Anti-neoliberal na presidente, nahalal sa Colombia

,

Sa kauna-unahang pagkakataon, nahalal sa Colombia ang isang presidente na tinaguriang maka-Kaliwa dulot ng kanyang progresibong paninindigan laban sa neoliberalismo at para sa kalikasan, kababaihan at LGBT. Nanalo sa eleksyon noong Hunyo 19 si Gustavo Petro, kasama ng kanyang bise-presidente na si Francia Marquez, laban sa karibal na pulitikong bilyunaryo. Si Petro ang pinakahuli sa mga nahalal na anti-imperyalistang presidente sa Chile, Peru, Nicaragua, Bolivia, Venezuela at Cuba.

Matagal na nagsilbing meyor ng Bogota, pambansang kabisera ng bansa, si Petro. Kilala siya bilang dating myembro ng M-19, isang armadong grupong gerilya na lumaban sa gubyerno sa dekada 1980. Nabuwag ang grupo noong dekada 1990 matapos makipagkasundo sa gubyerno.

Tatlong beses nang tumakbo sa pagkapresidente si Petro. Bago nitong eleksyon, tumakbo siya noong 2018 pero natalo ni Ivan Duque. Lumakas ang kanyang tsansang manalo matapos sumiklab ang malawakang kilusang anti-Duque sa gitna ng pandemya. Mula Abril 29 hanggang kalagitnaan ng Mayo noong 2021, inilunsad ng mga unyon at organisasyong Colombian ang malawakang Paro Nacional (pambansang welga) laban korapsyon at kapalpakan ng estado na tugunan ang pandemya. Nilabanan din nila ang mga patakarang neoliberal ni Duque, laluna ang plano nitong magpataw ng bagong mga buwis. Iniatras ni Duque ang bagong buwis noong Mayo 2, 2021 pero nagpatuloy ang mga protesta dulot ng brutalidad ng pulis sa pagbuwag sa mga pagkilos.

Gumamit ang gubyernong Duque ng mga tangke at helikopter para supilin ang mga protestang nilahukan ng daanlibong mamamayan. Di bababa sa 47 ang napatay dulot ng pamamaril ng mga pulis sa mga raliyista. Sa dulo ng Paro Nacional, nakapagtala ang mga organisasyong pangkarapatang-tao ng 2,000 kaso ng brutalidad ng pulis, kabilang ang 27 kaso ng sekswal na pang-aabuso. Nasa 200 katao ang naiulat na nawawala.

Liban sa pagiging anti-neoliberal, kritikal si Petro sa pakikitungo ng Colombia sa US sa mga usapin ng kalakalan, paglaban sa iligal na droga at Venezuela. Mula’t sapul, pangunahing alyado ng US sa Latin America ang Colombia. Hangang kay Petro, hindi ito kailanman napamunuan ng mga progresibo o anti-imperyalista, di katulad ng maraming bansa sa Latin America. Kilala rin si Petro na mapagkaibigan sa Cuba.

Si Marquez, isang Afro-Colombian, ay kilala bilang aktibistang maka-kalikasan at kampyon ng mga isyu ng kababaihan.

AB: Anti-neoliberal na presidente, nahalal sa Colombia