Malalagim na Alaala ng mga Pagmasaker ng Diktadurang Marcos Ang Masaker sa Tulay ng Bacong River sa Culasi
(Ikalawa sa serye ng tatlong artikulo) Mahigit isang buwan pa lamang ang nakararaan matapos naisiwalat sa buong mundo ang malagim na Masaker sa Sag-od sa isla ng Samar nang ginulantang ang mamamayang Pilipino ng isa pang masaker ng mga magsasaka at mangingisda sa baybaying bayan ng Culasi, Antique sa isla ng Panay.
Sa upisyal na ulat, lima lamang ang naitalang napatay sa masaker dahil hindi nabilang ang dalawa pang mga bangkay na nakita sa ilalim ng tulay. Hindi bababa sa pito ang nasugatan.
Ilang kabataang-estudyante sa Iloilo City, kabilang si Peter Mesenas, Jr. na taga-Culasi, ang nagsikap na makaugnay sa midya sa Maynila hanggang nakaabot ito sa Radio Veritas. Isiniwalat ng nasabing radyo ang kalunus-lunos na pangyayari sa Antique.
Naganap ang masaker ilang araw makalipas ang paggunita ng United Nations sa Human Rights Day noong 1981. Noong Disyembre 19 sa taong iyon, naglunsad ng isang demonstrasyon ang mahigit 400 residente ng Culasi, na karamihan ay nagmula sa mabundok na mga barangay. Layunin nilang abutin ang munisipyo ng bayan para ipaabot sa lokal na gubyerno ang dalawa nilang hinaing:
Una, inireklamo nila ang pagpakat ng isang bagong kumpanya ng PC sa kanilang bayan. Ayaw nila ang presensya ng mga sundalo dahil sa kanilang mga pang-aabuso, pwersahang ebakwasyon sa mga barangay na pinaghihinalaang sumusuporta sa Pulang hukbo, at mga pagkumpiska sa kanilang mga alagang hayop at iba pang ari-arian.
Ikalawa, iginigiit nila na bawasan ang sinisingil na buwis ng gubyerno sa kanilang ibinibentang mga gulay at pananim, karamihan mga halamang ugat. Ibinibenta ang mga ito ng mga magsasaka tuwing Linggo sa palengke ng Culasi.
Kasama sa nagmartsa ang mga magsasaka at mangingisda sa kapatagan at sa hilagang bahagi ng Culasi na maghahain din ng kanilang mga hinaing sa lokal na gubyerno. Bago makarating sa sentro ng bayan ang mga raliyista, tatlong beses silang hinarang ng mga elemento ng PC.
Sa unang panghaharang, pinatigil sila at tinanong kung sino ang lider ng kanilang grupo. “Kaming lahat ang lider,” matatag nilang sagot sa mga pasistang tropa.
Sa pangalawa, nakaabot na sila sa pambansang haywey nang muli silang sitahin ng mga sundalo. “Kaming lahat” ang muli nilang sinagot nang hinanap ang kanilang lider. Deteminado silang tawirin ang tulay sa Bacong River para abutin ang sentro ng bayan para sa kanilang protesta. Mula sa tulay, tanaw na nila ang gusali ng munisipyo ng bayan.
Habang nagmamartsa ang mga magsasaka at mangingisda, dumating ang dagdag na mga sundalo mula sa detatsment ng 315th PC Company sa pamumuno ni Lt. Leopoldo Segubre. Hinarang ng mga sundalo ang dulong hilaga ng tulay sa Bacong River ng kahoy na kawayan. Pahalang ang harang at may taas na hanggang baywang. Puno ng nakaalertong sundalo ang bahaging ito.
Tumanggi ang mga sundalo sa tulay na palampasin ang mga raliyista. Naging mainit ang palitan ng mga salita sa pagitan ng dalawang panig. Matindi ang tensyon. Pursigidong lampasan ng mga demonstrador ang harang na kawayan sa isang bansa. Sa kabilang banda, inatasan ang mga sundalo na pigilan sila sa anumang paraan.
Determinado ang mga raliyista na lampasan ang harang sa tulay. Inalis nila ang harang na kawayan para makadiretso sila patungong munisipyo. Walang kaabug-abog na sinalubong ito ng mga sundalo ng pagratrat ng kanilang mga ripleng armalayt. Nagsipulasan sa tulay ang walang kalaban-labang mamamayan.
Nang matapos ang pangraratrat, limang magsasaka at mangingisda ang nakahandusay sa tulay. Kinilala sila na sina Remigio Dalisay at ang kanyang kapatid na si Fortunato, Joel Plaquiño, Leopoldo Anos at Aquilino Castillo. Ilang araw matapos ang masaker, may nakita pang dalawang patay na bangkay sa ilalim ng Tulay ng Bacong River: isang matandang babae at isang lalaki na naaagnas na ang katawan. Hindi na naiulat ang dalawang patay na ito dahil sa takot ng kanilang mga pamilya na babalikan sila ng militar. Hindi naman bababa sa pito ang nasugatan, kabilang ang dalawang babaeng estudyante ng hayskul.
Kaagad-agad na naglubid ng kasinungalingan si Meyor Romulo Alpas at ang PC. Anila, mga kasapi ng rebeldeng NPA ang mga nagmartsa at tinangka nilang agawin ang mga baril ng PC. Gumanti lamang umano ang mga PC dahil naunahan silang magpaputok. Gayunman, walang tinamaan ni isa sa mga sundalo.
Alam ng mga taga-Culasi, kabilang ang Bise Gubernador na si Lolita Cadiao, na ang mga biktima ay mga karaniwang magsasaka na nais lamang magpaabot ng kanilang mga hinaing at demanda sa gubyerno. Inireklamo ni Cadiao sa pambansang awtoridad ang nangyaring masaker sa Antique.
Bunsod ng dumaraming kaso ng karahasang militar at mga abuso sa mga sibilyan sa isla ng Panay, kabilang ang masaker sa Culasi, binuo noong Enero 21, 1982 ang Panay Broad Alliance for Justice and Peace. Isa sa mga namumuno ng mga aksyong protesta sa isla laban sa diktadurang rehimeng Marcos ay ang dating Board Member ng Sangguniang Panlalawigan ng Iloilo at brodkaster Edwin Baldago. Bago mapatalsik ang diktadurang Marcos, pinaslang si Baldago ng mga armadong taong pinaghihinalaang mga ahenteng militar.
Kinunsidera ng noo’y rehimeng Marcos na sarado at tapos na ang kaso ng masaker sa Culasi gayong isa ito sa mga hindi pa nalulutas na krimen laban sa sangkatauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Marami sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan ang humihingi pa rin ng katarungan hanggang sa ngayon.
Sa kabila ng kanyang madugong rekord, na-promote pa hanggang naging isang lubos na colonel at kumander ng Guimaras Island si Segubre.