Anti-Terror Law, pinal na ayon sa Korte Suprema

,

Tuluyan nang ibinasura ng Korte Suprema noong Abril 26 ang mga apela laban sa konstitusyunalidad ng Anti-Terrorism Law (ATL) ng rehimeng Duterte. Isinapubliko ang desisyon ng Public Information Office ng Korte Suprema noong Abril 26. Hindi pa inilalabas ang buong desisyon.

Mahigit 30 ang petisyon ang isinampa sa Korte Suprema na kumwestyon sa ATL. Ayon sa upisyal ng korte, ibinasura ng mga mahistrado ang mga mosyon na baligtarin ang naunang desisyon nito noong Pebrero kung saan idineklara ng Korte Suprema na konstitusyunal ang batas, liban sa dalawang probisyon nito.

Dismayado sa desisyon ang iba’t ibang mga grupo na malaon nang naggigiit na ang batas ay malupit at lubhang maaabuso laban sa mga kritiko at “kalaban” ng gubyerno.

Ayon sa mga petisyon, maraming probisyon ang batas na magbibigay-daan sa mga paglabag sa karapatang-tao at pang-aabusong militar at pulis. Matapos maisabatas ang ATL, kabi-kabila ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sibilyan na inaakusahang kasapi o sumusuporta sa Bagong Hukbong Bayan. Sa ilalim ng ATL, idineklarang “terorista” ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang BHB, ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at lahat ng organisasyong kaanib nito.

“Nanlulumo kami sa ulat na hindi nagbago ang pananaw ng mayorya na sumang-ayon sa halos lahat ng mga probisyon ng Anti-Terrorism Law,” ayon kay Edre Olalia, presidente ng National Union of People’s Lawyers (NUPL). “Umaasa pa rin kami na darating ang panahong mapapalitan o maamyendahan, kundiman tuluyang maibasura.”

“Sa pagtangging muling bigyang-konsiderasyon ang mga mosyon, pinagtibay ng Korte Suprema ang pinakamalulupit nga mga prubisyon nito—mula sa malabo at lubhang masaklaw na depinisyon nito sa “terorismo,” ang arbitraryong kapangyarihan ng Anti-Terrorism Council na magtalaga at mag-freeze ng mga ari-arian ng mga indibidwal at organisasyong binansagang “terorista,” at ang 24 na araw na walang mandamyentong detensyon,” ayon kay Cristina Palabay, Secretary General ng grupong Karapatan.

“Patuloy kaming naninindigan na ang mga probisyon (kabilang ang hindi malinaw na depinisyon ng krimen ng “terorismo” at ang pagbigay na malawak at masasaklaw na kapangyarihan sa Anti-Terrorism Council na maglabas ng mga kautusan para mang-aresto at pinahabang detensyon sa batayan ng suspetsa) ay hindi lamang mapanganib, dahil madali abusuhin ang mga ito, kundi labag ang mga ito sa konstitusyon,” giit ni Chel Diokno, pinuno ng Free Legal Assistance Group (FLAG).

Samantala, binigyang diin din ni Palabay na dapat ibasura ang batas at ideklarang hindi konstitusyunal. Hinamon din niya ang mga kandidato sa eleksyon na manindigan para sa karapatan ng mamamayan at kalayaang sibil sa pakikipagkaisa sa mga Pilipino sa panawagang ibasura ang ATL.

AB: Anti-Terror Law, pinal na ayon sa Korte Suprema