa isang live video feed sa Facebook noong Agosto 16. Nagpahayag si Lucena matapos siyang tumakas mula sa apat na buwang pagkukulong sa kanya ng ina sa sariling bahay.
Si Lucena, 20 taong gulang, ay isang kabataang kasapi ng organisasyong Anakbayan. Naging sentro siya ng panggigipit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos makipagtulungan ang kanyang ina na si Relissa Lucena at akusahan ang organisasyon, pati na ang Bayan Muna at Kabataan Party List ng kidnapping at pagrerekrut kay Lucena bilang kasapi ng New People’s Army (NPA). Ang nakatatandang Lucena ay itinalagang tagapagsalita ng Hands Off Our Children, isang anti-demokratikong grupo na itinayo ng NTF-ELCAC.
Si Alica ay dinukot ng mga hinihinalang elemento ng NTF-ELCAC noong Abril 20 matapos papaniwalaing bahagi sila ng randomized swab testing sa kanilang barangay. Isinagawa ang operasyon katuwang ang kanyang ina. Mula noon, taliwas sa kanyang kalooban, ibinimbin siya ng apat na buwan sa isang kwarto sa ikaapat na palapag ng kanilang bahay.
Ayon sa kanya, kinadena ang bintana at pintuan ng kwartong kinalagyan niya at pinagbawalan siyang magsalita o kausapin ang kanyang mga kapatid. Dagdag niya, pinagbawalan siyang manood ng balita at magbasa. Sa karton siya umiihi at dumudumi. Dahil sa kanyang pagdurusa, dumanas siya ng matinding stress sa pag-iisip na nagtulak sa kanya ng saktan ang sarili.
Imbes na kalingain, ginamit pa ng NTF-ELCAC, katuwang ng kanyang ina, ang stress ni Alicia para makakuha ng impormasyon laban sa kanya at kanyang mga kasama sa Anakbayan. Aniya, pakiramdam niya’y nakapailalim siya sa interogasyon nang humarap siya sa kanyang “psychotherapist” na inirekomena ng sagadsaring pasistang si Lorraine Badoy, isa sa mga tagapagsalita ng NTF-ELCAC at isang duktor.
Nagtagumpay si Alicia na tumakas sa bahay ni Rellisa sa ikapito niyang tangka.
Noong Setyembre 2020 ibinasura ng Korte Suprema ang isinampang writ of amparo at writ of habeas corpus ng kanyang ina. Gayundin, ang kanyang kasong kidnapping at war crime laban sa dating kinatawan ng Bayan Muna na si Neri Colmenares at kinatawan ng Kabataan Partylist, Sarah Elago dahil sa kawalan ng ebidensya.