Astang kontra-ENDO, na-ENDO na
Pagwawakas sa kontraktwalisasyon, “di prayoridad” ni Duterte
Isang taon bago magtapos ang kanyang termino, tinuldukan na ni Rodrigo Duterte ang paasang pangako sa mga manggagawa na wawakasan ang kontraktwalisasyon. “Hindi prayoridad” ang banggit ni Undersecretary Jacinto Paras ng Presidential Legislative Liaison Office nang tanungin siya tungkol dito.
Anong mukha ang ihaharap ni Duterte sa mga manggagawa sa nalalapit niyang huling State of the Nation Address? Sa katapusan ng buwan, ilalahad niya ang mga panukalang batas bago matapos ang kanyang termino. Hindi kabilang dito ang batas kontra sa ENDO.
Tumakbo si Duterte pagkapresidente noong 2016 na may pangakong i-ENDO ang ENDO (end of contract) para makuha ang boto ng sektor ng mga manggagawa. Noong 2018, kunwa’y ginawa niya itong prayoridad at inatasan ang Kongreso na maghapag ng panukala. Inihain sa Kongreso ang House Bill 6908, ang huwad na panukalang anti-ENDO, na ayon sa blokeng Makabayan ay hindi nagtapos sa ENDO kundi lalo pang naglelehitimisa sa kontraktwalisasyon.
Gayunpaman, ibinasura pa rin ito ni Duterte noong 2019 sa dahilang dapat malaya ang mga kapitalista na gumawa ng mga hakbang na nakabubuti sa kanila, at dapat malaya silang mag-outsource (mag-empleyo ng ibang kumpanya o mga tao labas sa regular nilang mga manggagawa). Muling naghapag ng panukala ang blokeng Makabayan sa taong iyun pero di na ito umusad sa Kongreso.
Ayon sa Ibon Foundation, tinatayang mayroong 8. 5 milyong kontraktwal na manggagawa sa mga pribadong kumpaya at 800,000 di regular na manggagawa sa pampublikong sektor noong 2019. Pinakamataas ang kontraktwalisasyon sa sektor ng konstruksyon, real estate at pagmamanupaktura kung saan aabot sa pito sa bawat 10 ay di regular. Wala pang datos kung ilan sa kanila ang may trabaho pa o nananatiling kontraktwal sa panahon ng pandemya.