Ang malalim na sugat ng Marinduque
Gugunitain sa Marso 24 ang itinuturing na pinakamalubhang sakuna sa pagmimina sa Pilipinas. Noong 1996, milyun-milyong toneladang lason ang bumaha sa Boac River sa Marinduque mula sa gumuhong dam ng basura sa pagmimina ng Marcopper Mines. Magtatatlong dekada nang hinahakot ng kumpanya ang depositong ginto, pilak at tanso sa kabundukan ng prubinsya.
Matapos ang insidente ay pansamantalang natigil ang operasyon ng kumpanya, pero hanggang ngayon ay patuloy na inaagnas ng lason hindi lamang ang kabuhayan ng mamamayan sa prubinsya kundi ang mismong buhay nila.
Sa rekord ng Provincial Health Officer ng Marinduque noong 2019, tumaas ang bilang ng mga pasyenteng may sakit sa pag-iisip, sakit sa balat at altapresyon. Signipikante rin ang bilang ng mga may kanser. Marami rin ang dumaraing sa pagkahapo at sakit ng katawan. Pinakamalaki ang bilang ng mga kaso sa Mogpog, Boac at Sta. Cruz – mga bayan sa hilaga ng isla na siyang pinaka-apektado ng mga itinapong lason ng Marcopper.
Sa insidente noong 1996, tinatayang 2-3 milyong tonelada ng lason ang bumaha sa Boac River. Ang latak na itong nagmula sa pagproseso ng mineral ay siksik sa mga metal at kemikal, at agarang pumatay sa nasabing ilog. Kalaunan ay nagresulta ito sa paglikas at taggutom. Aabot sa 4,000 residente mula sa limang barangay ang direktang naapektuhan ng sakuna. Maraming residente din, kabilang ang mga bata, ang natuklasang may mataas na lebel ng nakalalasong lead at cyanide sa kanilang dugo. Ilan sa kanila ang namatay.
Bago pinatay ng Marcopper ang Boac River, nauna na nitong nilason ang Mogpog River noong 1993. Gumuho ang isa pang dam ng kumpanya sa ilaya ng ilog, at ang nagresultang baha ay tumangay sa maraming bahay, at pumatay sa mga alagang hayop at mga sakahan. Dalawang bata rin ang naiulat na namatay sa pagkalunod.
Nang sinukat ng mga mananaliksik noong 2018 ang lebel ng copper (tanso) at manganese sa mga ilog ng Boac at Mogpog, natuklasang mas mataas na ng limang ulit ang lebel ng copper at 158 ulit ng manganese kumpara sa naunang pag-aaral noong 1998. Hindi bababa sa anim na iba pang delikadong metal ang nakita sa mga ilog.
Pawang peligroso din ang konsentrasyon ng mga metal sa mga gulaying itinatanim at kinakalakal sa prubinsya. Ayon sa mga syentista, ang pinaka-karaniwang paraan pa rin ng pagpasok ng nakalalasong metal sa katawan ay sa pagkain o inumin. Gayunman, peligroso rin ang pagkalanghap ng alikabok o pagdikit ng mga ito sa katawan.
Dahil sa mga salik na ito, hindi sa tatlong bayan na lamang konsentrado ang pagkalat ng lason, kundi sa buong prubinsya. Dahil ito sa pagtangay ng hangin at tubig sa lason patungo sa iba pang bahagi ng isla, gayundin ang kalakalan sa agrikultura. Sa katunayan, sa naturang pag-eksamen ng mga gulay, ang mga bayan sa timog ng prubinsya ang nagtala ng pinakamataas na lebel ng peligro.
Dapat ay mababa sa 1 ang grado ng Health Risk Index (HRI o sukatan ng peligro sa kalusugan) para masabing ligtas ang lebel ng metal sa katawan ng tao. Pero sa mga gulaying sinaliksik sa lahat ng bayan ng Marinduque, umabot sa 2.22-9.39 ang HRI ng natagpuang konsentrasyon ng copper sa mga ito. Sa manganese naman ay nasa 19.59-53.85.
Sa mga kaso ng labis na pagkalantad sa manganese, kinakikitaan ang mga biktima ng panginginig o paninigas ng katawan, mabagal na paggalaw, at malubhang depresyon, pangamba at pagkagalit. Sakit sa baga, sa sikmura at dugo naman ang kadalasang idinudulot ng pagkalason sa copper.
Dahil sa mga insidente noong 1996 at 1993 ay tumampok sa buong mundo ang krimen ng Marcopper at kabuktutan ng mapandambong na pagmimina. Pero ang mga sakunang iyon ay bahagi lamang ng mas katakut-takot na pamiminsala ng kumpanya sa Marinduque. Mula 1975-1991, diretso sa baybayin ng Sta. Cruz sa Calangcang Bay itinatapon ang dumi ng mina na umabot sa 200 milyong tonelada. Sa loob ng 16 taon, nabuo sa baybayin ang pitong kilometrong tambak na may kalahating kilometrong lapad na latak na metal at kemikal at iba pang basura ng Marcopper.
Bigo ang mga residente noong 1981 na ipatigil ang pagtatambak dahil sa pagtatanggol ng diktador na si Ferdinand Marcos sa kumpanyang Marcopper. Pagmamay-ari niya ang aabot sa kalahati ng kumpanya sa pamamagitan ng mga kroni. Nang mapatalsik ay humalili ang sumunod na mga rehimen sa pakinabang dito kapalit ng paglapastangan sa kapaligiran.
Matapos ang mahigit limang dekada mula nang maminsala ang sosyohang Marcopper-Marcos, at ang sumunod na mga nagharing gubyerno, wala pang hustisyang nakakamit ang mamamayan ng Marinduque. Marami na ang pinatay ng lason at mas marami ang hindi pa rin naghihilom ang mga sugat at hindi pa rin gumagaling ang mga sakit.
Nang inabandona ng Marcopper ang mina, kasamang pinabayaan nito ang mga pananagutan sa prubinsya. Sa pinakahuling pagsisiyasat noong 2019, natuklasang patuloy pa ring tumatagas ang lason mula sa depektibong mga dam.