Bakuna, ipinagdadamot ng monopolyong kumpanyang parmasyutika sa mamamayan ng mahihirap na bansa

,

Mas mahal ang pagbenta ng bakuna ng malalaking kumpanyang parmasyutika sa mahihirap na bansa kumpara sa pagbenta ng mga ito sa mas nakaaalwang mga bansa. Ang AztraZeneca, halimbawa, ay ibinenta ng $7 (P350 sa palitang $1=P50) sa Uganda at $5.25 (P262.50) sa South Africa. Pero ibinenta lamang ito ng kumpanya sa mga bansa sa European Union ng $3.50 (P175) kada isa. Dahil sikreto ang mga rekord ng kumpanya, walang nakaalam kung ano ang dahilan ng mga pagkakaiba sa mga presyo.

Sa isang pag-aaral na inilabas noong Nobyembre 30 ng Ibon International, isang grupong pananaliksik na nag-eespesyalisa sa mga usaping internasyunal, inilahad nito na ang pagkakaiba sa pagbebenta ay iniluluwal ng monopolyong kontrol ng dambuhalang mga kumpanya sa parmasyutika at ang kanilang paghahabol ng dambuhalang kita. Ang kaayusang ito ay sinusuhayan ng Trade-Related Aspects of Intellectual Property Rights (TRIPS), isang multilateral na kasunduan sa pagitan ng mga bansang myembro ng World Trade Organization na nagtitiyak sa kontrol ng mga kumpanyang ito sa mga patent at copyright ng kanilang mga produkto, ayon sa grupo. Itinulak sa WTO noong dekada 1990 ang TRIPS pangunahin ng 12 monopolyong kumpanyang Amerikano. Kabilang dito ang Pfizer, isa sa mga kumpanyang gumagawa ng bakunang kontra-Covid-19.

Gamit ang TRIPS, tumatanggi ang mga kumpanya sa parmasyutika na ibahagi ang kanilang “recipe” at teknolohiya sa paggawa ng bakuna para maaaring makapagmanupaktura ang mahihirap na bansa ng kailangan nilang suplay. Ito ay kahit pa pampublikong pondo ang ginamit para sa pananaliksik at pagpapaunlad ng naturang mga bakuna.

Nagresulta ang TRIPS sa di pantay na akses ng mga bansa sa mga bakuna laban sa Covid-19, ayon sa Ibon International. Habang ipinagdadamot ng kumpanya sa parmasyutika ang kanilang kaalaman, kinokopo naman ng malalaking kapitalistang bansa ang suplay. Lampas-lampas sa pangangailangan ang inorder na bakuna ng mayayamang bansa at sa halip na ipamahagi, itinatago lamang nila ang mga ito sa kanilang mga pasilidad. Ang pagsusubing ito ang dahilan kung bakit bigo ang COVAX Facility ng World Health Organization na makaipon ng 2 bilyong dosis sa simula ng taon.

Ayon sa United Nations Special Rapporteur on the Right to Physical and Mental Health, sa 43.9% mamamayan sa buong mundo na naturukan na ng minimum na isang dosis, 2.1% pa lamang ang naturukan sa mahihirap na bansa (low-income countries) noong kalagitnaan ng Setyembre. Sa Africa, halimbawa, 90% pa ang hindi naturukan sa panahong iyon. Tinatayang maghihintay sila ng dalawang taon bago sila maturukan.

Malinaw na napagkakaitan ng batayang karapatan sa kalusugan ang milyun-milyong mamamayan sa kaayusang ito, ayon sa mga tagapagtanggol sa karapatan sa kalusugan. Kung tutuusin, ayon sa isang pag-aaral, sapat ang namanupaktura nang dosis para bakunahan ang buong mundo pagsapit ng Mayo sa susunod na taon. Ito ay kung ipamamahagi ng mayayamang bansa ang inuupuan nilang ga bakuna sa ngayon.

Sa balangkas ng TRIPS, naipagkakait ang mga proteksyon sa mga karapatan ng mamamayan sa produksyon, distribusyon at paggamit ng bakuna, ayon sa Ibon International. Bukod sa paglabag ito sa karapatan sa kalusugan, nilalabag din nito ang karapatan ng mamamayan sa syensya.

Ang naghuhumiyaw na di pagkakapantay-pantay sa bakuna ang pumipigil sa mundo na wakasan ang pandemya, ayon pa sa grupong pananaliksik. Dahil dito ay nahahayaang lalong kumalat ang bayrus at magprodyus ng mas nakamamatay na mga baryant. Noon lamang katapusan ng Nobyembre, nadiskubre ng mga syentista sa South African ang bagong baryant ng bayrus, ang Omicron, na nagtataglay ng mahigit dobleng mutasyon kumpara sa naunang baryant na Delta.

Lalo ring pinalalaki ng tagibang na akses sa bakuna ang agwat sa loob at sa pagitan ng mga bansa, na una nang pinatingkad ng pandemya. Sa kadulu-duluhan, nilalabag nito ang karapatan sa pag-unlad    o right to development ng mga mamamayan sa dehadong mga bansa.

AB: Bakuna, ipinagdadamot ng monopolyong kumpanyang parmasyutika sa mamamayan ng mahihirap na bansa