#Balitaan: Digong tiklop kay Leni, tumangging isapubliko ang naipong yaman
Tumanggi si Rodrigo Duterte na isapubliko ang nalikom niyang yaman sa nakaraang tatlong taon habang nakaupo siya bilang presidente. Ito ay matapos siya hamunin ni Bise Presidente Leni Robredo na ilabas ang kanyang statement of assets, liabilities, and net worth o SALN at maging modelo sa kampanya laban sa korapsyon. Walang inilabas na SALN si Dutertte at ang kanyang mga anak mula pa 2018 sa kabila ng ito’y rekisito sa ilalim ng batas.
Ani Duterte, ipapaubaya na niya sa Ombudsman kung ilalabas ang kanyang SALN. Ang kasalukuyang Ombudsman si Samuel Martires na hinirang ni Duterte, ang siyang nag-utos noon na hindi na isasapubliko ang mga SALN liban kung may awtorisasyon ito ng kinauukulang upisyal o kung may utos ang korte, taliwas sa dating kalakaran na maaari itong silipin ninuman.
Umarangkada ang hamon kay Duterte na ilabas ang kanyang SALN matapos mali at ignorante niyang ipinagmayabang na siya ang mag-aawdit sa mga ahensya ng gubyerno sakaling mahalal siya bilang bise-presidente sa 2022. Ang barumbadong asta na ito ay bahagi ng bwelta niya sa Commission on Audit kaugnay sa nitong serye ng mga ulat na nagsiwalat ng mga anomalya at irregularidad sa lahat ng sulok ng burukrasya.
Binira ng mga eksperto ang katangahan ni Duterte. Anila, walang anumang awtoridad ang bise-presidente na mag-awdit dahil ang tungkuling ito ay nakaatang sa COA, isang independyenteng komisyon na itinatag alinsunod sa konstitusyong 1987.
Noon pang 2018 ipinagbawal ni Duterte ang paglalabas hindi lamang ng kanyang SALN, kundi pati ng kanyang mga alipures at gabinete. Sa isang memorandum ng upisina ng Ombudsman, hindi na basta-basta pwedeng makuha ng sinuman, kabilang ng mga mamamahayag, ang SALN ng mga upisyal ng gubyerno. Kailangan na nilang kumuha ng awtoridad mula sa upisyal na nais nilang imbestigahan, o di kayang utos mula sa korte.