Aktibistang taga-Batangas, ipinag-utos na palayain
Ipinag-utos ng Regional Trial Court ng Batangas noong Oktubre 25 ang kagyat na pagpapalaya kay Erlindo Baez matapos nitong ibasura ang search warrant na ginamit ng mga pulis. Kaugnay nito, ibinabasura rin ng korte ang mga gawa-gawang kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.
Ayon sa korte, walang sapat na dokumentasyon (larawan o mapa) sa search warrant na ginamit ng mga pulis para pasukin ang bahay ni Baez. Isinampa kay Baez ang kasong illegal possession of firearms and explosives na nakuha umano ng mga pulis sa kanyang bahay sa Barangay San Vicente, Sto. Tomas City sa Marso 7. Wala siya doon sa panahon ng reyd.
Si Baez ay tagapagsalita ng Bayan sa Batangas na inaresto noong Marso 6. Kabilang siya sa anim na aktibistang inaresto sa parehong araw na pinaslang ang siyam na akbista sa Southern Tagalog sa tinaguriang “Bloody Sunday.”
Isa rin si Baez sa 21 aktibista at 1 ordinaryong tindera na pinalaya ng korte matapos ibasura ang mga kasong illegal possession of firearms ngayong 2021. Labingsiyam sa mga kasong ito ay ibinasura matapos ipinawalambisa ang mga search warrant na ginamit ng mga nang-arestong pulis. Tatlo ay walang sapat na ebidensya.
Sa 22 kasong ginamitan ng palyadong mga search warrant, 11 ay pirmado ng husgado mula sa Quezon City na si Cecilyn Villavert, lima ng husgado sa Maynila na si Jose Lorenzo de la Rosa at isa ng husgadong si Jason Zapanta.