Alternatibong lagakan ng mga “subersibong” materyal, itinatag ng mga akademiko

,

Inilunsad kahapon, Nobyembre 1, ng Academics Unite for Democracy and Human Rights ang website na “Aswang sa Aklatan” (https://handsoffourlibraries.crd.co/) para labanan ang atake ng rehimeng Duterte sa kalayaang akademiko. Layunin nito na pagbuklurin ang mga nagtatanggol sa akademikong kalayaan at maging lagakan ng mga binansagan ng gubyerno na “subersibong” babasahin at libro.

Ang pagtatatag ng website ay bahagi ng pagkakaisang nabubuo ng mga indibidwal at organisasyon sa panawagang #HandsOffOurLibraries (Huwag pakialaman ang aming mga silid aklatan). Direktang tugon ito sa kampanyang panunupil at “book purging” o sapilitang pagpapatanggal ng mga libro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinakahuli sa mga nanindigan laban sa pasistang hakbang ng NTF-ELCAC sa akademikong kalayaan ay ang University of the Philippines (UP)-Diliman Office of the Chancellor. Ayon sa kanilang pahayag noong Oktubre 30, “ang pagtatanggal ng mga piling babasahin ay isang malinaw na halimbawa ng censorship at pagkitil sa kaalaman.” Pag-abandona rin ito sa kalayaang mag-isip, magtanong, at magsaliksik; at sa kalayaang tumuklas ng katotohanan batay sa sariling kakayahan ng mga mag-aaral.

Bago nito, nauna nang naglabas ng pahayag ang faculty ng UP Diliman School of Library and Information Sciences (SLIS). Ayon sa kanila, hindi solusyon sa armadong tunggalian ang atas ng NTF-ELCAC at mga katuwang nito sa rehiyon na tanggalin ang mga “subersibong” akda sa mga silid-aklatan. “Ang mga libro, at mga pinagmumulan ng impormasyon sa pangkalatahan, ay hindi ang ugat na dahilan ng tunggalian,” dagdag nito. Nanawagan rin ang mga guro sa lahat ng mga edukador ng SLIS, mga librarian, mananaliksik, mga guro at mga mag-aaral na manindigan laban dito.

Sa isang press conference noong Oktubre 27, nangako ang tsanselor o pinuno ng UP Diliman na si Fidel Nemenzo na ipagtatanggol ang koleksyon ng unibersidad at ang kampus bilang sangtwaryo ng malayang ideya at aktibismo. Kabilang sa koleksyon ng unibersidad ang tinatawag na “Selda Papers,” na naglalaman ng mga ulat ng pulis, salaysay ng mga saksi at iba pang ligal na dokumento kaugnay sa mga paglabag sa mga karapatang-tao sa panahon ng diktadurang Marcos.

Imbes na katigan, pinagsabihan pa ng pinuno ng Commission on Higher Education (CHED) na si Prospero de Vera ang UP na maging “mapagbantay” at respetuhin ang tindig ng ibang unibersidad na nakipagsabwatan sa NTF-ELCAC. Sa esensya, ipinagtanggol ng CHED ang patakaran ng ilang paaralan na alisin ang mga libro at babasahing “subersibo” sa ngalan ng “kalayaang akademiko.” Kabilang sa mga librong ito ang mga inakda ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ni Prof. Jose Ma. Sison kaugnay ng usapang pangkapayapaan at iba pang mga usapin. Ibinasura ng mga akademiko sa ilalim ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy ang mga pahayag ni de Vera.

Sa Cordillera, kabi-kabila ang pagbatikos sa CHED sa rehiyon matapos nitong itaguyod ang inilunsad na kampanya ng NTF-ELCAC. Inatasan ng direktor ng ahensya rito ang mga pribado at pampublikong matataas na institusyon sa edukasyon na tanggalin ang mga “subersibong” dokumento mula sa kani-kanilang silid-aklatan at maging sa online na serbisyo sa impormasyon. Inilabas ito ng Regional Memorandum 113, series of 2021 para iutos ang mapaniil na hakbang.

Ilan sa mga state university ng mga prubinsya ng Aklan, Antique, Isabela at Kalinga ang pinasok at tinanggalan ng mga libro ng NTF-ELCAC at mga kasapakat nitong ahensya sa nagdaang buwan.

AB: Alternatibong lagakan ng mga “subersibong” materyal, itinatag ng mga akademiko