Badyet sa pananaliksik, kulang!
“Wala pa sa standard na itinakda ng UNESCO ang pondong inilaan sa DOST,” pahayag ni Fortunato Dela Peña, kalihim ng ahensya sa isang porum noong Hulyo 16. Nasa P22.8 bilyon lamang ang inilaan ng rehimeng Duterte sa ahensya, katumbas ng 0.4% ng gross domestic product o GDP.
Ayon sa benchmark ng UNESCO, dapat ay halos 1% ng gross domestic product ang ibibigay para sa pananaliksik at pagpapaunlad ng syensya ng isang bansa. Kung ibabatay sa kasalukuyang GDP, dapat P140 bilyon ang ilaan para sa mga siyentista.
Bago pa nito, dumaing na ang kalihim ng kagawaran nang magpasya ang Department of Budget and Management na kaltasan ang kanilang rekwes para sa badyet ngayong taon. Apektado ng kakulangan ng podno ang mga insitusyon sa ilalim ng ahensya, gaya ng Philippine Textile Research Institute, Philippine Nuclear Research Institute at Metals Industry Research and Development Center.
Dulot din ng barya-baryang pondo para sa pananaliksik at pagpapaunlad ng syensya at teknolohiya, walang kakayahan ang ahensya na pondohan ang mga pag-aaral para epektibong harapin ang pandemyang Covid-19 at iba pang katulad na banta.