Baligtad na mundo: Mga kukwestyon ng SALN, gustong ipakulong ng Ombudsman
Noong Setyembre 9, naglabas ng pahayag si Ombudsman Samuel Martires ng kagustuhang ipakulong ang sinumang magkwestyon sa statement of assets, liabilities and networth (SALN o lista ng mga pag-aari, utang at yaman) ng mga upisyal ng gubyerno. Gusto ni Martires na amyendahan ng Kongreso ang Republic Act No. 6713 of the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees para itakda ang 5-taong parusa sa lahat ng magkokomentaryo ng kahit ano sa isapupubliko na mga SALN.
Lumabas ang “mungkahi” na ito ay matapos kastiguhin si Martires ng publiko sa pagtanggi niyang ilabas ang SALN ni Rodrigo Duterte. Noong 2019, nagalit si Martires nang lumabas ang mga kwestyon kaugnay sa kanyang SALN. Napansin ng mga mamamahayag na lumobo ang kanyang yaman nang P15 milyon sa loob lamang ng unang limang buwan niya bilang Ombudsman.
Sa ilalim ni Morales, naglabas ang upisina ng Ombudsman ng bagong alituntunin kung saan hindi na maaaring hingin ng sinuman, laluna ng midya, ang SALN ng presidente, bise-presidente at mga upisyal ng mga independyenteng komisyon (tulad ng Ombudsman) nang walang nakasulat na pahintulot mula sa naturang upisyal o di kaya’y kautusan ng korte. Mula nang maupo siya sa pwesto, ang mga kusang isinasapubliko na lamang ay bahagi at di kumpletong SALN ng ilang mga upisyal. Ang lahat ng ito ay ang tunguhin at dating kalakaran ng pag-oobliga sa mga pampublikong upisyal na maglabas ng kumpletong SALN para sa kaalaman ng publiko.
Reklamo ni Martires, nagagamit diumano ng mga kalaban sa pulitka ang SALN para atakehin siya at iba pang mga upisyal ng rehimen. Kakatwa ito lalupa’t ginamit ni Duterte at mga kasapakat niya, kabilang si Martires, ang di kumpletong SALN para patalsikin sa Korte Suprema si noo’y Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Si Martires ay isang “brod” ni Duterte o myembro ng kapareho niyang fraternity.
Tutol si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa mungkahi ni Martires na ipagbawal ang komentaryo sa mga SALN. Aniya, liban sa taliwas ito sa prinsipyo ng transparency at accountability (pananagutan) na nakasaad sa Konstitusyon, pagsikil ito sa kalayaan ng mamamayan sa malayang pagpahayag.