#Balitaan: Alaala ni Kerima, binuhay sa mga parangal

Bumuhos ang mga parangal para kay Kerima Lorena Tariman (Ka Ella), kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros Occidental na nadakip at pinatay ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ang isang armadong labanan sa Barangay Kapitan Ramon, Silay City noong Agosto 20. Kasama niyang napaslang si Ka Pabling, isa ring Pulang mandirigma. Ayon sa imbestigasyon ng BHB-Negros, bahagya lamang ang sugat ni Ka Ella, ngunit tinuluyang patayin ng mga sundalo.

Nagbigay-pugay ang PKP kay Ka Ella, na bantog sa mga tula at likhang panitikan na sumasalamin sa pagdurusa, adhikain at pakikibaka ng api at pinahihirapan. “Kung ano siya bilang artista ay dahil sa pakikipamuhay niya sa masang magsasaka na kanyang pinaglingkuran. Sa piling nila ay natagpuan niya ang inspirasyon para sa kanyang husay,” anang Partido.

Kinilala ng Apolinario Gatmaitan Command (BHB-Negros) ang pagpili ni Ka Ella na makiisa sa buhay-at-kamatayang pakikibaka ng mamamayan ng isla ng Negros. Inialay niya ang kanyang buhay upang maglingkod sa sambayanan at sa rebolusyon. Naglabas din ng parangal ang Makibaka, Kabataang Makabayan-Negros, at iba pang kumand ng BHB sa isla.

Nagpaabot din ng pagkilala kay Kerima ang Women’s Protection Units, rebolusyonaryong hukbo ng kababaihang Kurdish. Sila man ay nalagasan ng babaeng kumander sa parehong araw ng pagkamatay ni Kerima.

Beteranong aktibista, batikang makata, at masugid na tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga magsasaka si Kerima.

Sa mahabang panahon mula nang mag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1996, hanggang sa kanyang pagkapaslang, iginugol niya ang kanyang panahon at husay sa pagsusulat at pananaliksik sa kalagayan ng mga magsasaka.

Ang mga baryo sa Isabela, Tarlac, Camarines Sur at Sorsogon ang ilan lamang sa pinuntahan ni Kerima upang makiisa sa pakikibaka ng mga magsasaka. Naabot niya rin ang mga baryo sa Visayas at Mindanao sa gayunding layunin.

Ayon pa sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), kabilang si Kerima sa mga pamumuno sa pagkilos ng mga manggagawa sa agrikultura sa Hacienda Luisita sa Tarlac upang igiit ang kanilang karapatan sa lupa at tiyakin ang pagkakaroon ng pagkain. Sa Mindanao naman, nagsarbey siya sa mga kapitalistang plantasyon upang ipakita ang malupit na mga kundisyon sa trabaho at tirahan ng mga manggagawa roon. Tumulong din siya sa pagbubuo ng alyansa para pigilan ang pagpapalawak ng mga plantasyon. Halos isang dekadang nagsilbi sa UMA si Kerima.

Sinabi naman ng Defend Negros na habang nakikipamuhay sa mga komunidad ng magsasaka sa Negros bilang istap ng UMA, nakapagbuo si Kerima ng praymer hinggil sa Social Amelioration Program ng reaksyunaryong gubyerno upang tulungan ang mga manggagawa sa tubuhan na maunawaan at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan para sa makatarungang sahod at mga benepisyo.

Hindi mga terorista sina Kerima at kasama niyang napaslang na si Ka Pabling, giit ng UMA. Ayon sa tagapangulo nitong si Antonio Flores, ang pag-okupa ng militar sa mga sibilyang komunidad, pambobomba ng mga sakahan mula sa ere, pagpaslang sa mga di-armadong magbubukid ang tunay na terorismo.

Ipinanganak si Kerima noong 1979 sa Legazpi City, Albay. Nag-aral siya sa Philippine High School for the Arts sa Los Baños, Laguna at nagtapos nang may karangalan noong 1996. Bago grumadweyt ay nakapaglimbag siya ng libro, na sinundan ng isa pang koleksyon ng mga tula noong 2017. Sa kolehiyo, naging estudyante siya ng kursong Philippine Studies. Naging Patnugot sa Kultura at kalaunay naging managing editor siya ng Philippine Collegian. Nadakip siya noong 2000 habang nananaliksik sa kalagayan ng mga magsasaka sa Isabela.

Inalala si Kerima ng kanyang naging mga kamag-aral at kasama sa UP at ng dyaryong Pinoy Weekly, kung saan naging kontribyutor siya. Marami sa mga kapwa manunulat ni Kerima ay nag-alay ng mga tula sa kanyang pagkamatay. Ang kanyang mga magulang, na ipinagmalaki ang kanyang piniling landas, ay idinaan din sa tula ang kanilang parangal sa anak.

Binigyang-puwang din ng maraming dyaryo ang pagbalita sa buhay ni Kerima bilang makata at lingkod ng mga magsasaka. Noong Agosto 28 ay binigyang pugay si Kerima sa Bantayog ng mga Bayani. Sa pahayag ng anak ni Kerima, sinabi nito na hindi nagtatapos ang laban sa pagpanaw ng kanyang ina. Aniya, “marami pang magpapatuloy: tayong mga naririto.”

#KerimaTariman

#Aklas

#DuterteWakasanNa

AB: #Balitaan: Alaala ni Kerima, binuhay sa mga parangal